Pangayaw Laban sa AlsonsBago pa man ipinahayag ng NDF-Mindanao ang patakarang total logging ban, malaon nang nilalabanan ng mga lumad na Ata-Manobo ang isang higanteng korporasyon sa logging, ang Alcantara and Sons (Alsons).
Bukod sa pagtotroso, ang Alsons ay kilala bilang tagagawa ng semento, plywood at iba pang produktong kahoy. Itinayo rin ng Alsons ang Northern Mindanao Power Corp. at kasalukuyang itinatayo nito ang Western Mindanao at Southern Philippines Power Corp. Bukod rito, may malaking negosyo ito sa real estate at namumuhunan din sa aquaculture, livestock raising, orchard farming at iba pa. Subalit ang pinagmulan ng malaking kapital nito ay ang kamal-kamal na salaping kinita nito mula sa pagtotroso.
Pagkatapos ng mahigit 20 taong pagla-logging sa 20,000 ektaryang kunsesyon nito sa tri-boundary ng Davao del Norte, Bukidnon at Davao City, humina nang humina ang kinikita nito sa pagtotroso hanggang sa makalbo na nang tuluyan ang kagubatan pagsapit ng dekada '80.
Kaya't nang buksan ng gubyerno ang programa nitong IFMA, sinagpang ng Alsons ang pagkakataon. Noong 1991, ang Alsons ang naging kauna-unahang IFMA holder sa buong Mindanao. Sampung libong ektarya sa loob ng dati nitong kunsesyon ang saklaw ng IFMA nito.
Palibhasa'y ganid sa tubo, tinangka ng Alsons noong 1993 na agawin pa ang lupain ng mga Ata-Manobo na nasa labas na ng saklaw ng IFMA nito para tamnan pa rin ng industrial trees.
Tinutulan ito ng mga lumad. Anang mga Ata-Manobo: "Kinuha na nga ang lahat ng kahoy, pati lupa ay kukunin pa!"
Naglunsad ng iba't ibang porma ng protesta ang mga Ata-Manobo, hanggang sa makonsolida ang kanilang mga pagsisikap sa isang kumperensya na tinawag na "Salupungan" ("pagkakaisa" sa wikang Ata-Manobo). Binuo ang SAGIP, isang organisasyong nagtataguyod sa interes, di lamang ng mga Ata-Manobo, kundi ng iba pang tribu ng mga lumad.
Nagpatuloy ang pagpepetisyon at pakikipagusap ng mga Ata-Manobo sa mga ahensya ng gubyerno para maaksyunan ang kanilang mga hinaing. Tumindi ang reaksyon ng Alsons: gumamit ito ng mga tropang militar para paatrasin ang mga lumad sa kanilang lupain.
Upang maihayag sa mas malawak na publiko ang ganitong mga pangyayari, 500 lumad ang nagkampo sa compound ng isang simbahang Protestante sa Davao City. Isang buwang nanatili dito ang mga Ata-Manobo, at naging malaking isyu sa midya ang pang-aagaw ng Alsons sa lupaing lumad. Kinuha na nga lahat ng kahoy, pati lupa ay kukunin pa!![](../../angbayan/images/99.gif) |
Di nagtagal, naki-eksena ang mga pulitiko, pangunahin ang alkalde ng Davao City na si Rodrigo Duterte. Pinagharap-harap niya ang mga kinatawan ng Ata-Manobo, Alsons, DENR at SAGIP, at mula dito'y binuo ang isang memorandum of agreement na nagtatakda ng hangganan o boundary sa operasyon ng Alsons.
Nang walang pakundangan pa ring nilabag ng Alsons ang pinirmahan nitong memorandum, dumagundong ang tugon ng mga Ata-Manobo: Pangayaw!
Ang pangayaw o tribal war na idineklara noong 1995, ay unang kumitil sa buhay ng isang manggagawa ng Alsons at dalawang bata. Sinuspindi ng Alsons ang pagpapalawak ng IFMA nito dahil sa tensyong nalikha; at nag-operasyon ang kaaway.
Sa tradisyunal na konsepto ng pangayaw, pumapatay ang mga lumad ng "karampatang bilang" ng sinumang hindi nila kauri o katribu para mapawi ang galit o kahihiyan na nagbunsod sa pangayaw. Wala itong malinaw na target.
Dahil maselang usapin sa mga lumad ang anumang panghihimasok sa kanilang mga kaugalian, hindi napigilan ng mga rebolusyunaryong pwersa ang paglulunsad ng pangayaw at ang pagkakapaslang sa trabahador ng Alsons at mga bata.
Subalit ang pagdagsa ng mga tropang militar sa mga komunidad ng Ata-Manobo ang nakapaglatag ng magandang kundisyon para makausap ng mga kasama ang mga lumad hinggil sa direksyon ng kanilang pangayaw.
Kinumbinsi ng mga rebolusyunaryong pwersa ang mga Ata-Manobo na mas nararapat nilang ituon ang kanilang galit at sandata sa tunay nilang kaaway: ang mga sundalo ng AFP na pumoprotekta sa Alsons at lumalapastangan sa interes ng mamamayang lumad. Mula noon, puro mga tropa ng reaksyunaryong hukbo ang sinisipat ng mga baril at katutubong sandata ng mga mandirigmang Ata-Manobo.
Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pangayaw.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|