Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Panayam kay Ka Roger hinggil sa OPML

Anne Buenaventura
Media Liaison Officer
Information Bureau
January 5, 2004

Ang interbyu na ito ay ibinigay ni Gregorio "Ka Roger" Rosal noong Enero 5, 2003 sa mga reporter na dumalo press conference na ginanap sa Cordillera Region. Bago ang press conference na ito, sunud-sunod ang mga artikulo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer tungkol sa isinagawang na mga kampanyang anti-implitrador noong dekada 1980 sa Southern Tagalog, Mindanao at sa iba pang lugar at mga organo. Sumusunod ang naging pagsagot ni Ka Roger sa mga tanong noong gabing iyon

Ka Roger, lumabas sa Philippine Daily Inquirer ang isang serye ng mga artikulo tungkol sa mga kalabisan sa paglilinis ng mga sinasabing deep-penetration agents, tulad ng nangyari sa OPML (Operation Missing Link, ang anti-deep penetration agent campaign sa Southern Tagalog region noong huling bahagi ng dekada '80). Ano ang reaksyon ninyo dito?

Nabasa ko nga ang tinutukoy mong serye sa Inquirer. Nabasa ko rin ang editoryal sa dyaryo noong Enero 2 na naglaman ng pawang mga wala-sa-lugar na batikos laban sa Partido Komunista ng Pilipinas. Ang totoo'y, dati nang malinaw na naninindigan ang PKP laban sa mga kahibangang ito, mariing binatikos ang pagtortyur, pag-abuso at pagpatay, at mapagpasyang nagdisiplina sa mga nagkamali at wasto sa mga kamalian.

Sadyang malaking espasyo at natatanging diin ang ibinigay ng Inquirer tungkol dito. Pero nagtagumpay lamang ito sa pag-sensationalize ng isyu at hindi sa patas at malalim na pagtalakay dito. Inungkat ang mga detalye pero di lahatang-panig at di tunay na naisakonteksto. Ang hindi totoo at bahagyang totoo ay inihalo sa ilang totoo. Alam naman natin na karaniwang paraan ito para baluktutin ang katotohanan, patampukin at palabasing totoo ang hindi totoo.

Ayon sa Inquirer, bagamat inaksyunan ito ng PKP, hindi pa raw lubos na naisasara ang mga pangyayaring ito. Ano ang masasabi mo tungkol dito?

Nakita na ng lahat na ang Partido ay seryoso at determinadong bigyang-katarungan ang mga naging biktima ng trahedyang ito-kapwa yaong mga nailigtas ng Partido at yaong mga nasawi. Masusing sinuri at ginawan ng hakbang ang kabuuang pangyayari at ang bawat isang kaso. Sa pagrebyu ng a OPML, wala ni isang kaso ang hindi niresolba at inaksyunan.

Hindi iniwasan ng Partido na eksaminin ang sarili at aminin kung may mali sa mga ginawa nito o ng mga kadre at pwersa nito. Lubos ang naganap na mga pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa loob ng Partido at rebolusyonaryong kilusan dulot nitong mga kamalian. Ang mga biktimang nasagip ay ni-rehabilitate. Ipinaunawa sa kanila ang nangyari at, kasabay ng muling pag-aktibo, binigyan ng angkop na suportang ispiritwal, materyal, medikal, sikolohikal at sosyal upang matulungang makapangibabaw sa trauma mula sa mapait na karanasan nila.

Ubos-kayang inugnayan ang mga mahal sa buhay ng mga nasawi. Kinausap sila at buong pagpapakumbabang hiningan ng patawad at binigyan ng anumang kinayang maitutulong. Gayunman, maaaring may ilan pang hindi naugnayan at nakausap dahil hindi kilala o hindi pa matagpuan.

Maaari mo bang ibahagi ang nalalaman mo tungkol sa OPML? Kailan at paano ito nagsimula? Paano ito nakapinsala sa PKP? Paano ito nahinto?

Maagang bahagi ng 1988, naiulat na may nakapasok na mga DPA (deep-penetration agents) ng gubyerno sa organisasyon ng Partido sa Komiteng Urban ng Southern Tagalog. Binuo ng komite ang Task Force Missing Link (TFML). Noong una, adhoc unit lang ito at limitado ang tungkulin. Mag-iimbestiga lang ito sa ang ulat na iyon. Di nagtagal, binasbasan ito ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon at pinalawak sa buong rehiyon, batay sa kaagad na kongklusyon ng TFML na buong rehiyon na ang napasok ng mga DPA.

Umalagwa ito mula kalagitnaan ng taon. Sa kapasyahan ng pamunuan ng ST, nagsimula na ang pag-aresto ng pinaghihinalaang mga DPA. Walang pagsasaalang-alang sa mga karampatang proseso. Sinagasaan ang mga karapatan ng mga inaresto sa Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan.

Sa halos lahat kundi man lahat ng kaso, naging malupit at marahas ang pagtrato sa mga inaresto, labag sa mga patakaran at alituntunin. Ginawang kalakaran ang paggamit ng tortyur para kumuha ng mga "pag-amin." Ang katwiran sa paggamit ng tortyur ay nagmula sa handbook sa intelligence work na ginawa noon ng General Command ng NPA sa pamumuno ni Romulo Kintanar. Wala nang ipinagkaiba sa karaniwang ginagawa ng mga militar at pulis. Sa pagrebyu ng nangyari sa OPML, ang handbook na ito ay itinakwil na ng Partido at ng hukbong bayan.

Alam ba ito ng mga namumuno noon sa ST? Kung alam nila, hindi ba dapat pinigilan na nila ito kaagad?

Lahat niyan ay alam na alam ni Miel Laurenaria-noo'y si "Ka Amanda." Siya ang kalihim noon ng Komiteng Rehiyon sa ST. Siya pa nga ang pangunahing nagbigay-basbas at nagtaguyod sa OPML at tumayong pangunahing isponsor ng TFML. Naroon siya mismo sa hangganang Quezon-Laguna, ang pinagdausan ng OPML. Nagwalang-kibo siya sa mga nakita niya. Kumbinsidong-kumbinsido kasi siya na grabe ang penetrasyon ng kaaway sa organisasyon ng Partido sa rehiyon, kaya pwede na daw gawing lahat sa mga pinagsususpetsahang ahente ng kaaway.

Isa siya sa pinakahibang sa panahong iyon. Nasubaybayan ko't kilalang-kilala ko 'yan at naging kaibigan ko rin 'yan. Pero talagang hibang na hibang at takot na takot. Kita ko mismo kung papaano siya mag-isterya kapag siya ay natititigan lamang ng ibang mga kasama. Nakumbinsi pa nga siya ng TFML na maging ang asawa niya'y isang DPA.

Wala bang built-in na prosesong pang-organisasyon ang Partido para sana naiwasan ang gayong paglala?

Marami. Naririyan ang ideolohiya ng Partido na nakakomit sa katotohanan, kalayaan at demokrasya, sa wastong istilo ng pag-isiip at paggawa. Bukod pa, nariyan ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo, ang mga patakaran at alituntunin ng PKP, NPA at pamahalaang bayan. Ginagarantiyahan ng mga ito ang mga demokratikong karapatan at proseso. Tinitiyak ang paggana ng mga karampatang prosesong panghustisya. Tahasang ipinagbabawal ang pananakit, maging ang pag-aalimura sa tao, at ang pagmamalupit sa mga bihag. At higit sa lahat, nariyan ang superbisyon ng masa sa Partido.

Umalagwa ang OPML dahil inatake ang ideolohiya at sinira ang prosesong pang-organisasyon ng Partido sa ST. Pinalitan ng padalus-dalos na burgis at pasistang mga pamamaraan ang siyentipikong proletaryong mga pamamaraan. Nag-angkin ng sariling kapangyarihan ang mga nagsasagawa ng OPML-ang pamunuan ng rehiyon at ang TFML. Bagama't napakalaki at napakataas ng sinasabi nilang problema, ni hindi man lamang sila sumangguni sa Komite Sentral.

Hindi ba ito inireport sa pamunuan ng PKP?

Ang nangyari'y huli at malala na nang ipinaabot sa KS ang tungkol sa OPML. Masahol pa, umabot na ang OPML sa pagtugis sa pambansang sentro. Umabot ang OPML sa kongklusyon na buong organisasyon na raw ng Partido ang napasok ng mga DPA, kabilang na ang Komite Sentral. Mayroon daw doong mga sleeper agents ng kaaway sa mismong sentro at anumang oras ay maaaring i-activate ang mga ito para birahin ang mga namumuno.Nagbuo ng planong arestuhin ang ilang kasama sa KS at iba pang pambansang organo. Kasabay nito, ipinatupad ang planong "Save the Center" upang kunin ang ilang kasama sa KS para "pangalagaan" daw doon sa kampo ng sentro ng ST na ginagamit sa OPML.

Ano ang naging pagtugon dito ng pambansang liderato ng PKP?

Ilang buwan din bago nabatid ng pamunuan ng PKP ang ukol sa OPML. Iniulat na lang ito ni Laurenaria noong malala na, nang walang kasabay na pag-uulat din sa lansakang pag-aabuso at paglabag sa karapatan ng mga inaaresto. Malaki na ang pag-aalala ng sentro sa mga nababalitaan pa lang mula sa iba. Wala nga lang umaabot na mga eksaktong impormasyon.

Lumakas ang pagdududa ng sentro nang iniulat ni Laurenaria ang "kagimbal-gimbal" na mga kongklusyon ng OPML at inimbita ang pambansang liderato para "sumilong" sa ST. Para alamin ang buong katotohanan at kaagad maaksyunan, sumama ang mga kasama sa sentro sa kampo ng pamunuan ng ST. Pagkarating na pagkarating doon, hindi pa man nagpahinga mula sa mahabang paglalakad ay kaagad na kinausap ang mga naabutang kasama at nagsiyasat sa mga nangyayari roon. Nagsisisigaw ng "Tagumpay!" si Laurenaria sa pag-aakalang papaniganan ng mga kasamang dumating ang OPML. Laking pagkakamali niya.

Paano hinarap ng mga nasa pamunuan ng Partido ang mga inabutan doon?

Kagyat silang umaksyon. Binasa nila ang sitwasyon. Isa sa mga unang tiningnan din nila ay ang kalagayan ng NPA doon. Mga pwersa nito ang siyang nagsisilbi roon bilang camp security, arresting officers, jail custodians, torturers at executioners. Kinausap ang mga kumander ng NPA doon. Tinayang tatanggapin pa rin ng mga ito kung ano ang katotohanang lalabas sa imbestigasyon at susundin ang mga kapasyahan ng pambansang sentro.

Matapos iyon, kagyat na ipinasuspinde ng pambansang sentro ang OPML para mapag-aralan muna. Ipinatigil ang lahat ng pag-aaresto, interogasyon at pagpaparusa. Nagbuo ng Review Board. Bukod sa mga kasama sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, isinama rito ang iba pang kagawad ng Komite Sentral na nasa lugar, kabilang ang kalihim ng rehiyon, mga namumuno sa komisyong teritoryal sa Southern Luzon at mga namumuno sa National United Front Commission. Isinama rin dito si Ka Simeon (Armando Teng), ang dating kalihim ng rehiyon bago si Laurenaria.

Isa-isang nirebyu ang kaso ng bawat inaresto at ikinulong. Kinuha ang lahat ng mga rekord. Hinimay hanggang sa pinakamaliliit na detalye ang bawat kaso. Nirebyu lahat ng ebidensya pati na rin kung saan at paanong nakuha ang mga ito.

Napatunayang wala ni isang implitrador sa mga inakusahan at naging biktima ng OPML-kapwa yaong mga inabutang nakakulong at mga yaong mga di na inabutang buhay.

Lahat ng nakakulong ay kaagad pinalaya. Nilinis ang pangalan ng lahat ng nasawi at pinarangalan bilang mga martir ng rebolusyon.

Ano ang nangyari sa mga nagpasimuno nito?

Binigyan ng aksyong pandisiplina ang mga pasimuno at may malalaking kamalian sa pagpapatupad nito. Si Laurenaria ay hinusgahang may malaking kamalian sa OPML. Mabigat ang responsibilidad niya kaya't mabigat din ang aksyong pandisiplinang ipinataw sa kanya. Tinanggalan siya ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang makapamuno sa anumang yunit ng Partido sa anumang antas. Malaon ay nagtaksil siya sa Partido at rebolusyon. Ang pinuno ng TFML ay itiniwalag sa Partido at tuluyan na ring tumalikod sa rebolusyon.

Ang kalihim ng nangangasiwang komisyong teritoryal ay itiniwalag din sa Partido. Gayunman, nanatili pa rin siyang tapat sa mga adhikain at tuluy-tuloy pa ring kumilos. Makaraan ang ilang taon ng puspusang pagwawasto at pagpapakita ng katapatan sa rebolusyon, muli siyang tinanggap sa Partido.

Ang karamihan ng iba pang nasangkot at binigyan ng aksyong pandisiplina ay nagpakita ng katapatan. Dumaan sila sa reedukasyon, mapagkumbabang nagpuna-sa-sarili, puspusang nagwasto at nagpatuloy pa rin sa rebolusyonaryong pagkilos.

Paano naman tinulungan ang mga naging biktima ng OPML?

Matapos ng OPML, ang bagong pamunuan sa ST ay nagbuo ng programa ng rekoberi ng Partido at kilusan sa rehiyon para kumpunihin ang maraming napinsalaang bahagi ng organisasyon at gawain.

Isa sa mga pangunahing diniinan ay ang pagtulong at rehabilitasyon sa mga nabiktima at naapektuhang kadre, pwersa at masa.

Karamihan sa mga kadre at pwersang biktima ng OPML na nailigtas ng Partido ay kaagad bumalik sa rebolusyonaryong pagkilos. Marami-rami rin ang natagalan bago bumalik. Ang iba naman, bagamat tuluy-tuloy na nauugnayan at napanatiling sumusuporta sa rebolusyon, ay piniling manatili na lang sa labas. Inuunawa ng Partido ang nangyari sa mga biktima at patuloy na pinagsikapang matulungan silang magrekober hanggat kaya.

Inugnayan at kinausap din ang lahat ng nakayanang maabot na mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima. Sa harap ng mga nabiktima at mga mahal nila sa buhay, mapagkumbabang naglahad at nagpuna-sa-sarili ang mga nagkamaling kasama, humingi ng patawad at nagbigay ng anumang tulong na kailangan nila sa abot-kaya ng Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Karamihan ng mga mahal sa buhay ng mga biktima ay malawak na nakaunawa sa pangyayari, nagpatawad sa nagkamali at nanatiling kalahok o sumusuporta sa rebolusyon. Maging yaong galit na galit ay walang sawang pinagpaliwanagan ng mga kasama hanggang sa kalauna'y magbigay din ng kanilang pagpapatawad at muling pagtulong.

May pailan-ilan pang mahal sa buhay ng mga nabiktima na nahirapang maabot kaya't di pa nakakausap. Tulad ng naisaad ko na sa nakaraan, palaging bukas ang pinto ng Partido upang tanggapin sila, alamin ang detalye ng kanilang mga kaso at resolbahin sa abot ng ating makakaya.

Hindi ba't mayroon ding mga tumalikod sa Partido?

Mayroon nga, pero iilan lamang sila kumpara sa mas maraming nagpatuloy sa Partido o sa pagsuporta sa rebolusyon. Ilan sa kanila ay simpleng hindi nakayanang tanggapin ang mga palilinaw, paghingi ng patawad at pagwawasto sa naganap na mga pagkakamali.

Pero ang iba, laluna iyong mga pinakamaingay at pinakamatindi ngayon na bumabatikos sa Partido, ay umalis hindi pa dahil sa mga karanasan nila sa OPML. Marami sa mga ito ay nagpatuloy pa nga sa pagkilos nang ilang taon matapos ang OPML. Umalis na lamang sila matapos ilunsad ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992. Hindi nila matanggap ang ginawang mas komprehensibo at mas malalim na pagwawasto ng PKP sa mga kamalian nito sa nakaraan. Sangkot din sila sa mga kamaliang ito.

Kung tutuusin, ang mga pagbitiw at paglihis sa mga saligang prinsipyo at wastong linya at ang iba pang mga kamaliang dulot ng mga ito ay siya ring pinag-ugatan ng OPML at iba pang katulad na hibang na kampanyang anti-impiltrador. Lumakas noon, halimbawa, ang pag-iisip na mayroong mga espiya na nakapasok dahil lumaganap ang at kabulukan, kawalang-disiplina at kagaspangan ng maraming kasama at Pulang mandirigma, ang burukratiko at komandistang istilo at pamamaraan ng maraming kadre at kumander, ang kawalang-pagtitiyaga sa gawaing masa at kababawan sa gawaing pampulitika, at iba pang ibinunga ng militarismo, insureksyunismong urban at iba pang pagbitiw at paglihis ng Partido sa mga saligang prinsipyo at wastong linya.

Marami sa mga pasimuno ng mga kamalian at paglihis na ito sa linya ng Partido ay naging biktima rin ng mga kampanyang anti-impiltrador. Kaya kumbaga, nabiktima sila ng halimaw na kasama silang lumikha. Ngayon ay binabatikos nila ang halimaw pero ayaw nilang akuin ang mas nauna nilang responsibilidad sa paglikha ng halimaw.

Isa rito si Manuel Quiambao na isa sa mga nasa likod ng grupong PATH (Peace Advocates for Truth, Justice and Healing). Biktima siya ng OPML na tuwirang iniligtas at tinulungan ng sentro ng Partido. Tinanggap niya noon ang pagpuna-sa-sarili ng Partido at kaagad nagpatuloy siyang sa pagkilos. Pero di nagtagal, dahil sa dati nang niyang sakit na insureksyunismo at repormismo, sumama siya sa mga naglunsad ng pakanang insureksyunista sa kalunsuran. Inilingid nila ang mga pakanang ito sa pamunuan ng Partido. Simula 1992, kasabwat ang iba pang nagpasimuno ng mga kamalian at nagtaksil, todo-todong nilabanan niya ang kilusang pagwawasto. Ngayo'y walang patumangga siya sa paninira at pang-iintriga laban sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Isinasangkalan niya para rito ang OPML.

Ano ang mga aral na mahahalaw mula sa mga mapait na karanasang ito?

Noong 1992, komprehensibong nilagom ng Komite Sentral ng Partido ang mga nangyaring hibang na kampanyang anti-impiltrador at hinalawan ng mga aral. Kaugnay nito, muling pinagtibay ang pangangailan ng mahigpit na pagtalima at pagsunod sa mga Marxista-Leninistang prinsipyo at paraan ng pag-alam sa mga bagay, mga prinsipyo at tuntuning pang-organisasyon ng Partido, at mga partikular sa tuntunin sa ebidensya, pag-aaral sa seguridad at pagpapatupad ng rebolusyonaryong hustisya.

Sa partikular, pinagtibay ng Komite Sentral ang "Mga Tuntunin sa Ebidensya at ukol sa Pagsisiyasat, Pag-uusig, Paglilitis at Pangangalaga sa mga Suspek at mga Bihag" na nauna nang binuo sa paglalagom ng OPML, upang magsilbing gabay sa mga katulad na kasong haharapin ng mga yunit ng Partido.

Bunga ng mga ito, malaki ang tiwala ng Partido na malalim na tumimo sa mga kasama ang mga prinsipyo at patakarang ito at hindi na mauulit ang mapapait na karanasan sa nakaaraan.

Ano ang masasabi mo sa iyong personal na pagkakasangkot sa OPML?

Kabilang ako sa kapulungang unang nagdesisyon na isagawa iyan. Liban doon, hindi na ako tuwirang kalahok sa anupamang malaking desisyon sa pagpapatupad ng OPML. Noon kasing sisimulan iyon, nagkataong nakadeploy ako sa malayong larangan kaya wala ako sa mismong lugar na pinaglunsaran at ininugan ng OPML. Matagal bago umabot sa akin ang mga desisyon-karaniwan, nasa proseso na ng pagpapatupad.

Pero dahil paniwala rin ako noon, sinasang-ayunan ko ang mga desisyon pagkatapos. Anumang ipagawa sa akin ay ginagampanan ko rin. Sinunod ko ang atas ng mga sumesentro nang may ipinaaresto sa akin na mismong mga kakolektibo ko sa larangan.

Paano mo tinanggap ang paglalagom at husga sa OPML?

Wastong-wasto ang tinaguring iyo'y isang malaking "kahibangan." Talagang ang mga kasama noon ay nahibang, paranoid, nawala sa sarili, may kinatatakutang hindi nakikita at kinatatakutang hindi totoo.

Nang malagom ang OPML, lubusan kong natanggap na maling-mali nga iyon. At nang lumabas yung dokumento ng IDKP na "Iwasto ang mga Kamalian at Muling Pagtibayin ang mga Saligang Prinsipyo," lubos ko itong tinanggap. Ihinanda ko ang aking sarili sa anumang posibleng aksyong pandisiplina alinsunod sa saligang batas ng Partido.

Nabanggit mong relatibong magaang ang aksyong pandisiplina na ipinataw sa iyo. Maaari mo ba itong ibahagi? Ano'ng bahagi mo sa pagkukumpuni ng mga pinsala?

Pinatawan ako ng mahigpit na babala. Mababa pa iyon sa aking inasahan. Muli rin akong pinatayong kalihim doon sa mismong pinangyarihan ng OPML para pamunuan ang malaking trabaho sa pagkukumpuni sa mabigat na kapinsalaan doon. Bago ako itinalaga sa ibang larangan, naging kalihim ako ng larangan sa hangganang Laguna-Quezon, diyan sa bandang Banahaw. Ibinalik ako roon para pamunuan ang malaking gawaing rekoberi roon. Inaalala kong mahirap, pero tinanggap kong hamon na rin iyon at bahagi ng aking pagwawasto, at para makabawas na rin sa bigat ng aking konsyensya ang direktang pagtulong ko sa muling pagtatayo ng dati kong pinamumunuang larangan na winasak ng OPML.

Noong una, medyo mahirap dahil yung mga natitirang myembro ng Komiteng Larangan ay ayaw dumalo sa pulong. Inaalalang baka maulit na naman ang gapusan. May mga umiiyak, may mga galit na galit sa akin dahil alam nga na ako ay nasangkot kahit kaunti. Pero pinagsikapan nating kausapin at paliwanagan ang mga kasama.

Pinatawad nila ako at naibalik ang masigla, matapat at mapagkasamang relasyon namin. Napatunayang tama ang tiwala kong malawak din ang pag-unawa nila, na kaya nilang pangibabawan ang mga sama ng loob alang-alang sa rebolusyon. Lalo akong napahanga sa kanilang di pagiging makasarili, sa pagiging tunay na rebolusyonaryo at komunista nila.

Bagamat nakaunawa at muling nagpatuloy sa kilusan ang karamihan, may mga nagpasibo rin at hindi na tumanggap ng mga gawain. Hindi natin sila masisi dahil sa bigat ng trauma na dinaanan nila at sa laki ng kasalanang nagawa ng mga kasama sa kanila.Makalipas ang ilang panahon ay nakabawi na rin nang husto ang larangan. Inabot pa ako ng 1994 bago uli umalis doon, kaya nasubaybayan ko pa ang dramatikong pagbangon at muling pagsulong ng larangang gerilyang iyon.

Ano sa mga karanasan mo ang naging pinakamahirap?

Pinakamahirap ang magpapaliwanag ka sa mga asawa, anak, kapatid, magulang ng mga nasawi. Dahil galit na galit. Ihinanda ko ang aking sarili na tumanggap ng pagmumura, panunumbat. Lahat ng klase ng mabibigat na salita ay pinaghandaan kong tanggapin. At turo ko nga sa mga kasama, huwag sasama ang loob natin, kahit tayo ay murahin nila. Wala iyan kumpara sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.

Tagubilin ko rin noong una sa mga kasama, kapag ang haharap sa atin ay alam nating galit, kung pagmumura lang, handa nating tanggapin. Unawain nating matindi ang nangyari sa kanila. Kung tayo'y sasaktan, tayo'y tatakbo na lang muna. Ngayon, kung nasukol tayo at sasaktan tayo, hindi tayo lalaban nang kahit gapatak.

Sa kabutihang palad, wala naman kaming nakaharap na nagtangka talagang manakit sa amin. Talagang umiiyak, tulo ang luha, tulo pati sipon, basta't galit. Pero pagkatapos, mainit na tinanggap din nila uli tayo sa kabila ng nangyari. Nabagbag nang husto ang damdamin ko.

Noon ko muling napatunayan na ang masa, gaano man kalaki ng iyong pagkakamali, magpaliwang ka lang, magpakumbaba ka lang, ipakita mo lang ang sinseridad, malawak ang kanilang pasensya at pag-unawa. Madaling nanumbalik ang pagyakap at pagsuporta nila sa rebolusyon. Lahat ng aming kinausap ay tanggap ang aming paliwanag at nanatiling tagapagtaguyod ng ating kilusan.

Hanggat may alam kaming hindi pa nakaharap, hindi pa nakausap, nalinawan, nahingian ng patawad at nahimok muli sa kilusan, siya'y kaagad sinisikap maugnayan at kausapin. Inaako ko pa ring tungkulin hanggang ngayon kaakibat ng patuloy kong pagwawasto ang maglinaw, ang magsalaysay sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima at sa masa. Kapag may mga nangangailangan at tuwing ako mismo ang hihilingin ay lagi akong handa at maluwag na humaharap at maglinaw.

Hanggang ngayon may paisa-isa pa rin kaming nakakausap na mga pamilya. At kapag napapag-usapan, hanggang ngayon nababagbag pa rin ang aking damdamin. Hindi ko nalilimutan yung mga pangyayari at patuloy na pinagsisisihan. Kaalinsabay, natutuwa at naiinspira ako sa masang patuloy na yumayakap sa Partido at rebolusyon. #

(Read English Translation here)


Back to top
Back to PIB Page


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.