Balita
Matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB, inilunsad ngayong Agosto
Anim na magkakahiwalay na taktikal na opensiba ang matagumpay na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ngayong Agosto.
Sa Negros Oriental, dalawang pulis ang napatay, kabilang ang isang upisyal, nang tambangan sila ng BHB sa Barangay Basak, Guihulngan noong hapon ng Agosto 27. Ang namatay na upisyal ay si Senior Insp. Leopito Gallego, hepe ng PNP sa bayan ng Vallehermoso.
Samantala, nagkasagupa naman ang mga tropa ng 66th IB at ng PNP na ipinadala sana bilang reinforcement. Napatay sa misencounter si Senior Insp. Remil Vizcaya, hepe ng Guigulngan PNP, at dalawa pa niyang tauhan.
Sa Cebu, apat na elemento ng PNP 3rd Regional Mobile Group na sakay ng isang dyip ang inambus noong Agosto 15 sa Sogod. Tatlo sa kanila, kabilang si Insp. Richard Caballero, acting commander ng kumpanya, ang malubhang nasugatan sa labanan. Nakasamsam ang BHB ng isang M16 at isang 9 mm. Ang ambus ay inilunsad isang kilometro lamang mula sa kanilang detatsment.
Sa North Cotabato, isang sundalo ng 12th Special Forces Company ng Philippine Army at isang elemento ng CAFGU ang napatay nang ambusin sila ng BHB noong Agosto 13 sa Barangay Batasan, Makilala. Tatlo pang elemento ng CAFGU ang nasugatan sa labanan.
Sa Kalinga, tatlong pulis, kabilang ang isang upisyal, ang napatay nang tambangan sila sa Barangay Tangan, Payok noong Agosto 7. Namatay sa ambus si Senior Supt. Nestor Miranda samantalang agaw-buhay si Supt. Antonio Bumiran. Ang mga pulis ay pawang nakatalaga sa PNP Special Action Force sa Kordilyera.
Sa Pampanga, naagaw ng mga mandirigma ng BHB ang inisyatiba nang makaengkwentro nila ang nagpapatrulyang mga sundalo ng 69th IB noong umaga ng Agosto 16 sa Sityo Labak, Barangay Cauayan, Mexico. Namatay sa 30 minutong sagupaan ang isang sarhento at isang ahenteng sibilyan. Ligtas na nakaatras ang mga gerilya.
Sa Davao del Norte, pinarusahan ng BHB ang kumpanyang DOLE-Stanfilco dahil sa pagtanggi nitong magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Noong Agosto 2, sinunog ng BHB ang packing plant ng DOLE-Stanfilco sa Barangay Manay, Panabo. Ang DOLE-Stanfilco, na may malalaking plantasyon ng saging sa prubinsya, ay subsidyaryo ng dambuhalang Amerikanong kumpanyang Dole Food Company.
Mapangwasak na mga proyekto, tinuligsa ng mga Dumagat
Aabot sa 500 Dumagat ang nagprotesta sa Lucena City noong Agosto 1 laban sa mga proyektong mapangwasak sa kalikasan at sa kanilang mga lupang ninuno.
Tinuligsa ng mga Dumagat na kabilang sa Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (Balatik) ang malawakang pagtotroso ng Green Square Properties Corp. sa Gen. Nakar, Quezon at Dingalan, Aurora; ang Kaliwa-Kanan Dam at hydro-electric project ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Gen. Nakar; at ang Laiban Dam at mga proyektong pabahay sa Tanay, Rizal.
Pag-abswelto kina Mathay at Abalos, binatikos
Daan-daang residente ng Payatas, Quezon City ang nagpiket sa tapat ng upisina ng Sandiganbayan noong Agosto 9 para batikusin ang pag-abswelto nito kina dating Mayor Ismael Mathay Jr., dating MMDA Chairman Benjamin Abalos at iba pang upisyal ng gubyerno. Sina Mathay ay kinasuhan kaugnay ng pagkamatay ng mahigit 50 katao nang gumuho ang tone-toneladang basura sa kanilang komunidad noong Hulyo 2000.
Ang kilos-protesta ay pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap at ng July 10 Payatas Victims Organization.
Mga sinisanteng manggagawa, nagwelga sa Cavite
Nagpiket noong Agosto 12 ang 26 na sinisanteng manggagawa ng Sanno Philippines Manufacturing Co., isang kumpanyang Hapones sa Gen. Trias, Cavite.
Ang mga manggagawang inakusahan ng pagnanakaw ay hindi pinabalik sa trabaho sa kabila ng pagbasura ng korte sa kasong isinampa laban sa kanila. Tinanggal sila sa tangka ng kumpanya na wasakin ang kanilang unyon. May 130 mga pari, madre at seminarista na sumuporta sa naturang piket.
Badyet para sa 2003, tutustusan ng utang
SA kabila ng lumalalang pambansang depisit, malaking bahagi ng panukalang P804 bilyong badyet para sa 2003 ay tutustusan ng utang. Balak ng gubyernong umutang ng P136.6 bilyon, mas malaki nang 20% sa target nitong P113.5 bilyon ngayong taon. Target sana ng gubyerno na huwag lumampas sa P130 bilyon ang depisit sa badyet ngayong taon, subalit sa loob pa lamang ng pitong buwan ay umabot na rito ang depisit. Tinatayang aabot ito sa P163 bilyon ngayong 2002. Dahil sa mga binabalak na dagdag na gastusin, maaaring umabot sa P155 bilyon ang aktwal na depisit sa 2003.
Presyo ng langis, muling itinaas
Sabay-sabay na nagpataw ng 30 sentimong dagdag sa presyo ng langis noong Agosto 11 ang Petron, Shell at Caltex. Sumunod ang iba pang kumpanya tulad ng Total at Eastern Petroleum.
Sinalubong ito ng batikos at protesta.
3 upisyal-militar, kasabwat ng Abu Sayyaf
Inirekomenda ng Senado na litisin sa korteng militar ang tatlong matataas na upisyal ng AFP sa kasong pakikipagsabwatan sa Abu Sayyaf. Kaugnay ito ng kahina-hinalang pagtakas ng mga bandido noong Hunyo 2001 sa Lamitan, Basilan. Ayon sa imbestigasyon ng Senado, nakatakas ang mga bandido sa kabila ng presensya ng militar dahil nakipagsabwatan sa kanila ang mga upisyal na namumuno sa operasyon.
Ang tatlo ay sina Maj. Gen. Romeo Dominguez, kumander noon ng 1st ID at Task Force Comet; Col. Juvenal Narcise, noo�y hepe ng 103rd IBde; at Maj. Eliseo Campued, noo�y hepe ng 18th IB.
Samantala, iginigiit ni Sen. Gregorio Honasan na dapat ding litisin kaugnay nito sina Defense Sec. Angelo Reyes at Gen. Diomedio Villanueva na noo�y hepe ng AFP.
Ramos, iimbestigahan ng senado
Iimbestigahan ng Senado si dating presidente Fidel Ramos kaugnay ng pagpasok ng gubyerno sa maanomalyang mga kontrata sa mga independent power producer (IPP) noong nasa poder pa siya. Alinsunod sa mga kontrata, obligado ang National Power Corp. na bayaran ang kapasidad ng mga IPP lumikha man ito ng kuryente o hindi.
Mahigit kalahati ng 48 kontrata sa IPP ay inaprubahan noong panahon ni Ramos. Kapalit nito ay tumabo siya at ang kanyang mga alipures ng milyun-milyong dolyar na komisyon at dagdag na mga kontrata.
Upang ilayo sa kanya ang atensyon ng publiko, inilantad ni Ramos ang panunuhol ng mga Lopez at iba pang negosyante sa Kongreso noong isang taon para maipasa ang Electric Power Industry Reform Act.
Lacson, kinasuhan ng NBI
Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng perjury (pagsisinungaling sa sinumpaang salaysay) si Sen. Panfilo Lacson noong Agosto 16 kaugnay ng mga lihim na mga bank account nito sa US. Ayon sa NBI, ang mga ito ay may kabuuang halagang $1.37 milyon (humigit-kumulang P52.7 milyon).
Hindi isinama ni Lacson sa kanyang statement of assets and liabilities ang tunay na halaga ng kanyang mga ari-arian sa nakaraang limang taon.
Tagapangulo ng BIR, nagbitiw sa pwesto
Nitong Agosto 20, nag-bitiw si Rene Ba�ez bilang pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Isinisisi sa kanya ang mababang koleksyon ng buwis nitong nakaraang mga buwan na siya umanong pangunahing dahilan ng paglobo ng depisit sa pambansang badyet. Isinisisi naman ito ni Ba�ez sa ilang upisyal na sadya raw naglimita sa koleksyon para sa taong ito.
Matagal na ang alitan nina Ba�ez at ng mga empleyado ng BIR. Pangunahing tinututulan ng mga empleyado ang balak na "reporma" ni Ba�ez na nakasaad sa panukalang Internal Revenue Management Authority (IRMA) na ipapalit sa BIR. Ang IRMA ay patatakbuhin kapwa ng gubyerno at pribadong sektor. Ang mamumuno rito ay bibigyan ng malawak na kapangyarihang kumuha at magtanggal ng mga kawani at magbigay ng mga insentibo ayon sa rekord ng isang kawani. Iginigiit ng mga empleyado na gagamitin lamang ni Ba�ez ang IRMA upang ipagkait ang kanilang karapatan sa seguridad sa trababo at sipain sa serbisyo ang 6,000 kawani sa ngalan ng "paglilinis ng burukrasya". Nangangamba ang mga empleyado na hindi igagalang ni Ba�ez kahit ang kanilang mga karapatan sa karampatang kompensasyon at mga benepisyo sa pagreretiro.
Gubyernong U.S., idinemanda
Nagsampa noong Agosto ng class suit laban sa gubyernong US ang mga Amerikanong nakulong sa mga concentration camp ng mga pasistang pwersang Hapones sa Pilipinas noong 1941-45. Isinampa ang kaso nang matuklasang sadyang hindi nag-isyu ng mga pasaporte at iba pang dokumento ang US noong 1941-43 upang hindi makaalis ang may 12,000 Amerikanong sibilyan na noo�y nakatira sa Pilipinas. Ginamit ng US bilang tuntungan sa desisyon nitong digmain ang Japan ang inasahang pang-aabuso ng mga Hapones sa naturang mga sibilyan.
Kaso laban sa Exxon Mobil, ipinababasura ng U.S.
Tinatangka ng US Department of State na ipabasura ang demanda ng 11 indibidwal mula sa prubinsya ng Aceh sa Indonesia laban sa Exxon Mobil, isang higanteng Amerikanong kumpanya ng langis.
Ayon sa mga nagsampa ng demanda, pinondohan at inatasan ng Exxon Mobil ang mga pwersang militar ng Indonesia na magsagawa ng mga pamamaslang, panonortyur at panggagahasa laban sa mamamayan ng Aceh noong dekada 1990 upang protektahan ang operasyon ng kumpanya sa prubinsya. Ang Exxon Mobil ay nagmimina ng natural gas sa Aceh.
Ayon sa US State Department, makasasama sa interes ng US at sa "kampanya laban sa terorismo" kung itutuloy ang kaso.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|