Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Rehimeng Estrada: nasa bingit ng kamatayan:
Mabilis na pagsadsad ng krisis ng ekonomya

 Read this article in English

Sa loob lamang ng mahigit dalawang taon sa ilalim ng gubyernong Estrada, tuluy-tuloy na dumausdos ang pambansang ekonomya ng Pilipinas dulot ng bulag na pagsasakatuparan ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon, denasyunalisasyon at deregulasyon�mga patakarang pawang dikta ng imperyalismong US�gayundin, dulot ng tuluytuloy na paglubha ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan at ng sagad-sagarang paglala ng burukratikong katiwalian at korupsyon.

May direktang responsibilidad si Estrada sa pagsasakatuparan ng mga patakarang naglublob ng ekonomya sa kumunoy. Kailangan niyang pagbayaran ang kanyang sukdulang pagkapapet na nagdulot ng masidhing krisis sa ekonomya at kahirapan sa mamamayan. Gayunpaman, maling umasa na malulutas ang krisis sa ekonomya sa pagpapatalsik kay Estrada. Katunayan, daranas ito ng lalong paglala sa darating na panahon kaakibat ng lalong pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan.

ANG HUWAD NA LARAWAN NG PAG-UNLAD NG EKONOMYA. Hindi mapasusubalian kahit ng mga estadistika ng gubyerno ang katotohanang dumaranas ang Pilipinas ng malubhang krisis sa ekonomya. Laluna itong taon, naging matarik ang pagbulusok ng pamumuhunan at produksyon na nagbunga ng paglaki ng tantos ng disempleyo. Kahit ang malalaking negosyante ay nagdududa sa itinatambol ni Estrada na 4.5 % paglago ng ekonomya.

Ipinagmamalaki ng gubyernong Estrada na sa kaunaunahang pagkakataon mula 1973, nagtala ng sarplas sa kalakalang panlabas noong 1999 ($4.294 bilyon). Hanggang noong Setyembre, naitala ang $4.24 bilyong sarplas.

Sadyang nakapanlilinlang itong sarplas sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Sapagkat ang katunaya�y walang anumang isinagawang hakbang ang gubyerno upang lutasin ang ugat ng istorikong suliranin ng di pantay na kalakalan ng Pilipinas. Ang sarplas na ito ay hindi ibinunga ng mayor na pagsulong sa industriya, lokal na produksyon at bolyum at halaga ng eksport. Katunayan, pagsapit ng Setyembre, bumaba sa 9% (mula 17% noong Setyembre 1999) ang paglago ng eksport.

Isang kabalintunaan ang sarplas na ito dahil indikasyon ito, higit sa anupaman, ng lalong pagbagsak ng lokal na produksyong nakasalalay sa importasyon ng mga sangkap at makinaryang pamproduksyon. Katunayan, walang nagbago sa tipo ng mga produktong ineeksport at iniimport at sa relasyon ng mga ito. Ang pangunahing mga produktong pangeksport ng Pilipinas�electronics and electronic components, damit at garment accessories at mga ignition wiring set�ay pawang nakasalalay sa mga imported na sangkap at makinarya. Ang mga pangunahing produktong iniimport ng Pilipinas ay kinabibilangan ng electronics and electronic components, mineral fuels, lubricants and related materials at telecommunication equipment and electrical machinery� na pawang mga saligang sangkap sa produksyong nakatuon sa eksport.

Patuloy ang pagtumal ng pamumuhunan at pagbagsak ng produksyon. Noong unang bahagi ng 1999, naitala ang 71% pagbagsak ng bagong pamumuhunan. Bumagsak nang 54% ang nakarehistrong pamumuhunan noong 1999 (P116.74 milyon, na siyang pinakamababa mula 1994). Tuluy-tuloy pa itong bumulusok nang 97% sa unang hati ng taong 2000, (kumpara sa P71.5 bilyon sa unang hati ng 1999). Sa buong taon, inaasahan na babagsak ito nang mahigit 90% (P10.6 bilyon), ang pinakamababang antas sa nakaraang 15 taon.

Nitong Hulyo, umabot nang 56% ang pagbagsak ng kabuuang halaga ng direktang dayuhang pamumuhunan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tumumal ang kalakalang panlabas.

Ang lokal na pamumuhunan ay bumagsak nang mahigit 90% mula 1998. Ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar ay nagpasirit ng gastos sa produksyon. Nagreresulta ito sa pagbagsak o pagtumal ng negosyo laluna ng mga lokal na empresa, kabilang na ang maliliit na negosyante na nasa larangan ng pag-eeksport. Hanggang noong Agosto, 951 empresa sa Metro Manila ang itinalang nagsara, samantalang 166 ang nagpatupad ng sistema ng �panandaliang� tanggalan, job rotation at pagbawas ng oras ng paggawa.

Patuloy na lumalaki ang tantos ng disempleyo. Hindi ito lubusang mapagtakpan kahit ng mga salamangka sa estadistika ng gubyerno. Noong Oktubre, itinalang umaabot na sa 11.1% ang tantos ng disempleyo� pinakamataas mula noong 1986. Bagamat mataas na ito kung ibabatay sa mga pamantayan ng mga teknokrata, ang katunayan, higit na mas mataas pa rito ang tunay na bilang ng kasalukuyang walang hanapbuhay. Kung tutuusin, aabot sa 45% ng kabuuang pwersa sa paggawa ang walang hanapbuhay.1

Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga walang trabaho dahil hindi nakasasabay sa paglaki ng bilang ng pwersa sa paggawa ang paglawak ng produksyon, laluna ng produksyong industriyal.

Umiiral at nagbabantang muling sumabog ang isang krisis sa pinansya. Noong 1999, artipisyal na napalaki ang reserbang dolyar ng Bangko Sentral, dahil pangunahin, sa muling pagpasok ng mga dayuhang ispekulador. Subalit dahan-dahang bumibilis ang muling pagtalilis ng kapital lalo�t pumutok ang bagong pampulitikang krisis simula noong Oktubre. Kaugnay nito, hanggang noong Nobyembre ay bumagsak nang 53% ang halaga ng stock market sa Pilipinas.

Sa pagtatapos ng 2000, aabot ang dayuhang pautang sa $55.5 bilyon, 14% mas mataas kumpara noong 1998.Tinatayang $11.11 bilyon ang ipambabayad sa dayuhang pautang at interes nito sa taong 2000, 33% higit sa ipinambayad noong 1998.

Mula sa P45-bilyong depisito sa badyet noong 1998, lumobo ito sa P111 bilyon noong 1999. Pagsapit ng Nobyembre 2000, umabot na ng P114.44 bilyon ang depisito sa badyet at tinatayang aabot pa sa P120 bilyon sa pagtatapos ng taon. Inaasahan ng ilang upisyal ng gubyerno na sa kabila ng target na P85-bilyong depisito sa susunod na taon, maaaring sa aktwal ay higitan pa ang itatalang depisito ngayong taon. Ang depisito sa badyet ay bunga ng malaking pagkukulang sa koleksyon sa buwis dulot pangunahin ng pagliit ng koleksyong buwis mula sa negosyo na ngayon ay matumal, bukod sa korupsyon at paglulustay ng gubyerno ng rekurso nito para sa mga di produktibong gastusin (tulad ng mga palabas na proyektong pangimprastruktura, mga operasyong militar at pagbabayad ng gahiganteng utang panlabas).

PANANAGUTAN NI ESTRADA. Nakapwesto na ang mga pangunahing batas at patakarang nagtataguyod sa liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa ilalim ng gubyernong Ramos kabilang na ang pagpapatibay sa Foreign Investments Act (batas na nagbibigay ng mga insentibo sa mga dayuhang mamumuhunan), Bank Liberalization Law (batas na nagbibigay-karapatan sa mga dayuhan na magtayo at mag-opereyt ng mga lokal na bangko) at Mining Act of 1995 (liberalisasyon sa pagpasok ng mga dayuhan sa industriya ng pagmimina).

Gayunpaman, hindi nito binabawasan ang bigat ng responsibilidad ng gubyernong Estrada sa todolargang pagsasakatuparan ng mga ito. Hindi nagsagawa si Estrada ng anumang hakbang upang lumihis sa mga patakarang dikta ng IMF-WB-WTO, bagkus ay lalo pang pinag-ibayo ang mga ito. Upang kumpletuhin ang pagbubukas ng ekonomya, pinagtibay ni Estrada noong Marso ang Retail Trade Liberalization Act na nagbukas ng isa sa pinakahuling prontera ng pambansang ekonomya�ang larangan ng pagtitingi�sa kontrol ng mga dayuhan.

Sa panahon na nirerendahan ng iba�t ibang gubyerno sa buong mundo ang walang-awat na liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon dahil sa naging negatibong epekto nito sa kani-kanilang ekonomya, bulag pa ring inilalarga ito ng gubyernong Estrada at binaklas ang lahat ng anumang patakaran o batas na nagtataguyod sa nagsasariling pambansang ekonomya.

MAGPAPATULOY ANG KRISIS. Ang pakikibaka upang alisin si Estrada sa poder ay kailangang gamiting pagkakataon para ihapag ng mamamayang Pilipino ang kanilang pambansa at demokratikong programa laluna sa ekonomya. Kailangang maging laman ng panawagan para sa pagpapatalsik kay Estrada ang panawagang papanagutin ito sa kasalanan ng pagtataksil sa pambansang kasarinlan.

Ang pagdadala ng mga usapin sa ekonomya, kabilang ang paghahapag ng mga pangunahing hinaing ng mga manggagawa, magsasaka, mamamalakaya, kawani at iba pang sektor ng masang anakpawis para sa karagdagang sahod, reporma sa lupa at iba pa, ay tumutulong sa paglalantad sa kahungkagan ng pagpapanggap ni Estrada na �makamasa� at nagbibigay-diin sa pangangailangang wakasan ang kanyang rehimen. Gayundin, ito ang isa sa pangunahing naglilinaw ng pagkakaiba ng masang anakpawis sa isang panig, at ng mga reaksyunaryong oposisyon sa kabilang panig�na ngayon ay nagkakaisa sa paglaban sa naghaharing rehimen.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paghahapag ng mga ito, agad na nailalatag ang gabay sa pagkilos at pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng hahalili sa kasalukuyang gubyernong Estrada.

Ang krisis sa ekonomya ay magpapatuloy sa mga susunod na taon. Hangga�t nananatili ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan, tiyak na lulubog nang lulubog lamang ang Pilipinas sa kumunoy ng walang katapusang krisis.

Kailangang magpakahusay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pag-unawa at paglilinaw sa istorikong ugat ng krisis sa ekonomya. Kailangang ilantad ang kapwa maling pananaw ng mga reaksyunaryo: na ang krisis ay bunga ng walang kapararakang kabulukan at katiwalian ng gubyernong Estrada o na ang Pilipinas ngayo�y nasa daan ng muling pagbangon mula sa krisis na iniwan ng gubyernong Ramos.

Ang paglilinaw sa ugat ng krisis sa ekonomya ang isa sa paraan upang maging pangmatagalan ang mga tagumpay sa paglaban upang ibagsak ang rehimeng Estrada.

---------

1 Sa pamamagitan ng pagpapaliit ng kabuuang bilang ng pwersa ng paggawa at pagturing na may trabaho ang kung tutuusi�y walang trabaho�tulad ng �walang bayad na manggagawa ng pamilya� (unpaid family worker) at �manggagawang may sariling pagkukwenta� (own account workers), bukod pa sa mga manggagawang �part-time�� naipalalabas na malaki ang bilang ng mga may trabaho at nagagawa ng gubyerno na paliitin sa 11.1% ang tantos ng disempleyo. Kung hihimayin ang datos ng gubyerno, matataya na ang kabuuang pwersa ng paggawa ay 34.159 milyon. Ang walang hanapbuhay ay aabot ng 15.514 milyon kabilang ang mga nagtatrabaho nang mas mababa sa 40 oras bawat linggo o 45% ng kabuuan.

 


Previous articleBack to topNext article

Disyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Iluwal sa pagpasok ng 2001 ang makapangyarihang unos na magwawakas sa rehimeng US-Estrada

Mga sipi:
Pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan upang igawad ang pamatay na dagok sa rehimeng Estrada �Armando Liwanag

Rehimeng Estrada: nasa bingit ng kamatayan:
Mabilis na pagsadsad ng krisis ng ekonomya
Rehimeng Estrada sa bingit ng kamatayan:
Papet, bulok, pasista

PANANALANTA NG PASISTANG ESTADO
Kaguluhan sa mga malakolonya
Liga ng mga pakikibaka ng mamamayan ng daigdig, pinaghahandaan
Mga balita sa pakikibaka
Karagdagang balita mula sa Kabikulan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.