Home  CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Agosto 1999
Maikling Kuwento
TOC Tiagew


Unang inilathala sa Dangadang, isang pangkulturang dyornal sa Hilagang Luzon

Kunot ang noo ni Channed nang pumasok siya sa sityo. Ilang beses nang tumilaok ang mga manok, at sa sikat ng araw makikita sa paglalakad ng lakay na may malalim siyang iniisip.

�Ey, Channed, may tabako ka riyan?� hiyaw ng kapitbahay niyang si Kinannoh. Lumapit si Channed at binigyan si Kinannoh ng muskada.

�Aba, Channed, gaano ba kabigat �yang problemang lumagpak sa balikat mo?� pabirong tanong ni Kinannoh.

�May nang-agaw ng hati ko sa tubig sa irigasyon,� paliwanag ni Channed sa kapitbahay. �Maghapon akong nagbantay sa irigasyon dahil turno ko kahapon sa patubig, pero may nanloko sa akin. May nagbukas ng lagusan ng tubig sa payaw ko. Kaya �yon, nawala lahat ang inipon kong tubig.�

Napabuntong-hininga si Kinnanoh. Nawalang bigla ang pabiro niyang tono at ngayo�y taimtim na nakikidalamhati sa hapis ng kausap na lakay.

�Napapansin ko�ng sapul nang dumating ang tiagew, lumitaw na rin ang mga di magagandang gawi ng ilang kababaryo natin,� wika ni Kinnanoh, habang inililigid ang mata sa kalawakan ng mga magkakarugtong na payaw na pumapalibot sa sityo. �Pero lahat naman tayo pare-parehong gipit na gipit na sa sobrang kakulangan ng patubig sa mga payaw, kaya sana naman, huwag nang manaig ang panloloko ng iba.�

 

Ang Hannachan, baryo nina Channed at Kinannoh, ay kinabibilangan ng 163 pamilyang magsasaka. Isa lamang ito sa daan-daang komunidad mula sa iba�t ibang dako na dumanas ng matinding epekto ng El Nino.

Halos kalahati ng mga payaw sa baryo ay sadyang hindi na nga nagawang sakahin pa dahil sa di maibsang kasalatan sa tubig. Kung lilibuti�t papasyalan ang mga payaw, karaniwan nang makikita ang mga bitak sa lupa na may mga malalalim na siwang, na ang ilan ay higit pa sa isang dangkal.

Dati�y hindi maipagkakaila ang ganda ng mga payaw na nakapaligid sa Hannachan. Sa mga buwan mula Pebrero hanggang Abril lalu na, ang kagandahan ng tanawing ito ang siyang nagpapaalala�t nagpapatunay na tumatayog at nagsisimula nang magbunga ang palay. At mula sa malayo, ang mga bahay ng mga magsasaka�y nagmimistulang maliliit na bangka sa kalagitnaan ng payapa�t berdeng ilog.

Ngunit ngayon, iilan na lang ang makikitang berdeng payaw. Maraming punlang sadyang hindi na naitanim dahil matutuyuan lang din naman ang mga payaw. Ang karamihan naman sa mga naitanim na ay maaaring hindi na rin tumubo, kaya�t ganoon na lamang ang panghihinayang sa maraming araw na pag-aararo at pagtatrabaho sa payaw.

 

Habang nag-uusap sina Channed at Kinannoh, dinig sa dakong palusong, sa sityo ng Hablayan, ang mga lagatok ng pagpapaet.

Sa isang kubong naiilawan ng mausok na saleng, may apat na lalaking nagpapaet ng mga pigurang-hayop at pigurang-tao. Nagsimula silang magpaet alas-kwatro pa nang madaling araw at titigil lang sila upang kumain ng almusal mamayang alas-otso ng umaga.

Si Agustin, 12 taong-gulang, ang pinakabata sa mga nagpapaet. Nasa kanang tabi niya si Bagyan, ang pinakamabilis na magpapaet sa buong baryo. Abala ang lahat subalit walang maririnig na ingay maliban sa tunog ng paet sa kahoy. Kailangan nilang makapagpaet nang maramiha�t mabilisan nang sa gayon ay may maipambili sila ng bigas. Dati nang kinukulang ang naaani nila sa mga payaw, subalit lalon pang magkukulang ito ngayong taon.

Tumigil muna sa pagpapaet si Bagyan at nagbilot ng tabako. �Dumating raw kahapon nang hapon ang mga kasama,� ani niya, sabay dampot sa saleng para sindihan ang tabakong binilot.

�Sino�ng napagkunan mo ng balitang �yan?� kaagad na tanong ni Agustin. Di-maipagkakaila ang pananabik sa tono ng kanyang boses at sa kinang ng mga mata. �Mahigit isang buwan na mula nang huling pumunta sila rito. Siguro marami na naman silang bagong komposisyon. Gusto kong matuto ng mga bagong kanta.�

�Gusto mo palang maging manganganta, ngayon mo lang sinabi,� kantiyaw sa kanya ni Bagyan. �Si Lakay Channed ang napagkunan ko ng balita. Tumulong raw sila sa kanya sa pagkumpuni ng irigasyon. Malamang nag-ublag sila sa ilaya ng baryo. Maya-maya nga lang ay naririto na sila para tumulong sa produksyon. �Wag kang gaaanong mag-alala, Agustin, tuturuan ka nila ng mga bagong komposisyong pinakahihintay mo.�

Natawa ang grupo. Napaubo si Hoggang, isa sa dalawang matandang binata sa baryo, at lumapit sa pintuan. �Sana bumase ang mga kasama rito sa sityo. Nais kong ipaayos yung pangaso kong Garand. Matagal na akong hindi makapangaso dahil nasira ang baril ko. Pandagdag na rin sana iyon sa pagkain.�

Mabilis na tinapos ni Agustin ang pinapaet niyang pigurang-kalabaw. Niligpit niya ang lahat ng ginamit niyang mga paet at kaagad na lumabas ng kubo. �Una na muna ako,� sabi niya sa kanyang mga kasama.

Maliksi ang mga hakbang niya pauwi. Baka sakaling sa bahay bumase ang mga kasama, ang naisaloob ni Agustin.

 

Dahan-dahang tumayo si Dulinsa at pinunasan ang pawis sa noo. Halos dalawang oras na sila ni Ka Lisa sa pagbubungkal ng kamote subalit hindi pa rin nila mapuno ang sako.

�Balik na muna tayo, Ka Lisa. Masakit na ang baywang ko.� Lumapit si Ka Lisa para samahan si Dulinsa sa malilim na bahagi ng kaingin.

�Lalong humihirap ang buhay ngayon, kasama,� ani Dulinsa habang hinahaplos ang masakit na baywang. �Noong wala pang tagtuyot, napupuno ko itong sako sa loob lang ng dalawang oras na pagbubungkal. Dalawa na nga tayong nagtrabaho ngayon pero hindi pa rin tayo makarami. Sinlaki lang ng ugat ang laman ng kamote ngayon. Karamihan pa nitong mga puno ay nalanta na. Lumutong at uminit na kasi ang lupa.�

�Epekto ito ng sinasabing El Nino, Ina Dulinsa,� mahinahong sagot ni Ka Lisa, sabay tali sa sako ng kamote.

Sumandal ang dalawang babae sa kahoy. Magpapahinga sila nang saglit bago ang halos isang oras na lakaran pabalik sa kabahayan ng Hannachan. Hatid ng bawat ihip ng hangin ang alikabok mula sa kainging pinagbungkalan nila ng kamote.

�Humaba ang tagtuyot dahil sa pagbabago ng klima sa buong daigdig,� patuloy ni Ka Lisa. �Kumonti ang suplay ng tubig. Grabe ang epekto nito sa mga magsasaka.�

�Halos isang buwan na ngayong walang lumalabas na tubig mula sa mga gripo,� ani Dulinsa. �Ang mga bata ay nag-iigib ng pang-inom na tubig mula sa balon sa dakong palusong. Ang paliligo naman at paglalaba ay doon na sa kalapit ng irigasyon. Malaking oras ang nauubos namin dahil napalalayo namin. Napapansin ko ring maraming bata ang nagkakasakit ngayon.�

�Ano�ng sakit ng mga bata?� agad na tanong ni Ka Lisa. Bilang medical officer ng yunit ng NPA, isa sa tungkulin niya ang pangunguna sa serbisyong medikal ng NPA sa masa.

�Karaniwa�y pagtatae at lagnat,� sagot ni Dulinsa. �Kagagaling nga lang sa sakit ng bunso ko, eh. Nangutang ako ng pitong daan para lang madala siya sa ospital.�

�Maaaring talakayin natin sa pulong masa mamayang hapon ang mga nangyayaring ito sa baryo,� ani Ka Lisa. �Pakisabi na lang ito sa mga kasama n�yo sa grupo ng kababaihan para yayain rin nila ang iba pa.�

Nang sandaling makapahinga na ang dalawa, binuhat ni Ka Lisa ang kalahating sako ng kamote at nagsimula na silang maglakad tungo sa kabahayan ng Hannachan.

 

Dinatnan nina Dulinsa at Ka Lisa sina Agustin at Ka Dindo na nag-aaral ng kanta.

Katatapos lang nilang magbayo ng palay. May gabok pa ng pinagtahipan sa kanilang mga braso at daliri at basa ng pawis ang kanilang mga kamiseta.

�Sana naligo ka muna, Agustin, bago ka nagpaturo ng kanta,� lambing ni Dulinsa sa anak.

�Ayos lang naman, Ina,� sagot ni Ka Dindo. �Delikado rin naman sa kalusugan ang kaagad na paliligo kung pawis-pawisan ang katawan. Paroroon na rin kami sa paliguan matapos maisaulo ni Agustin itong awit.�

�Nasaan ang iba pang kasama,� tanong ni Ka Lisa kay Ka Dindo. �Saang bahay bumase si Ka Laya?�

�Naroroon sina Ka Laya at Ka Gigi sa kabahayan sa ilaya, kina Ama Daplusen. Katatapos rin yata nilang magbayo. Naroroon si Ka Jas sa bahay ni Hoggang dahil magkukumpuni raw sila ng Garand. Sina Ka Mike at Ka Dragon ay tumulong sa mga kalalakihan na maituloy ang pag-aayos ng irigasyon. Mamayang hapon ang balik nila.� Bilang siyang iskwad lider ng yunit nila, mahalagang bahagi ng tungkulin ni Ka Dindong ang tiyaking laging alam niya ang mga pinaroroonan ng kanyang mga kasama.

�Tatawagin ko muna si Ka Laya para maisama kong mag-igib ng tubig sa ibaba,� ani Ka Lisa, sabay akyat sa kabahayan nina Daplusen.

Ilang sandali pa ay kasama nang pababa ni Ka Lisa si Ka Laya. Bitbit-bitbit nila ang apat na plastik na galong dating pinaglalagyan ng mantika. Marahan silang dumaan sa gitna ng taniman ng kape patungo sa pinag-iigiban.

�Shoo, shoo! Ay, �sus itong mga baboy! Dinudumihan n�yo ang pinag-iigiban.�

Patakbong lumusong sina Ka Lisa at Ka Laya para itaboy ang mga baboy na naglalaro sa kalapit ng pinag-iigiban. Bago sila nag-igib, sinalunga ng mga kasamang babae ang ilaya upang siyasatin ang buong itsura nito.

�Kailangang matalakay sa pulong masa mamaya ang kalagayan ng pinag-iigiban,� ani Ka Lisa. �Malakas ang suspetsa kong ang pag-inom ng tubig mula rito ang pinagmumulan ng sakit ng mga bata. Libreng-libre kasing naglalaro rito ang mga baboy at iba pang mga hayop.�

 

Sa purok ng Lamagan idinaos ang pulong masa. Sentro ito ng Hannachan at maluwag ang dap-ay doon na maaaring pagtipunan ng mga tao.

Si Lakay Alliw, isang aktibistang masa at lihim na namumuno sa grupo ng mga magsasaka, ang nanguna sa pampasiglang pambungad sa pulong masa. Masaya ang kantahan. Malakas ang tinig ni Agustin, ganadong-ganado sa pagkanta ng kakakabisado pa lamang niyang mga salidummay.

Sa bahay na katabi ng pinagdarausan ng pulong masa, may itinayong medikal at dental na klinika ang mga kasama. Sina Ka Lisa, Ka Gigi, at Ka Mike ang nagbibigay ng acupuncture. Sina Ka Dragon at Ka Jas naman ang nagaasikaso sa mga problema sa ngipin. Ang mga pasyenteng tapos nang magpatingin ay nagbabalikan sa pulong masa. Pinapalitan naman sila ng iba pang nakapilang masang pasyente.

Naghalinhinan sina Ka Dindo at Ka Laya sa pagsasalita at pagpapaliwanag sa El Nino bilang isang biglaang pagbabago ng klima sa daigdig gawa ng pag-init ng himpapawid sa taas ng karagatang Pasipiko. Ipinaliwanag rin nila sa masa na isa sa mga dahilan ng pag-init ng himpapawid ay ang pagkaubos ng kagubatan na direktang sanhi naman ng komersyal na pagmimina at pagtotroso ng mga imperyalista at malalaking negosyante sa bansa. Naiugnay rin dito ang epekto ng grabeng polusyon mula sa mga pabrika at sasakyan.

Matapos maipaliwanag ng mga kasama ang mga kadahilana�t epekto ng El Nino, binigyan ng puwang ang masa para makapagsalita hinggil sa kanilang mga problema at kung papaano lulutasin ang mga ito.

Unang tumayo si Channed. �Batid kong ngayon ay hirap tayong lahat sa pagpapatubig ng payaw. Pero �wag sana nating payagang manaig ang panloloko sa hatian ng tubig sa irigasyon. �Wag sana tayong kapwa mamamayan ang siyang maglaban-laban. Sa halip, tayo sana ay magtulungan. Mayroon na rin namang mga patakarang pinanday noon pa man ang mga lakay. Paunlarin pa natin ang mga ito para higit na mapahusay ang hatian sa tubig. Ayusin natin ang iskedyul at ito�y sundin sana nating lahat.�

�Sang-ayon ako kay Chenned,� dugtong ni Kinannoh. �At bukod pa sa iskedyul, kailangan ding kumpunihin natin ang irigasyon. Sinsinin natin ang mga pilapil at linisin natin ang pagdadaluyan ng tubig. Sayang ang natatapong tubig, liban pa sa mga tumatagas sa buhaghag na mga pilapil.

�Sinubukan kong humingi ng tulong mula sa gobyerno para riyan,� dagdag ng kapitan ng baryo. �Pero wala raw pondo, dahil nakalaan na raw ito para sa mga viewdeck at pathway para sa mga bisitang turista. At �yun lamang mga irigasyong patungo sa mga payaw na panonoorin ng mga turista ang nilaanan ng pondo. Kaya nga�t talagang tayo na mismo ang obligadong gumaod kung gusto nating malutas ang mga problema natin.�

�Sina meyor lang naman ang nakikinabang sa mga turista dahil ang hotel niya roon sa sentro ang tinutuluyan nila at sasakyan din niya ang inaarkila ng mga turista,� galit na wika ni Hoggang. �Tapos, sila rin lang namang mga opisyal ng gubyerno ang nangungurakot ng pondo sa mga kontrata. Halimbawa na lamang sina Gabino sa kabilang baryo. Dinaya sila ng NIA. Kalahati lang ang ibinigay na bayad sa ipinatrabaho sa kanila.�

Sunod na nagsalita si Dulinsa: �Nag-usap kami kanina ni Ka Lisa kanina tungkol sa kalagayan ng pinag-iigiban natin ng tubig sa ilaya. Sa tingin namin, ang maraming sakit ng mga bata sapul nang nagsimula ang tiagew ay bunga ng pagiging marumi ng pinag-iigiban natin. Malayang nakakapunta roon ang mga alagang hayop na naghahanap ng malamig na mapaglalaruan. Kailangang malinisan at mabakuran ang pinag-iigiban natin.�

�Kailangan rin ng karagdagang sustansya, para hindi lumala ang panghihina ng resistensya ng ating mga kabataan,� dagdag naman ni Baket Wallan. �Maganda rin naman yung mungkahi ng mga kasama na gumawa tayo ng komunal na gulayan. Hindi ba�t mayroon naman tayong mga binhi para sa mga gulay na madaling itanim at anihin? At idagdag pa natin dito ang iba�t ibang mga binhing ipinadala sa atin ng iba pang mga kasama.�

Marami pang nagsalita kasunod ni Baket Wallan. Bawat isa ay malayang nakapaglabas ng kanya-kanyang mga pagtingin at mungkahi kaugnay ng mga isyung kinahaharap ng mga taumbaryo.

Matapos ang pagbabahagihan, pinamunuan nina Lakay Alliw, Dulinsa, Channed at Kinannoh ang masinsing pagbubuod ng mga kaisahang natamo ng mamamayan. Tumulong ang mga kasama sa talakayan at nagboluntaryong lumahok sa mga pinlanong gawain.

Alas-dos na ng madaling araw nang matapos ang pulong-masa at ang serbisyong medikal-dental ng mga kasama. Sa makinang na liwanag ng buwan,umuwi ang mga masa sa kani-kanilang tahanan. Ang mga kasama naman ay umahon sa kanilang physical base sa dakong ilaya ng mga payaw.

 

Bago matulog, nagsulat muna si Ka Lisa. Malugod niyang itinala sa talaarawan ng yunit ang mga nagawa ng NPA at ng masa sa Hannachan nitong nagdaang mga araw. Gawa na rin ng kapaguran, hindi niya kaagad makuhang makatulog sa hinihigaan niyang latag na sako. Tinitigan niya ang dilaw na buwan at ngumiti, magaan ang pakiramdam habang sinasariwa ang napagkaisahan ng masa at mga kasama -- mga gawaing pagdating ng umaga�y pagtutulungan nilang tapusin.

Pamumunuan ng grupo ng kalalakihan ang pag-aayos sa irigasyon, samantalang pangangasiwaan naman ng grupo ng kababaihan ang paglilinis at pagbabakod sa pinag-iigiban. Ang grupo ng kabataan ang mangunguna sa paghahanda ng isang komunal na gulayan. At sa lahat ng mga gawaing ito, lalahok ang NPA.

Mula sa panghihina ng rebolusyunaryong kilusang masa sa baryo sa mahabang panahon, di-maiwasang maiwanan ito ng mga kasama. Subalit nang mabalikan na ito, kagyat namang naiwasto ang mga nakaraang kahinaan at pagkukulang at masigasig na napagtuunan ang gawaing masa. Kaya�t naging mabilis na ang rekoberi at ibayong sumigla ang rebolusyunaryong kilusan sa baryo. Sa gitna ng krisis at matinding kahirapan, maaasahan at maaasahan ang masa, mabuo lang ang kanilang solidong kaisahan at tiwala sa sariling pinagsamang lakas at sa rebolusyon.

Matagal pa bago dumating ang buhos na ulan, ngunit malinaw sa katahimikan ng gabi ang magaang pagdapo ng ambong nananariwa sa nanuyong lupa ng baryo.

Bago nakatulog si Ka Lisa, saglit pa niyang napakinggan sa kanyang alaala ang sabik na tinig ni Agustin na mistulang sumasanib sa matamis na himig ng ambon: ... Ituloy ang sinimulan ... Ituloy, ipagpunyagi ... Magpahanggang ... Ay, ay, tagumpay!

baket -- nakatatandang babae

dap-ay -- lugar na pinagtitipunan ng konseho ng mga lider

lakay -- nakatatandang lalake

muskada -- isang klase ng tabako na nginunguya

payaw -- hagdang-palayan

saleng -- kahoy na pangsiga

salidumay -- tradisyunal na awit sa Kordilyera

tiagew -- tagtuyot

ublag -- kampo sa gubat



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.