Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Pebrero 2000
Pahayag
TOC Mensahe ng Pagbati
Mula sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid


Ipinaabot ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) ang mainit na rebolusyonaryong pagbati sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) sa pagdiriwang nito ng ika-13 anibersaryo. Bilang isa sa mga pambansang-demokratikong organisasyong kapanalig ng PKM sa Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas, kami ay lubos na nagagalak sa mga tagumpay na inyong nakamit sa nakaraang labintatlong taon ng matatag at militanteng pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Angkop at napapanahon ang napili ninyong tema sa makasaysayang okasyong ito -- ang "Mangahas na Magpalawak at Patatagin ang Hanay, Kamtin ang Higit na Rebolusyonaryong Pakikiisa sa Sambayanan". Ang sambayanang Pilipino, laluna ang masang anakpawis na binabayo ngayon ng krisis, ay nangangailangan ng mas pursigido at ibayo pa nating pakikiisa at pagkilos upang ang mas maraming bilang sa kanila ay maabot at mapukaw, maorganisa, at mapakilos laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo -- ang tatlong salot na ugat ng kasalukuyang krisis at kahirapang dinaranas ng sambayanang Pilipino.

Napakahalagang tungkulin ang ginagampanan ng ARMAS sa pagpapalaganap at pagsusulong ng isang pambansa, syentipiko at kulturang pangmasa. Sa pamamagitan ng nalilikhang rebolusyonaryong obra sa sining tulad ng mga awit, tula, dula, kwentong bayan, nobela, sayaw, drowing at iba pa na sumasalamin sa tunay na mga kalagayan, mithiin at pakikibaka ng masang anakpawis, ibayo pa nilang napapatalas ang kanilang diwang mapanlaban at higit pang napapatalas at napapatalim ang kanilang mga armas na pamuksa sa mga kaaway. Mabisa rin nitong nailalantad at nilalabanan ang mga imperyalistang propaganda, at ang mga burgis at pyudal na kaisipan at gawi na ginagamit ng mga naghaharing uri upang linlangin ang masa para higit pa nilang mapatagal ang kanilang makauring pagsasamantala at pang-aapi.

Sa mahigit isang taong paghahari-harian ng rehimeng US-Estrada, pinatunayan niyang wala siyang kaparis sa pagkatuta, pangangayupapa at pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhang monopolyo kapitalista. Ginagamit niya ang iba't ibang klase at pamamaraan ng panlilinlang upang palabasing "maka-mahirap" ang kanyang paghahari. Nais niyang pagtakpan ang napakatinding kahirapang dinaranas ng malawak na mamamayan bunga ng kanyang pagpapatupad sa kontra-mamamayang mga patakaran, programa at kasunduang dikta ng mga amo niyang dayuhan. Hindi rin siya nagdadalawang -isip sa paggamit ng dahas upang supilin ang mga lehitimo at makatarungang paglaban ng mamamayan.

Sa mahigit tatlumpung dekada ng pakikibaka ng mamamayan sa pamumuno ng proletaryado at ng Partido nito, nakakaipon at nakakabuo na tayo ng mga likhang-sining at panitikan na halaw mula sa mayamang karanasan sa pakikibaka ng uring magsasaka. Sa lahat ng mga tagumpay na natamo ng digmang bayan ay napakahalaga ng ginampanan at patuloy na ginagampanang papel ng mga manggagawang pangkultura na lumitaw mula sa mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, mga organisadong magsasaka, kabataan, kababaihan at mga bata sa loob ng mga sona at larangang gerilya sa malawak na kanayunan at kabundukan sa buong kapuluan. Patuloy silang puspusang nagsasanay at nagpapakadalubhasa sa gawaing pangkultura bilang isang larangan at anyo ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa digmang bayan.

Marami-raming bilang na rin ang nabuong mga grupong pangkultura laluna sa hanay ng mga kabataan at kababaihang magsasaka na nagtatanghal sa idinadaos na mga pulong masa. Gumagamit sila ng mga tradisyunal na anyo ng pagtatanghal na nilapatan ng mga rebolusyonaryong nilalaman. Laganap din sa hanay ng mga pambansang minorya ang paggamit sa mga katutubong anyo na higit na madaling maunawaan ng masa upang ipahayag ang kanilang mga kalagayan at suliranin. Kabilang dito ang oggayam, sayaw na tadek, balagtasan, at iba pa.

Mayaman at hindi matutuyuang bukal ng mga hilaw na materyales ang buhay at kamatayang pakikibaka ng mga mamamayan para sa pagyabong at pamumukadkad ng rebolusyonaryong kultura. Ang mga rebolusyonaryong manggagawang pangkultura na kumikilos sa larangang ito ay nararapat na tumungo, mahigpit na umugnay, makipamuhay, makipag-aralan, makiisa, at lumahok sa pakikibaka ng malawak na masang anakpawis upang makalikha at maipalaganap ang isang pambansa, syentipiko at kulturang pangmasa. Tanging dito lamang magkakaroon ng tunay na kabuluhan ang ating paglahok sa dalawang yugtong rebolusyong Pilipino.

Muli, ang aming maalab na rebolusyonaryong pakikiisa at pagbati sa inyong ika-13 anibersaryo. Lalo pa nating pahigpitin ang ating pagkakaisa laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.