|
Wilfredo Gacosta Agosto 1975
Agosto 5, Hindi ka Malilimot
matataas na ang mga damo sa kaingin.
walang maiaalay na pagkain
ngunit ang malawak na tanawin
sa paanan ng kabundukang Bintacan
ay nag-aalay ng kandungan
sa hapong katawan at isipan.
sa banda roon ay ang sentrong bayan.
maingay ang paligsahan sa pagpapayaman
ng mga mapagsamantala;
magulo ang paligsahan sa pagpapakaalipin.
ang bawat indayog ng bandila
ng mga busog
ay sampal sa karalitaan ng kanayunan.
hindi na nakapaghintay ang mga taksil
sa martsa ng tagumpay ng pagpapalaya.
nasa kabisera na sila,
nakikibahagi sa nakahaing karangyaan
sa hapag ng mayayaman-
may litsong isinasawsaw sa sarsang dugo
ng mga rebolusyonaryong martir,
may mainit na sabaw ng pinigang pawis
sa bisig ng mga inaalipin,
may wiski ng inipong luha
ng kababaihang niyurakan ng dangal.
sa bandang harapan ay ang bundok
ng Bulusan: malungkot at mapanglaw
ang lagaslas ng kanyang mga batis
at ang ungol ng kanyang ilog;
siya man ay naghahanap...
"nasaan na ang masisiglang yabag
ng mga kadre't Pulang kawal?
sa kanilang pagkauhaw, ang mga batis ko'y naghihintay;
sa kanilang pagkagutom ay may handang
kamoteng nilaga sa paminggalan;
at sa kalupitan ng mga brutong kaaway,
ang malalagong dahon at damo
ay may laang kublihan."
magkahalong poot at lungkot ang namamayani
sa diwa't puso ng mga api.
minsan nang sumilay ang silahis ng pag-asa
ngunit muling pinadilim ang bukas nila...
"may araw din kayong mga rebisyonista!
akala ba ninyo kami'y walang kaya?
isusulong namin ang pakikibaka,
ang sibat ng pagwawasto at poot
ang bulkang Bulusan
ang sa inyo'y magpaparusa!
kayo'y matutupok sa apoy ng aming pag-aalsa!"
|
|