Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Pebrero 2000
Sanaysay
TOC Ang Buhay ni Ka Emman


Artista, iskolar, aktibista, titser at dakilang martir ng bagong tipo ng rebolusyong Pilipino. Ito ang kalitatibong buod ng buhay ni Kasamang Emmanuel A.F. Lacaba. Sa pagtingkad ng diwa ng nagsasalarawang mga salitang inihanay, mapapansin ang masisikot na kontradiksyong pinagdaanan ng mga kalidad ni Emman. Halimbawa'y karaniwang padalus-dalos ang pagtitimpi ng isang artista; masinop ang isang titser at iskolar; militante, mapagmatyag at makabayan ang isang rebolusyonaryo.

Ngunit sa pagpapasya ay hindi paliguy-ligoy. Namulat sa kaugnayan ng mga indibidwal, lokal at panlipunang mga usapin noong nasa kolehiyo. Kasabay ng kanyang pag-aaral, walang humpay siyang nakipamuhay sa mga manggagawa. Makaraan ang ilang taon, siya ay nagpasyang kumilos at mamuhay din sa piling ng mga magsasaka sa Mindanao.

Hindi aabutin ng dalawang taong pagkilos sa kanayunan, si Emman ay nasuong sa depensiba ng armadong komprontasyon. Magiting niyang hinarap ang pasistang bangis ng militar. At nang bawian ng hininga noong Marso 18, 1976, sumakabilang buhay siya sa kadakilaan ng mga martir.

Nitong milenyo, si Ka Emman ay itinampok ng isang burgis na pahayagan bilang huwaran ng kabataang Pilipino sa nakaraang siglo. Ipinakilala siya bilang mahusay na manunulat lamang. Ngunit walang salaysay ng buo niyang buhay at kung kaninong uri sa lipunang Pilipino siya nag-alay ng buhay, panulat at sining.

Ang mga sumusunod ay munting pagpupugay ng rebolusyonaryong kilusan sa bisperas ng ika-25 anibersaryo ng kanyang pagkamartir.

Disiplinado, Magiting at Militanteng Pagbulas

Ang kanyang ina ay isang titser na may medyor sa Pilipino at minor sa Ingles. Sa kabilang banda, kasapi sa yunit ni Fertig ang ama niyang gerilya ng USAFFE. Kumilos ito sa Mindanao noong panahon ng Hapon.

Pangatlo sa anim na magkakapatid, mula sa Cagayan de Oro, sila ay iniwan ng kanilang amang nagtungo ng Maynila. Sumadya ito sa Luzon para magpursige pa ng pag-aaral. Sa loob lamang ng maikling panahon, sumunod ang buo nilang pamilya, nanirahan sa Pateros, Rizal, bayang sinilangan ng ina.

Nagturo ang kanyang ina sa Pasig Catholic College at si Emman ay nag-aral dito. Iskolar siya mula greyd I hanggang hayskul. Kasabay pa nito ang pagiging organisador, atleta, kapitan ng kadete; at ang pagiging presidente ng klase mula greyd V hanggang ikaapat na taon sa hayskul; at ng sari-saring samahang pangteatro, konseho ng mga estudyante, panrelihiyon, pansining, at isports.

Mula huling hati ng dekada 50, magilas na bumulas ang kanyang kabataan hanggang dekada 60. Ang panahon ng Ikalawang Propaganda. Ang panahong pinag-alingawngawan ng nasyonalismong burgis ni Senador Claro M. Recto, at ng nasyonalismong proletaryo na itinataguyod ng Kabataang Makabayan.

Nadugtungan pa ng ekstrang taon ang hayskul ni Emman. Bagaman, grumadweyt na sa Pasig, muli syang napatungtong sa huling taon ng hayskul sa US sa Robert Millikan High School, Long Beach, California. Ito'y dahil naging exchange student siya sa ilalim ng American Field Service (AFS) program.

Pagbalik ni Emman noong 1966, matingkad ang ningning ng natipon niyang talino at potensyal para pumasok sa kolehiyo.

Kumbaga, sa napakahalagang yugtong ito ng pag-aaral, ang moog ng edukasyong handang kumupkop at magtaguyod kay Emman ay isang institusyong tagahubog ng mga kaisipan at kagawian para sa naghaharing uri. At dahil sa Manuel de Leon Scholarship (ng pamilyang de Leon sa negosyo ng pelikula,) Ateneo de Manila University ang kanyang napasukan. Grumadweyt siyang titulado ng Bachelor of Arts in Humanities.

Ayon sa isang naging malapit na kaibigan ni Emman dito, ang Ateneo ay, "Tipo ng lugar na maglalagay sa 'yo sa kahihiyan kapag hindi ka nasundo ng kotse mo sa admin, lalo na kung magdyi-dyip o magbu-bus ka lang pauwi." Gayunpaman, nakaiwas si Emman sa kahihiyan nang mangupahan siya sa dormitoryong Bulawagang Cervini ng pamantasan.

Sa loob at labas ng pamantasan, mga usaping pangkampus at panlipunan, masugid ang aktitud niya para magagad ang yari nang mga kaalaman - karanasan - bagong kaalaman. Ang ganitong ugali niya ay napansin ng isang paring kanyang naging titser sa pilosopiya. Nang imbitahan itong misahan ang paglilipat ng buto ni Emman mula sa sementeryo sa Pateros, nasabi ng pari na, "Iba si Emman. Kapag nabuksan niya ang isang pinto, natatauhan siya kaagad na ang bagong pumapaligid ay hindi niya kayang lubusang maunawaan kailanman, ngunit hinahabol pa rin niya. At sa bandang malayo, nakikita niya na meron pang ibayo, meron pang hindi niya alam. Alam niyang hindi niya alam. Kaya't palaging may malamig at sariwang hanging umiihip sa kanyang utak."

Andoong namuno siyang manawagang ibigay sa paring mga Pilipino ang pamamalakad sa Ateneo (na panay Amerikanong administrador noon). At ang pagkaganyak niya at pagdalaw-dalaw sa isang kulto sa Banahaw. Sinasabi na ang masaker ng Lapiang Malaya noong Mayo 21, 1967 sa ilalim ng administrasyong Marcos ay isang insidenteng nagpasidhi sa interes ni Emman para seryosohin ang pagkaganyak sa mga kulto at kaakibat nitong mga usaping panlipunan.

Kung tutuntunin ang tradisyonal na usad ng pag-unlad, sa pagkakataong ito, inaasahang hahantong ang serbisyo ni Emman sa panlipunang baitang na kalakaran ng naghaharing uri. Ngunit ang eskinitang bihirang tahakin sa syudad ang sinuysoy ng desisyon ni Emman. Ayon sa isang kapatid na kapwa niya manunulat, "Napansin ko na lamang talaga ang lalim ng kanyang pakikisangkot nang pakiusapan niya akong sumulat noong 1971, tungkol sa isang welga sa isang maliit na imprenta sa Mandaluyong - sinusuportahan ng organisasyong pangmanggagawa na kinabibilangan ni Emman."

Ang sumunod na mga buwan at taon ay nagdagdag ng bagong kulay sa buhay niya sa pamamagitan ng sariling pamilya niyang nabuo. Kapansin-pansing hindi pangkaraniwan ang ibininyag sa dalawa nilang anak: Miriam Manavi Mithi Mezcaline Mendiola ang sa panganay at Emanwelga ang sa bunso. Masasagap sa mga ito ang impluwensyang idealista, tradisyonal, burgis at rebolusyonaryong mga pananaw na nahuhubog kay Emman.

Bagaman natural na lumaki ang pangangailangan, hindi ito naging hadlang para magsumigasig siyang makipamuhay sa uring manggagawa. Habang natututo siya sa nakikibakang mga manggagawa sa Mandaluyong, gumawi pa siya sa malaking welga sa Presto sa Pasig. Naranasan niya ditong mabatuta at makulong. Ilang araw bago ideklara ang batas militar noong 1972 ay nakalaya siya.

Kasabay ng pakikipamuhay niya sa mga manggagawa ang pagtuturo niya sa University of the Philippines. Hinala ng kapatid niya na ang pagkakasangkot ni Emman sa kagalingan ng mga manggagawa, na umabot sa pagkabilanggo, ang naging dahilan kaya hindi na binago pa ang kanyang kontrata sa pagtuturo.

Pagkaartista na lamang ang naasahan ni Emman sa paghahanapbuhay. Para mapagtagpo ang pangangailangan, nag-aktor siya sa teatro, sumulat ng dula, sumulat ng liriks ng theme song ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang, nagkatulong sa mga produksyong pampelikula.

Madadalumat sa buong buhay ni Emman na ang pagpapasya niyang magtungo sa kanayunan at makipamuhay sa mga magsasaka noong 1974 ay mataimtim niyang pinag-isipan. Pero isinasatsat ng reaksyunaryong estado at ng mga burgis na pahayagan, na ang mga intelektwal na katulad ni Emman ay napilitan lamang sa armadong pakikibaka noong batas militar.

Pawang pagmamaliit sa buhay-proletaryo. Dahil sa likod ng isip nila'y silang mga burgis ang mas dakila. Pinakikitid ng kanilang mga pahayag ang kagitingan ni Emman. Ngunit sa mga manggagawa, magsasaka o katutubong naging gabay ni Emman sa paghubog,
ang kanyang kagitingan ay katangiang pinanday ng kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanan laban sa pasistang estadong kliyente ng imperyalismong US.

Aktibo at Malikhaing Pwersa

Nahikayat ang hilig ni Emman sa sining mula nang makapanood siya ng sine-sinehan. Sa Pateros, kasama niya ang kanyang mga kapatid sa paggawa ng sariling komiks. Noong labing-apat na taong gulang , kumpara sa kanyang mga kaidad, nakalikha siya ng mga tula at nakapagbasa na ng maraming librong nagsasalarawan sa kulturang Europeo. Pag-abot ng kolehiyo, mabilis na kinilala sa sirkulo ng mga artista sa larangan ng panitikan ang kakayahan niya sa paglikha ng mga tula at kuwento. Hanggang sa sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, patuloy siyang nagsulat. Sa katunayan, bago lumipas ang lumang milenyo, sa isang artikulo ng Philippine Daily Inquirer si Emman ay kinilala nito bilang isa sa 25 Pilipinong mahuhusay magsulat sa ingles.

Hindi pa yata nag-aaral si Emman nang makapanood siya ng labanan nina "Batman at Joker", mula sa ginupit na mga karton at kumot bilang pinilakang tabing habang iniilawan ng gasera. Kinimkim niya ang hilig sa pelikula't teatro mula nang malugod siya sa mga aninong gumagalaw na gawa ng mga kapitbahay sa Cagayan de Oro. Noong siya ay nasa pagitan ng apat at limang taong gulang, iniyakan niya nang di mapanood ang paglipas ng "Superman" sa sinehan. Ngunit napalagay nang sa kauna-unahang pagkakataon ay makapasok siya sa tunay na sinehan para panoorin ang "Kapitan Kidlat".

Habang nakatira sa Pateros, nadagdagan ng mga komiks na imported at lokal ang hilig niyang basahin. Kung dati'y abilidad lamang ng mata at pandinig ang nahahasa sa panonood niya ng sine, ngayon ay pati na rin ang abilidad sa pagbabasa at pagkatha. Ito ang nakahikayat sa kanya at sa kanyang mga kapatid para magtahi ng mga pahina ng kuponban na drinowingan at inakdaan ng sarili nilang istoryang pangkomiks.

Habang nasa elementari, naging marubdob ang palipas-oras niya sa entablado. Kadalasang ang buong hapon ay ginugugol niya sa panonood ng mga ensayo ng dramang pangkolehiyo. Kung kaya't kapag may pagtatanghal sa kanilang klase, madali siyang nakumbinse para gumanap kahit kontrabida noong umpisa. Sa kalaunan, naging pambida rin ang kanyang pagganap.

Pag-abot ng hayskul, depinido na ang talas ng abilidad ni Emman sa pagbabasa. Ayon sa kanya mula sa sanaysay na isinumite niya para sa AFS iskolarsyip, "Gustung-gusto kong magbasa. Kami sa pamilya ay pinalaki sa mga libro, kahit ano ay binabasa ko, mula Bibliya hanggang Mad, mula diyaryo hanggang ensayklopidya, mula pisika hanggang batas, at mga librong pangnegosyo. Mula matematika hanggang panulaan."

Ang hilig sa sining at pagbabasa ay mabuting kumbinasyon sa eduka-syon.Para itong mga karanasang pananim at abono sa lupa ng malikha-ing isip. At sa yugtong ito, nagpalawak pa si Emman sa paglikha ng mga tula. Bago siya tumulak pa-Amerika para sa AFS iskolarsyip, sapat nang panlibro ang mga likha niya kung bilang lamang ang pagbabatayan. Ayon pa sa sanaysay ni Emman, "Lumilikha ako ng mga tula, ang ilan sa mga ito ay nanalo ng unang gantimpala sa pambansang patimpalak pampanitikan na inisponsor ng Chiro Youth Organization noong Mayo. Mahigit isandaan na ang inakda ko. Kaya lamang ngayong naging maselan na ang panlasa ko, ikinokonsidera kong ang lahat na 'yan ay wala nang kwenta pang paglaanan ng panahon."

Malamang na intindihing pagmamalaki ng sarili at pagmamaliit sa mga likhang sining ang paghinagap na ito ni Emman sa kanyang mga likha bilang "laos". Ngunit para sa mga manunulat at artista, ang aktitud na ito ay maaaring ituring na bahagi ng "indibidwalidad" ng isang artistang walang humpay na humahagilap ng kanyang kabuuan sa pagmamatyag, pakikipamuhay at paghango ng bagong karununga't pananaw para patuloy na makalikha at magtanda sa buhay. At nasa hayskul pa lamang siya nito.

Malawak ang pinaksa ng panulaan ni Emman. Mula sa kabataang mga impresyon sa lokalidad ng Pateros, sa masasaklap na karanasan ng pakikisalamuha sa mga taong mula sa industriyalisadong bansa, tungkol sa katangian ng mga kasapi ng kulto, sa naghubog at naghukbong bayang petiburgis, sa kabuluhan ng rebolusyonaryong kamatayan.

Karaniwan lamang sa mga manunulat na pumaksa ng lahat ng karanasan mula sa lahat ng dako ng buhay. Ngunit ang hindi karaniwan kay Emman, ay ang madalisay na pagtutugma ng istilo ng kanyang pamumuhay at ng kabuuan ng kanyang mga obra. Mababakas sa nilalaman ng mga ito ang kanyang sinseridad sa pakikipamuhay sa antas ng pagsisiyasat ng mga datos, sa pag-iisip, pagsusulat hanggang sa matapos ang paglikha.

Patunay nito ang pangkalahatang gawad na inani ng tula niyang "Golden Gate Bridge" (pangalan ng isang tulay sa US) sa Corydon Awards ng Robert Millikan High School sa Amerika. Noong huling taon niya sa kolehiyo ang kanyang kwentong "Punch and Judas" (Punch ay pangalan ng isang papet sa "Punch and Judy Show") ay ginawarang unang gantimpala ng Free Press noong 1969 at pangalawang gantimpala ng Carlos Palanca Memorial Literary Awards noong 1970.

Gayumpaman, mas mahalagang pansinin ang mga inspirasyong nagsilbing lingkaw ng pag-ani niya ng mga gawad. Ang "Golden Gate Bridge" ay tungkol sa pagtitimpi sa gitna ng panimdim bunga ng pagkakawalay sa bayang kinagisnan at sa pamilya. Sa kabilang banda, ang "Punch and Judas" ay kwento ni Philip, isang mistisong Pilipino-Hudyong sumapi sa kultong Lapiang Malaya para hanapin ang kabuuan ng kanyang kawalang identidad. Ang Lapiang Malaya ay kulto sa tunay na buhay, mayroon silang mga kahilingang kalayaan sa katutubong pananampalataya at sariling masasakahang lupa.

Tungkol sa pagkamalikhain ni Emman ay minsang nasabi ng naging pinakamalapit niyang kaibigan sa kolehiyo, "Ang mga tula, dula, kuwento at sanaysay ay dumaloy na parang pinipiga niya ang sarili pagkaraan ng bawat pakikipagsagupa sa itinuturing niyang katotohanan at kongkreto, ang pinakaubod ng mga bagay. Sa pagkukumpara, kami ang nagmukhang mga basahan."

Taliwas sa kapos na pagtatanghal ng mga reaksyunaryo kay Emman, na para bang ang pagkamanunulat at buhay niya ay nakatadhana daw sa misteryo ng mga guhit ng palad, ang pagkamalikhain niya ay pinanday ng mayamang karanasan sa pakikibaka, sa oryentasyon at direksyong ibinigay ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA) at ng buong rebolusyonaryong kilusan. Nang maging kasapi siya ng PAKSA, mataos na isinabuhay niya ang prinsipyong pag-aalay ng sining ng panitikan sa masang anakpawis. Sa isang pagkakataon, naging kasapi din siya ng Panday Sining, ang grupong pangkultura noon ng Kabataang Makabayan (KM).

Mapapansin ang maagang pag-unlad ng kanyang disiplina mula sa pagkamahiligin, palabasa at sa ganap na pagkamalikhain. Kaya naman nang maghukbo ay patuloy siyang lumikha ng mga obra. Ayon sa mga nakasama niya sa kanayunan, noong araw na natutunan niya ang wika ng mga katutubo at bisaya, sumulat agad siya ng rebolusyonaryong liriks ng mga awiting bayan. Ang isa pang naaalala sa kanya ay ang walang humpay niyang pagsusulat. Kapag nauubusan ng papel ay makikita siyang sa palara umaakda.

Noon pa man ay pinabulaanan niya na ang maktol ng dating mga kasamang patumpik-tumpik sa paghubog noong panahon ng paglihis, na sagabal ang gawaing pampulitika sa pagkamalikhain. Patuloy man nilang ipukol ang maktol na ito at gawin man nilang huwaran si Emman bilang mahusay na manunulat, wala silang mapapala sa kanyang kadakilaan.

Noong isang taon ay nagpakulo ang National Commission on Culture and the Arts ng reaksyunaryong estado sa paggamit ng Gawad Emman Lacaba para sa kabataang manunulat. Inilunsad nila ito nang walang pagpursige sa katarungan sa sinapit ni Emman sa kamay ng militar.

Ang reaksyunaryong estado ay maggagawad ng karangalan sa ngalan ng rebolusyonaryong martir habang patuloy na nagpapakapapet sa mga imperyalista at nakikidambong sa ating kabang yaman.

Ang mga likhang sining ni Emman ay nakalimbag na sa maraming larangang gerilya ng mga pulang mandirigma. Binabasa, binibigkas at itinatanghal. Matimpiing namumukaw, nag-oorganisa't nagpapakilos ang makauri niyang talinghaga para sa pagsusulong ng bagong pambansa-demokratikong rebolusyon.

Sa Gitna Ng Pakikidigma

Masigasig ang pagtunton ni Emman sa proseso ng praktika - teorya - mas mataas na praktika - at mas mataas na teorya. kaya binitawan at tinalikuran niya ang pagbubuhay-bohemyo, pamimitas ng gawad at iba pang kaluwagan at karangyaan na kinasasanayan sa syudad.

Noong huling bahagi ng 1974, sa Campo Crame, dinalaw ni Emman ang kuya niyang nabilanggo dahil sa kasong pulitikal. Mula sa malayang panig ng rehas, nasagap ng kanyang kuya ang paalam ng nakababatang kapatid. Papunta na si Emman sa Mindanao, ang islang kinilusan ng gerilya niyang ama.

Gaano man kaganap ang dati niyang pamumuhay, ang pagpapahalaga sa buhay na natutunan niya sa mga manggagawa sa Mandaluyong at Pasig, ay tiyak na umuukopa na ng malaking puwang sa bagong antas ng kanyang diwa at buhay. Hindi kalabisang sabihin na ang "henyo" at malikhaing puwersang ito ay handa namang makipamuhay sa mga magsasaka sa pagkakataong ito.

Kabilang si Emman sa semiligal tim na kumilos sa General Santos at Timog Kotabato. Mabigat ang gawain ng tim dahil halos ito ang katumbas ng maagang antas ng pagtatatag ng base at larangang gerilya. Sa simula, ang dalawang kasama muna ang pumasok sa kanayunan para humanap ng kontak. Naiwan siya sa syudad na may kaakibat na gawain, ang pagsiyasat sa sikut-sikot ng mga ruta. Para maging madulas ang pagtupad, nagkonduktor siya ng minibus. Namasukan ding dyanitor sa isang karate klab.

Paglipas ng ilang buwan, sumunod na rin siya sa kanayunan ng Timog Kotabato. Ka Popoy ang ginamit niyang pangalan sa pakikibaka. Mula ito sa paborito niyang tauhan sa komiks na si Popoy Dakuykoy. Ginamit niya rin itong persona sa tulang "Ang Mahal na Pasyon ni Popoy Dakuykoy", sinulat noong 1962-64.

Lugar ng katutubong B'laan ang unang nilubugang masa ni Ka Emman. Naging malaking hadlang ang kaibahan ng lenggwahe. Gayunpaman, ang problemang ito'y napunan ng kasigasigan niyang makapaglingkod sa masang anakpawis. Para magkaunawaan, ang mga bagay na gustong linawin ay kanyang idinodrowing. Kung kaya sa loob lamang ng isa't kalahating buwan, natutuhan niya ang lenggwahe ng mga B'laan.

Maging ang kaselanan ng isang nagmula sa uring petiburgis ay kanyang naigpawan. Nasubukan ito sa pamamagitan ng ispesyal na putahe ng mga B'laan. Kapag nakapagkatay sila ng baboy-damo, ang karne nito ay isinisilid sa buho, tinatakpan ng dahong saging. Mga dalawang linggo itong itatabi hanggang uurin at mamaho. Pag nangamoy na, saka papagpagin ang mga uod at lilinisin para ihawin. Si Ka Emman lamang ang nakakain nito sa kanilang grupo. Kinagiliwan siya ng mga B'laan.

Kabi-kabila, harap at likod ang mga sakripisyong nakasagupa ng grupo nila. Naroong kamuntikanan nilang makaengkwentro ang isang malaking pangkat ng Lost Command at CHDF.

Nabanggit niya sa sulat na ipinadala sa isang kaibigan ang tungkol sa ganitong karanasan: "Gaya na nga ng sinasabi sa Aklat ng mga Pagbabago, ang ating isip ay pinatatalas ng pakikipagtagisan sa panganib." Sa pareho ding sulat, mahihiwatigan ang pag-igpaw niya sa masisikot na kontradiksyong inabot ng kalooban at isip ni Ka Emman: "Masayang masaya ako rito, ang mga karanasang gaya noon kahit paano'y - naisip kong para dito ako. wala na akong nararamdamang kalungkutan, ang tanging naaalala ko na lamang - ang mundong tinalikuran natin, na ang maiitim na balak ng saglit na ngiting-aso't maluhong pamumuhay ay patuloy nating pakikipagtunggalian."

Nang mailatag ang panimulang gawain sa erya, bandang huling bahagi ng 1975, si Ka Emman ay nalipat sa Davao del Norte. At dito niya nakasagupa ang lalagot sa kanyang hininga. Ito ang panahong "pababa" sana siya sa syudad para muling malipat ng gawain. Tiyak na kalulugdan niya ang lilipatan dahil kailangan doon ang kaalaman niya sa pagsusulat.

Nakahimpil sa bahay ng isang magsasaka ang grupo nila nang walang kamalay-malay na ang isang kasama nilang nagngangalang Martin ay nahuli na ng militar. Walang nakapagsabi kung sa paanong paraan nahimok ng militar si Martin para bumaligtad.

Mag-aala-sais ng umaga. Nagkakape noon si Ka Emman at tatlo pang kasama. Nakasampay sa labas ng dampa ang pinatutuyo nilang mga damit at sapatos na nabasa sa ulan. Dumating ang pangkat ng PC-CHDF kasama ang bumaligtad na si Martin. Wala pa rin silang palagay na humiwalay na ito sa kanilang landas.

Nang makarating sa kanila ang pasa-bilis ng pagdating ng kaaway, kampante lamang sila. Ni hindi na nila naimis ang mga pinatutuyo. Inakala nilang daraan lamang ang mga ito gaya ng karaniwang patrolya. Inginuso ni Martin ang mga sinampay. Nagpaulan agad ng bala ang kaaway. At hindi nakaiwas sina Emman.

Hindi malinaw kung may armas din si Ka Emman, ngunit ang CO nilang naka-AK-47 ay nakaganting putok. Gayumpaman, paghupa ng singasing ng mga tingga, patay na ito at ang isa pang kasama. Si Ka Emman at ang isa pang labingwalong taong gulang na kasamang buntis ay mga sugatan. Mga tagabaryo ang inutusan ng militar na dalhin sa Tagum, Davao del Norte ang mga patay.

Ilang kilometro pa lamang ng layo sa baryo, nagbago ang isip ng sarhentong CO ng militar. "Hindi na lang tayo magdadala ng buhay," sabi raw nito. Unang pinatay ang buntis. Si Ka Emman ay pinaupo muna sa malaking bato. May nag-abot kay Martin ng .45 at nagsabing, "O, barilin mo." Nagpakatanggi-tanggi si Martin ngunit napilit din.

Sa Tagum ay tinabunan ng militar sa iisang hukay ang apat na kasamang mandirigma. Pagkaraan ng ilang linggo, kinilala sa hukay ng kanyang pamilya ang agnas nang mukha't buo pang katawan ni Emman. Maging ang mga magsasakang nakasalamuha niya'y nagkaisang nagkumpirma, mula sa mga palatandaan ng kanilang alaala.

Isang buong proseso ng transpormasyon ang buong buhay ni Emman. Pinatunayan niyang hindi sa antas ng kathang-isip lamang nagsisimula't nagtatapos ang paghubog. Lubos ang pagtalima niya sa rebolusyong pangkultura sa gitna ng gawaing masa. Binaklas niya ang burgis at ideyalistang pananaw at itinundos ang proletaryadong paninindigan. Walang tinag niyang pinangibabawan ang mga pansariling mithiin para sa kapakanan ng sambayanan.

Pinasista ang katawan habang nakikibaka si Emman para sa isang sistemang papawi sa pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa masang anakpawis. Pinaslang siyang ganap na proletaryado.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.