Sa kanila, ang layo ay
Tinatantiya sa tagal ng paglalakbay
O sa haba
Ng mga kawayan.
Hindi sa metro.
Sa kanila, ang lawak ay
Sinusukat sa kung ilang takal
O ganta ng palay
Ang maaaring ipunla sa lupa.
Hindi sa ektarya.
Sa kanila, ang mga kaarawan ay
Tinatandaan sa kabilugan ng buwan
At pagdating ng anihan.
Hindi sa kalendaryo.
Sa kanila, ang oras ay
Tinatakda ng galaw ng mga anino.
Hindi ng mga orasan
Hindi ng mga relo.
Sa kanila, ang ngalan ng mga lugar ay
Hinahalaw sa mga pangyayaring madali
Nilang matukoy, mga karanasang
Agad nilang maaalala.
Sa kanila, ang kulay ay
Larawan ng mga bulaklak
At mga paru-paro
Hindi mga pangalang
Mga pintor ang nagimbento
Sa kanila, ang pag-ibig ay
Sinasambit ng payapang damdamin
Hindi ng mga sulat,
Tsokolate at rosas.
Sa kanila, ang kapayapaan ay
Nasa puso ng digmaan:
Hindi ito makakamit
Kung walang Matagalang
Digmang Bayan.
|