Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


NDFP Homepage The NDF and its representatives (statements links) NDF International Office Allied Organizations (statements links) Gallery of Heroes and Martyrs Peace Talks Documents
    Pilipino
   

Ipagbunyi ang mga tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan!

MSP
Makabayang Samahang Pangkalusugan
Abril 24, 2003

Nagpupugay ang Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP) sa tatlong dekada ng masikhay na pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawain ng National Democratic front of the Philippines (NDFP) kasama ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People's Army (NPA) at malawak na masa ng sambayanang Pilipino.

Sa pamamagitan ng wasto at matatag na pamumuno ng Partido sa hukbong bayan, armadong pakikibaka sa kanayunan at malawak na nagkakaisang prente, pinag-iibayo ng NDFP na abutin at organisahin ang iba't ibang uri't sektor ng lipunan para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Inoorganisa at higit pang pinalalawak ang kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa pangunguna ng NDFP at mga alyadong organisasyon nito.

Bilang isa sa mga alyadong organisasyon, ang MSP ay aktibo at walang humpay sa pagtugon sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagsusulong ng rebolusyon, ang Rebolusyonaryong Gawaing Pangkalusugan (RGK). Lumalawak ang kasapian ng MSP mula sa hanay ng mga doktor, nars, manggagawa sa mga ospital, estudyanteng pangkalusugan at iba pang kabilang sa sektor pangkalusugan.

Tuluy-tuloy at maagap na tinutugunan ng MSP ang mga pangangailangang pangkalusugan sa kanayunan na may mahigpit na pakikipagtulungan sa mga medics ng NPA at mga komiteng pangkalusugan sa baryo. Nagsasagawa ito ng mga medical check-up at mission sa hukbong bayan, mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa kanayunan. Naglulunsad ang MSP ng mga pagsasanay pangkalusugan sa iba't ibang antas para maarmasan ang mga kasama ng tama at syentipikong kaalaman at pamamaraan ng paggamot at pag-aalaga ng maysakit. Tinutugunan nito ang mga kagyat at batayang pangangailangang pangkalusugan ng mga Hukbo at masa. Sa kasalukuyan, malaking bilang ng Hukbo at medics ang nakapagtapos ng batayang kasanayan sa kalusugan, at sinisimulan nang ipalaganap ang nilalaman ng intermedyang kasanayang pangkalusugan sa mga rehiyon.

Nakapaglulunsad din ang mga kasama sa kanayunan ng iba't ibang kampanyang pangkalusugan para sa kagalingan ng masa sa mga lugar na kinikilusan. Mga halimbawa nito ang kampanya para sa kalinisan ng kapaligiran at ng sarili, nutrisyon at pag-iwas sa mga sakit, tulad ng malaria, tipus, tuberculosis at iba pa. Nakatutulong ng malaki ang mga itinayong komiteng pangkalusugan ng mga ganap na samahang masa sa malawakang edukasyong pangkalusugan sa mga baryo. Sila na rin ang mga kasama ng Hukbo sa direktang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, tulad ng pagpapaanak, pagbabakuna, pang-unang lunas, pangangalaga at panggagamot ng mga maysakit.

Kaalinsabay ng mga ito, ipinapalaganap din ang malawakang paggamit at pagpapaunlad ng mga katutubo o lokal na rekurso na matatagpuan sa mga lokalidad, tulad ng mga halamang gamot, tungo sa pagiging self-reliant sa hinaharap. Nagsasagawa rin ng mga pananaliksik ang MSP hinggil sa mga di komon na sakit, halamang gamot at iba pang mga usaping pangkalusugan.

Dahil patuloy ang pag-igting ng mga labanan sa kanayunan, laging handa ang mga kasapi ng MSP sa mga sentrong bayan na sumalo ng mga pasyenteng sugatan at may malalang karamdaman. Kasabay nito ang walang humpay na pangangalap ng mga pangangailangang pangkalusugan para sa armadong pakikibaka, tulad ng mga gamot, medical supplies, equipment at iba pa.

Patuloy din ang pagsisikap ng MSP na magpalitaw at magpaunlad ng mga kasapi nito na tuwirang kikilos sa hanay ng NPA at gagampan ng iba oang gawain sa kanayunan. Marami-rami na rin ang bilang ng mga kasapi ng MSP ang tuluyang nag-full time at permanenteng nagpa-deploy sa kanayunan upang tumanggap ng higit na malaking tungkulin sa rebolusyon.

Sa ilalim ng kalagayang mala-kolonyal at mala-pyudal, lubhang walang pagpapahalaga ang reaksyunaryong pamahalaan sa kalusugan ng mamamayan. Tanging ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng Partido at pangunguna ng mga nakatayong organo ng kapangyarihang pampulitika sa baryo ang nagtataguyod ng sistemang pangkalusugan na tumutugon sa batayang pangangailangang pangkalusugan ng malawak na masa ng sambayanan.

Determinado ang MSP na aktibong lumahok sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa sosyalistang perspektiba nito. Higit kailanman, nakalaan itong tugunan ang lahat ng pangangailangan para sa pagpapabagsak ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo -- na kinakatawan ngayon ng reaksyunaryong rehimeng US-Macapagal-Arroyo -- hanggang sa ganap nating maitatag ang isang Demokratikong Republika ng Bayan sa isang malaya, makatarungan at mapayapang lipunang Pilipino.

Sa sektor pangkalusugan, malaki ang ating maiaambag para sa pagsusulong ng digmang bayan at sa paglalatag ng sistemang pangkalusugan na maglilingkod sa malawak na mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal.

Mabuhay ang ika-30 anibersaryo ng NDFP!
Ipagbunyi ang mga tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamumuno ng CPP-NPA-NDF!

Sektor pangkalusugan, lumahok sa digmang bayan!
Isulong ang rebolusyonaryong gawaing pangkalusugan!

Ibagsak ang rehimeng US-Arroyo!
Isulong ang demokrtikong rebolusyon ng bayan hanggang sosyalismo!

Itayo ang demokratikong republika ng bayan!###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.