Ngayon,
nais ko sanang tumuklas muna ng ilang talinghaga
ng muling paglakas ng bayang nakikidigma;
nais kong namnaming kusa ang sariwang wika
ng maaamong katutubo at mga tunay na kapanalig,
ng mga magsasakang walang kamatayang nag-aaruga
sa lupang nagbabaga at mga anak ng bayang dakila,
ng mga manggagawang walang humpay sa paglikha
ng mga kalakal at ng makauring lakas ng paglaya.
Ngunit,
mga kaibigan ko't kasamang artista at manunulat,
ako'y may nais sanang sa inyo ngayo'y ipagtatapat:
Ang totoo mga kasama, sadyang hirap ako sa pagtula,
hirap din sa pagpinta, huwag nang banggitin pa;
minsa'y tinatamaan ng katamaran, ng pagkayamot.
Nakahihinayang, mga kasama,
sa tuwing maaalala ko na kasingtanda na pala
ng lupang pinagpapaguran
ang kanilang mga hinaing at pakikibaka.
Taus-puso kong inaamin mga kasama
na ako'y sadyang natutulala...
Kaya mga kaibigang artista at manunulat,
nais ko sanang magpatulong sa inyo -
ang mamulot ng mga bagong katha
sa dinaraanang parang at liwasan;
ang maglubid ng himig at mga salitang
nagmumula sa mga alamat ng pakikibaka,
ng mga alaala sa mahabang
talaan ng mga kasamang nagbuwis ng buhay;
At higit sa lahat:
ang umani ng ginintuang butil ng mga pangarap
na pinagpapawisan ng masa
sa mga bukirin, pagawaan at kanilang mga tahanan.
Mga kasama,
harinawa,
ang ningning at kislap
ng ating yaman ay maging sapat
upang pagliwanagin, pasiklabin
ang natutulog na mga damdamin
upang ang mga salita at tinig, taludtod at diwa
na dumadaloy sa ating katauhan
ay maging tanglaw at sandata ng masa
sa kanilang pakikibaka
sa kanilang paglaya.
|