|
Kris Montaņez 1984 Negros Occidental
Igang
Mahigpit ang kapit
Ng ugat sa igang,
Pumupulupot, bumabaon
Sa mga batong inuka't
Pinatalas ng ulan at araw
Sa kabundukan.
Sa makikitid na lupaing
Hinawan ng mga magsasaka,
Bumubulas ang mais at palay,
Mga kararuton-balinghoy,
Kamote, bisol, mga pagkaing
Pamatid-gutom na'y
Di pa makasapat.
Nakaumang ang igang
Sa mga daang ikinukubli
Ng hagunoy sa burol
At gilid ng mga bundok,
Mga patalim
Na sa talampakang kumapal sa hirap
Ay tuntungang humahantong
Sa layu-layong dampa
At pananim, sa mga balong
May alon at tilamsik ng ilog.
Sa lihim na mga lagusan,
Rumaragasa ang tubig
Mula sa mga bundok
Na dumadagundong sa natipong lakas.
Ngayon, dumarami
Ang mga balong nabubuksan,
Lalong tumatalim ang igang
Sa masisiglang yapak,
Humahawan ng bagong landas
Patungo sa kasukalang
Tinatanuran ng dalawidaw.
Mahigpit na nakaugat
Ang mga Pulang mandirigma
Sa masang magsasaka.
Kayrahas ng kahirapa'y
Nagtatayugan ang mga punongkahoy;
Sintigas ng igang
Ang nakalantad nilang ugat.
|
|