Paalam na ngayon, sa iyo,
Dakilang kasama, dakilang kaibigan.
Sana'y muli tayong magtagpo, sa kung saan mang dako
Ng ating baseng gerilya,
Sa mainit na ngiti ng mga aktibistang magsasaka,
Sa tugatog ng ating mga pangarap.
Sana'y muli tayong magtagpo
Upang talakayin ang wastong landas na babagtasin
at kung paano babaybayin
ang pasikut-sikot ng digmang bayan o
ang lawak ng ating mga alyansa. Hindi ka
ihihiwalay sa amin ng iyong kamatayan,
Dakilang kasama, dakilang kaibigan.
Sapagkat ang kabundukan at ikaw ay iisa,
Iniaangat tayo sa mas mataas na antas, at higit pa
Sa diwa ng 'yong paninindigan.
"Nais ko lamang na paglingkuran ang sambayanan,
Wala nang iba," mapagkumbaba mong banggit sa amin.
Binago nito ang aming buhay magpakailanman.
At ang masang pinaglingkuran mo
Nang mahusay at tapat,
Malilimutan ba nila ang bukal ng kanilang
Dunong at lakas?
Di ba ipagpapatuloy nila ang buhay mong naikintal sa kanila
Sa bawat tibok ng puso sa kanilang pakikibaka?
Di ba magiging apoy ang kanilang luha,
At rebolusyonaryong alab ang kanilang luksa?
Naghihimagsik ang aming baril laban sa kaaway
Huhusgahan ngayon ng bayang galit ang mga pasista,
haharapin ang bagsik ng mga batang rebolusyonaryong
Sumisibol sa 'yong alaala.
Babagtasin ng bawat isa ang landas na iyong tinahak
Matiyaga, matapang, at buong puso.
Pinagtitibay ng 'yong kamatayan ang buhay
Na lagi't lagi naming paninindigan:
Paglingkuran ang sambayanan hanggang sa kamatayan.
Masdan, sanlibo, milyong masa
Ang ngayo'y nag-aalsa, patunay sa wika mong
Wala nang ibang paraan kundi ang rebolusyon.
|