Patuloy sa 2000
Patuloy na paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang bungad ng Timog Katagalugan sa taong 2000.
Isang sundalo ng Philippine Army ang nasawi at dalawa ang malubhang nasugatan nang tambangan sila ng mga gerilya ng BHB sa Laguna nitong Pebrero 15. Ang tatlong sundalo na kabilang sa 9th Scout Ranger Coy ay lulan ng isang Kennedy-type na dyip nang sila'y ambusin sa haywey sa Barangay Amuyong, Mabitac, malapit sa hangganan ng Laguna at Rizal.
Samantala, tatlong elementong nagdulot ng pinsala sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang pinarusahan ng BHB nitong Enero at Pebrero. Dalawang kalibre .45 ang nasamsam mula sa mga operasyong ito.
Nitong Pebrero 6, pinarusahan ng BHB si Oscar Aldaba, alkalde ng San Teodoro, Oriental Mindoro. Si Aldaba ay dating major at upisyal-paniktik ng Philippine Army. Kabilang sa kanyang mga kontra-rebolusyonaryong krimen ang pagdukot sa isang dating Pulang mandirigma at pagpaslang sa isang lokal na lider masa.
Pinarusahan din si Capt. Henry Oben sa Sampaloc, Tanay, Rizal nitong Enero 15. Si Oben ay nakatalaga sa 2nd Infantry Division na nakabase sa Camp Capinpin sa Tanay. Nakumpiska mula kay Oben ang isang .45.
Nitong Enero 4 naman ay pinarusahan si PO2 Tito Corpuz sa Barangay Fatima, Mamburao, Occidental Mindoro. Si Corpuz na kabilang sa Provincial Police Mobile Group ay sangkot sa mga gawaing paniktik. Nasamsam mula sa kanya ang isang .45.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|