Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Pebrero 2000
Sanaysay
TOC Sensura at "Pornograpiya" sa Gitna ng Tumitinding Krisis


Sumulpot ang isyu ng "pornographiya" sa pelikula habang nasa gitna ng krisis sa ekonomya, pulitika at kultura ang lipunang Pilipino. Patuloy na tumataas ang presyo ng langis, pasahe, at mga bilihin samantalang binabarat pa rin ng ganid na malalaking kapitalista ang sahod ng mga manggagawa. Isinantabi lang naman ni Estrada ang panukalang baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon upang lalu pang ibukas ang bayan sa mga dayuhan. Sumasahol at lumalala naman ang nakawan at korupsyon sa burukrasya at pamahalaan.

Isang isyung ito na sa isang banda ay nakapagbibigay ngayon ng puwang sa rehimeng US-Estrada upang mailihis ang atensyon ng mamamayan mula sa kinakaharap nilang kahirapan. Sa kabilang banda naman, ang isyu ring ito ang nagbibigay rason at pagkakataon sa reaksyunaryong rehimen upang tuluyan nang maghigpit sa kalayaan sa pamamahayag, laluna sa gitna ng nakikitang papatinding ahitasyon ng mamamayan.

Ang Sensura sa Ilalim ng Reaksyunaryong Rehimen

Sinasamantala ng rehimeng US-Estrada - na alam nating may malakas na pasistang tendensiya - ang mga alingasngas na inianak ng isyung "censorship" (kasama na ang Simbahan na kailan lang ay nakabangga ni Estrada sa isyu ng Concord at press freedom). Kapag nagkataon, makokonsolida ng rehimeng US-Estrada ang opinyong konserbatibo upang sa kagyat ay kitlin ang kalayaan sa pamamahayag sa pelikula, at sa kalaunan ay maaaring humantong sa mas malawakang panunupil.

Sino nga ba ang magnanais ng sensura? Taliwas sa ipinangangalandakan nito, ipinapataw ng reaksyunaryong estado ang sensura hindi para isalba ang mamamayan at kababaihan mula sa kuno'y laganap na imoralidad. Bagkus, ang usapin ng pagpapatupad o di-pagpapatupad sa sensura ay laging udyok ng pampulitikang pangangailangan ng reaksyunaryong gubyerno.

Sa panahong ang pormal na kalayaan sa pamamahayag ay nagiging mapanganib na sa estado, laluna sa gitna ng matinding krisis, ang sensura ay nagiging isang pampulitikang sandata ng estado para imintina at palakasin ang hawak nito sa poder at para patindihin ang panunupil sa nakikibakang mamamayan. Sa kabilang banda, pinahihintulutan naman ng reaksyunaryong estado ang anumang makapanlilihis sa mamamayan mula sa rebolusyonaryong pakikibaka, kabilang na ang "malalaswang pelikula", upang makalikha ng ilusyon ng kalayaan sa pamamahayag at sining.

Matatandaan na noong panahon ni Marcos, isa sa mga unang hakbang na ginawa ilang araw matapos ipataw ang batas militar ay ang pagpasa ng Letter of Instruction No. 13 na agad-agad na nagbawal sa pagpapalabas ng humigit-kumulang 200 pelikula. Ilan lamang dito ang umano'y "malalaswang pelikula", ngunit walang pagtatangi ang tiranikong pagsupil. Sa madilim na yugto ng lantarang pasistang diktador, ipinagbawal ang pagpapalabas ng anumang pelikulang direkta o di direktang tumutuligsa o humihimok sa pagpapabagsak sa gubyerno.

Ang mga pelikulang tulad ng Sakada, Sister Stella L. at iba pang naglalarawan ng pagkaagnas at kabulukan ng lipunan, ay kabilang sa mga ipinagbawal. Mapapansing naging pansamantala lamang ang pagbawal ng mga "bold films". Kung susumahin ay higit na dumami at tumindi ang mga ito sa buong panahon ni Marcos, laluna noong panahon ng pagbulusok ng diktador.

Kung tutuusin, dapat maging palaisipan sa mga nananawagan ng sensura na sa buong panahon ni Marcos, mas tumindi at lumaganap ang kabulukan sa pelikula sa kabila ng sensurang dulot ng absolutismo. Nag-umpisa ang "malalaswang pelikula" sa anyo ng "bomba films" bago ang batas militar, na sinundan ng paglitaw at paglaganap ng "penekula" (isinapelikulang aktwal na pagtatalik) nang pabagsak na ang diktadur a.

Sa panahon naman ni Aquino at Ramos, nauso ang mga ST (sex trip) at TF (titillating films) kasabay ng mga pelikulang umiinog sa temang "peace and reconciliation" tulad ng tungkol sa buhay nina Balweg, Victor Corpus, Dante, Hector Mabilangan at iba pa, bilang bahagi ng "pacification campaign" na may kabilang katangian ng paglulunsad ng todo-todong militarisasyon sa kanayunan. Matatandaan na sa panahon ni Aquino, ipinagbawal ang pelikulang Orapronobis, isang pelikulang naglarawan sa pasistang pang-aabuso ng mga vigilantes ng military.

Ang Papel ni Estrada sa Industriya sa Pelikula

May malaking pananagutan at responsabilidad ang rehimeng US-Estrada sa paglaganap ng malalaswang pelikula at sa nalilikhang kalituhan nito ngayon sa panahon ng matinding ligalig sa lipunan. Dahil dating artista at prodyuser, si Estrada ay mistulang padrinong nagbibigay ng konsesyon sa malalaki at mapagsamantalang prodyuser ng pelikula, bagay na higit na nagpapalala sa kabulukan at krisis sa industriya ng pelikula. Kakutsaba ng bugok na rehimeng Estrada ang malalaking prodyuser at negosyante sa industriya ng pelikula, na may makasariling interes sa pagsuhay sa kanya. Saksi tayo sa ibinigay nilang suporta sa paggigipit ni Estrada sa pahayagang Inquirer kapalit ng mga palugit sa buwis.

Pero nabibilang na ang oras ng kanilang barkadahan, dahil ang lumalalang krisis sa ekonomya at pulitika ay patungo na sa matinding polarisasyon sa lipunan at sa pagkakahiwalay ng rehimeng US-Estrada sa malawak na mamamayan.

Kaya sa isang kritikal na sitwasyon tulad ngayon, dapat nating iugnay ang "kalaswaan sa pelikula" sa kabuuang larawan ng suliranin ng lipunan. Ang ganitong penomenon ay salamin lamang ng lumalalang krisis sa lipunan. Ito ay sintomas ng isang bulok na kulturang iniaanak ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan, at samakatwid, sinasalamin rin nito ang tumitinding pagsasamantala sa kababaihan.

Makatwiran sa ganitong konteksto ang pagtuligsa ng kababaihan at mamamayan sa talamak na paglapastangan sa imahe ng babae sa pelikula sa ngalan ng komersyalismo. Bilang kasagutan sa kanilang mariing pagkundena, nagkakandarapa ngayon ang rehimeng Estrada na magkunwaring tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng "moralidad" at interes ng kababaihan. Ngunit sa aktwal at sa kahuli-hulihan, sa "pag-iimbestiga" sa mga artistang babae ay binubunton pa rin nito ang sisi sa kababaihan, na parang kasalanan pa nila na sila'y naging biktima ng umiiral na dekadenteng kulturang pyudal, kolonyal at burges. Sa totoo lang, walang moral na katayuan ang rehimeng pinamumunuan ni Estrada na mangaral tungkol sa "kalaswaan sa sex" sa pelikula, sapagkat siya mismo ay isang halimbawa ng pinakamasahol na tagapaglako ng machismo at ng mababang pagtingin sa kababaihan.

Opensibang Pangkultura ng Imperyalismo

Ang matinding paglaganap ng mga "sex film" ay hindi likas na umusbong. Ito'y lumalago sa yapak ng opensibang pangkultura ng imperyalismo, isang agresyong dala ng katakawan sa dambuhalang tubo. Ito'y makikita sa paglalako (at paggaya sa lokal na antas) ng mga dayuhang sex films, na madaling pagkakitaan, at ng mga "blockbusters" ng Hollywood, na buong layang binibigyang-daan sa kontra-mamamayan at makadayuhang patakarang "open economy" ng rehimeng US-Estrada. Mismong ang malalaking lokal na prodyuser sa pelikula ay sila ring mga pangunahing distribyutor ng mga dayuhang pelikula. Pinapatay, kung gayon, ng pagdagsa ng mga dayuhang pelikula ang lokal na industriya sa pelikula di lamang sa kumpetisyon, kundi sa ibayong pagpapatindi nito sa dekadenteng kultura.

Ang pelikula ay isa lamang larangan sa kultura na pinangingibabawan ng imperyalismong US. Maliban dito, nariyan ang dyaryo, radyo at telebisyon na tulad ng pelikula ay makapangyarihang behikulo ng maka-imperyalista at reaksyunaryong propaganda, taga-anunsyo ng mga produkto ng US at tagatimpla ng panlasa ng Pilipinong konsyumer. Ang mga ito ang pinakaepektibong tagapagdala ng maka-imperyalistang mga konsepto at estilo kasama ang pinakabulgar at pinakadekadenteng mga ideya at kaugalian.

Ang Pakikibaka para sa Mabakabayan, Syentipiko at Kulturang Pangmasa

Sa harap ng ganitong opensiba, higit na kailangan ang paglikha at pagpapalaganap ng mga pelikulang makabayan, progresibo, makabuluhan at pangmasa. Mga pelikulang sumasalamin sa demokratikong interes at pambansang adhikain ng mamamayan at tumutugon sa hamon ng kasalukuyang panahon. Mga pelikulang tulad ng Sakada, Kapit sa Patalim - Bayan ko, Sister Stella L, Himala, Orapronobis, Flor Contemplacion at marami pang iba. Ang mga ganitong tipo ng pelikula, sa katunayan, ang siyang higit na kinatatakutan at nais hadlangan ng sensura ng makadayuhang rehimeng US-Estrada, at hindi ang pornograpiya.

Isang malaking hamon sa mga artista, manunulat at direktor sa pelikula ang magkaisa laban sa banta ng sensura at itakwil ang dekadenteng kulturang inilalako ng imperyalismo at ng reaksyunaryong estado. Bahagi ito ng moral na obligasyon ng mga artista ng bayan sa mamamayang nag-alay ng pawis at dugo sa magiting na pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos.

Sa kabilang banda, kailangan mailinaw na hindi uusbong ang isang ganap na malaya at maunlad na industriya sa pelikula hanggat ang lipunan ay nasa kontrol at manipulasyon ng imperyalismo at ng isang naghaharing rehimen na hindi nagtataguyod sa interes ng mamamayan. Patuloy na iiral at ibayo pang titindi ang kabulukan sa industriya ng pelikula at sa kultura - kasama na ang pagsasamantala sa kababaihan - hanggat hindi nalulutas ang mga batayang suliranin ng sambayanang Pilipino. Tanging sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan mahahawan ang daan para sa pag-usbong ng isang kulturang mapagpalaya. #



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.