Home  CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Agosto 1999
Mga Awit
TOC Ka Lennon: Musikero, Mandirigma at Martir


Hindi siya kabilang sa bandang �Beatles,� bagamat kinuha niya ang pangalan ng pinakasikat na miyembro nito. Ang ating Ka Lennon ay isa sa libu-libong Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Si Melchor Llago Jr. ang dakila at pinakamahusay na rebolusyonaryong musikero mula sa Timog Mindanao. Sa kanyang pagpanaw, iniiwan niya sa atin � kasama ng napakaraming rebolusyonaryong awiting kanyang nilikha � ang alaala ng isang huwarang Kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ipinanganak si Ka Lennon noong Agosto 21, 1961 sa Catarman, Camiguin kina Melchor at Alicia Llago. Lima silang magkakapatid at lahat sila, sampu ng kanilang mga kamag-anak, ay nakakaunawa at aktibong lumalahok sa rebolusyonaryong kilusan. Siya�y lumaki sa Pelaiz, Claveria, Misamis Oriental.

Isa siyang simpleng magsasaka na nagtatrabaho sa lupain ng kanyang mga kamag-anak. Dati na siyang mahilig maggitara at umawit (ang dalawa sa mga pangalan niya sa pakikibaka, Lennon at Carthy, ay galing sa mga hinahangaan niyang musikero). Nakaabot siya sa ikalawang taon ng hayskul. Mahusay din siyang manlalaro ng basketball. Bibo, kwentist� komedyante rin, maraming mga kaibigan at kakilala si Ka Lennon.

Sumampa at kumilos nang buong-panahon sa Bagong Hukbong Bayan si Ka Lennon noong maagang bahagi ng 1986 , panahon ng ibayong katindihan at kabangisan ng mga operasyon at kampanya ng kaaway, ng isteryang KAHOS at pagtagos ng mga maling linyang adbenturismong militar at insureksyunismo sa Partido, Hukbo at masa. Una siyang itinalaga sa himpilan ng isang larangan, pero hindi nagtagal ay inilipat siya sa sentrong panrehiyon. Sa panahon ng tigil-putukan sa pagitan ng NDF at ng rehimeng Aquino mula Disyembre 1986-Enero 1987, naging bahagi siya ng pwersang panseguridad ng mga lider ng NDF.

Noong huling bahagi ng 1987, naging magkasintahan sina Ka Lennon at Ka Lingling, isang medik ng BHB. Kanyang nasilayan at niligawan si Ka Lingling nang sila�y kapwa dumalo sa isang pambansang pagtitipong medikal. Ikinasal sila noong Agosto 11, 1987 .

Matagal na nagsilbing radioman ng rehiyon si Ka Lennon. Pagdating ng maagang bahagi ng 1990, nagsimula naman siyang magsilbi bilang istap ng isang larangan. Sa pagtatapos ng 1990, itinayo ng larangan ang KUDLONG, isang grupong pangkultura, at si Ka Lennon ang tumayong lider ng grupo. Marami ang naantig, napukaw at napakilos ng kanilang mga pangkulturang pagtatanghal.

Noong Mayo 1992, napunta siya sa isa pang larangan at dito niya nakasama sina Ka Pedro at Ka Berto sa pagsusulat ng mga awit. Naroon din ang iba pang mga kasamang umaawit at mahilig sa musika.

Ipinatawag ng rehiyon noong Marso 1993 ang mga mang-aawit ng KUDLONG, kasama ang ilang miyembro ng istap ng rehiyon para irekord ang mga nagawang orihinal na awitin Mahigit 20 mga awitin ang matagumpay na nairekord at naipalaganap sa buong rehiyon.

Nadeploy si Ka Lennon at ang kanyang asawa sa isa pang himpilan ng rehiyon noong Enero 1995. Dito masigasig na naggawaing masa si Ka Lennon. Sa mga nilubugan niyang mga baryo, maraming masa ang napukaw, na-organisa at napakilos. Sa buwan ding iyon, pinangunahan ni Ka Lennon ang pagkomposo, pag-awit at pagrerekord ng maraming mga awitin sa kagubatan ng larangan. Dito ay ginawa nila ang mahigit sa 40 rebolusyonaryong kanta at matagumpay nilang naipalaganap ang mga ito di lamang sa buong Mindanao at Kabisayaan kundi maging sa labas ng bansa.

Marami pa sanang nais gawin si Ka Lennon: sumulat ng iba pang mga kanta, umawit, mag-organisa ng masa. Subalit noong Pebrero 5, 1998, bandang alas-siyete ng umaga, nakubkob ang yunit ni Ka Lennon at siya ay napatay ng mga kaaway. Mga miyembro ng kultong Tadtad ang pumaslang sa kanya. Namatay si Ka Lennon sa murang edad na 37 taon

Maaalala natin ang kanyang matapat na pagkilos at masugid na pakikipaglaban para ng interes ng mamamayan. Wala na ang ating dakilang rebolusyonaryong musikero at mang-aawit, pero nakaukit sa puso ng mga kasama at masa ang himig ng kanyang mga awitin, musika at mahusay na pagkilos. Siya ay buhay na halimbawa ng isang artistang hindi lamang nagkasya sa kanyang sining, bagkus ay nag-alay ng lahat ng kanyang kakayanan at, higit sa rito, ng kanyang buhay sa taus-pusong paglilingkod sa sambayanan.

Wala man siya�y mananatiling buhay si Kasamang Lennon sa pandinig at alaala ng mga kasama at masa.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.