Ka Elena, kumander
Katulad ng kapwa niyang mga aping Isneg, namulat sa karalitaan si Ka Elena. Iniluwal siya sa mga anino ng Marag Valley. Sa murang edad, ginamay ng kanyang mga paa ang pagbagtas ng mga landas sa pusod ng kagubatan. Ang kanyang mga palad ay pinagaspang ng paglilinis at pagpapayaman sa kabundukan. Pinatatag ang kanyang katawan ng pagpasan ng saku-sakong mga saging at kamoteng kahoy.
Madaling naunawaan at niyakap ni Ka Elena ang layunin ng rebolusyonaryong kilusan noong mga unang pagkakataong pinakinggan niya ang mga pagpapaliwanag ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 1982. Sumapi siya sa organisasyon ng kabataan sa kanilang lugar. Makaraan ang ilan pang taon, boluntaryo siyang sumapi sa BHB kung saan hindi lamang siya nakilala bilang mahusay na mandirigma, umunlad pa siya bilang mahusay na kumander.
Bilang Pulang mandirigma, kinatangian si Ka Elena ng linaw ng isip, tapang, liksi at lakas ng katawan at kaalaman sa taktika sa gitna ng mga labanan. Bilang kumander, napamumunuan ni Ka Elena ang mahusay na pagmamaniobra ng mga Pulang mandirigma upang ipagtagumpay ang mga taktikal na opensiba ng yunit nila, iligtas ang yunit kahit sa pinakagipit na mga sitwasyon at makapagsagawa ng mga kontra-opensiba.
Isa si Ka Elena sa magigiting na mandirigma na sumuong sa pinakamalulupit na operasyon ng kaaway noong dekada 1980 sa Cagayan Valley. Kabilang siya sa piling mga mandirigmang naging bahagi ng isang espesyal na yunit ng BHB sa Apayao noong kalagitnaan ng dekada 1980. Hinarap ng yunit na ito ang maraming laban habang binabagtas ang kabundukan mula Apayao tungong Isabela. Tulad ng kanyang mga kasama sa yunit, hindi pinanghinaan ng loob si Ka Elena sa kabila ng dinanas na mga kahirapan at sakripisyo, kabilang ang isang buwan nilang pagtawid sa kabundukan nang walang sapat na suplay ng pagkain at tubig.
Dinanas nila ang maraming pinsalang dulot ng maling patakaran ng adelantadong regularisasyon at ang ibinunga nitong malalaki at matitinding operasyon ng kaaway noong dekada 1980. Sa harap nito, nanatiling matibay ang rebolusyonaryong paninindigan ni Ka Elena. Higit pa rito, isa siya sa agad na yumakap sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at nagpatupad ng mga pagwawasto nang ilunsad ito noong dekada 1990.
Sa rumaragasang agos ng armadong pakikibaka, nakilala at minahal ni Ka Elena si Ka Paeng, isa ring mahusay na kumander ng BHB. Sa pusod ng mga kabundukan ng Cagayan Valley, pinagtibay sa kasal noong 1986 ang kanilang pagmamahalang iniluwal ng digmang bayan. Ang dalawa nilang anak ay lumaki sa piling ng masa at kinalinga ng pagmamahal ng kanilang mga magulang.
Iginagalang at hinahangaan bilang isang babaeng mandirigma si Ka Elena. Sa mga labanan, pumapaibabaw ang kanyang matining na boses upang basagin ang anumang pangamba ng mga kasama at idirihe ang mga maniobra ng yunit. Kapag naririnig ang kanyang boses, karaniwang kinukutya ito ng kaaway: "Babae lang," anila. Subalit di malao'y ang pagmamaliit nilang ito'y pinapalitan ng takot sa ipinapakitang husay at tapang ni Ka Elena bilang isang kumander.
Dumaan si Ka Elena sa maraming pagsasanay. Kabilang dito ang noo'y Abanteng Kursong Pangmilitar. Nagsanay din siya sa mga maniobrang kumando, isnayping at taekwondo.
"Sa lahat ng pagkakataon, nais kong ipakita na kaya rin naming mga babae na gampanan ang mga gawain sa Hukbo," ani Ka Elena. "Sa partikular, nais kong ipamukha sa kaaway na kaya naming mga rebolusyonaryong babae na labanan sila."
Talagang hindi aatras si Ka Elena, maging sa tagisan ng lakas. Minsan, habang bitbit niya ang kanyang baril sa isang kamay, binitbit din niya sa kabilang kamay ang isang mabigat na radio transceiver na nasamsam nila sa isang maigting na labanan. Noong walong buwang buntis sa bunsong anak, mag-isa niyang iniahon sa mataas na bundok ang limampung pirasong delata at iba't ibang kagamitan.
Ang kanyang pagiging babae ay importanteng bahagi ng pagharap ng hukbo sa masa. Bagamat madalas pa rin siyang sinasalubong ng pag-aalangan ng iba ("kababae mong tao�" paalala nila), madali rin itong napapawi oras na maipakita ng mga kasama sa masa ang respeto, pantay na karapatan at partikular na pagturing sa kababaihang gerilya.
Ang kaalaman at husay sa gawaing militar ni Ka Elena ay palagiang binibigyang-pansin at pinahahalagahan ng mga kasama. Matapos ang ilang taong panunungkulan sa espesyal na yunit ng BHB, itinalaga si Ka Elena sa iba't ibang mga gawain. Saan man siya italaga, lubos na pinakikinabangan ang kanyang karanasan at kaalamang militar at mga natutunan na rin niya sa iba't iba pang gawain. Sa pagtulong niya ngayon sa pagsasanay ng mga bagong mandirigma, ang kanyang makulay na karanasan ay nagsisilbing inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Pulang mandirigma, laluna sa kababaihan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|