Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Pebrero 2000
Pahayag
TOC Mensahe ng Pagbati
Mula sa Kabataang Makabayan


Rebolusyonaryong pagbati!

Nagpupugay ang rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante sa ika-13 anibersaryo ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS). Kaisa niyo kami sa pagbubunyi ng mga tagumpay ng kilusan sa larangan ng rebolusyonaryong sining at kultura sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP). Gayundin, ang maningning na mga tagumpay na inaani ng ARMAS ay nagsisilbing inspirasyon para sa kilusang kabataan na magpunyagi sa sarili nitong gawaing pangkultura.

Ang gawaing kultura ay nagsilbing isang makapangyarihang sandata para sa malakas at malawak na pagsulong ng IDKP na sinimulan noong 1992. Sa panahon ng buhay-at-kamatayang pakikibaka para magwasto, sumibol sa hanay ng kabataan ang napakaraming dula, awit, tula, kwento at sining-biswal. Marami sa mga likhang ito ay naglaman at nagpatibay sa mga saligang prinsipyo ng kilusan at sa pagtatakwil sa mga kamalian. Sa pamamagitan ng mga bagong rebolusyonaryong likhang-sining, mabilis na lumaganap ang mensahe ng kilusang pagwawasto at maraming aktibista ang nakonsolida. Naging posible na rin sa sektor ng kabataan ang magtalaga sa ibang sektor ng mga kadre at kasapi para sa gawaing pangkultura.

Ang mga likhang ipinapalaganap ng ARMAS ay nagsisilbing mga huwaran at inspirasyon para sa sariling pagpupunyagi ng sektor sa larangan ng rebolusyonaryong kultura. Kinikilala ng sektor na isang pwersa ang kabataan na makakapag-ambag nang malaki sa pangkulturang gawain ng kilusan - isang malakas na pwersa para sa pambansa-demokratikong kilusang propaganda. Susi sa pag-aambag na ito ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa masang anakpawis. Sa ganitong paraan ay naisasaalang-alang ang interes at pangangailangan ng masa, nababaka ang indibidwalismo at elitismo sa sining, at higit na napapayaman ang maaaring pagbatayan ng mga likhang-sining.

Sa panahon ng ibayong paglala ng krisis sa ekonomya at pulitika, kinakailangan ang ARMAS sa taliba ng tagapagpalaganap ng rebolusyonaryong mensahe sa mamamayan. Ang ating gawaing pangkultura ay dapat magsilbi sa ibayong paghiwalay at paggapi sa pasista at tutang rehimeng US-Estrada. Ang ating gawaing pangkultura ay tiyak na magpapabilis sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa para pabagsakin ang rehimeng Estrada at kamtin sa hinaharap ang pambansa-demokratikong mithiin ng sambayanan. #



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.