Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Labanan ang pasistang terorismo ng estado!

Pahayag ng Komiteng Tagapagpaganap
ng Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Abril 25, 2005

Mula huling kwarto ng 2004, ibayong pinaigting ng papet at pasistang rehimeng US-Arroyo ang pandarahas at paninibasib nito sa ligal na demokratikong kilusan at sa kinakatawan nitong mga manggagawa, magsasaka, kabataang estudyante, mga kawani, propesyunal at iba pang lumalaban sa pambubusabos, pang-aapi, kabulukan at pagkapapet ng rehimen. Sa utos ni Arroyo at mga imperyalistang amo nito, parang mga asong ulol na namamaslang at nandudukot ang mga death squad ng AFP. Ang brutalidad na kasalukuyang inihahasik nito ay kabilang na sa pinakamalupit sa kasaysayan ng bansa. Walang pakundangan nitong nilalabag ang mga karapatang-tao, internasyunal na makataong batas at mga pormal na komitment ng papet na estado, gaya ng CARHRIHL.

Taliwas sa nais palabasin ng AFP, malinaw sa padron ng mga pagpatay at pagdukot na ang mga ito ay hindi hiwa-hiwalay na gawa-gawa ng mga grupong vigilante. Isa itong sentralisadong kampanya na inorganisa at pinondohan sa pinakamataas na antas ng pamunuan ng AFP at papet na estado.

Pambansa ang saklaw, mahigpit ang koordinasyon at malinaw ang pokus ng mga pag-atake. Karamihan sa mga ito ay ipinatupad ng mga yunit sa ilalim ng Philippine Army bagamat sangkot din ang iba pang yunit ng AFP. Nakakonsentra at pinakamasahol ang mga pagpaslang at pagdukot sa mga lugar na tinukoy na prayoridad ng pambansang pamunuan ng AFP. Dito ibinubuhos ng AFP ang mga tropa at lohistika nito. Sa mga lugar din na ito pinakakonsentrado ang mga kampanya at operasyong militar. Ganito ang ginawa ng AFP sa Mindoro at Southern Tagalog noong 2001-2004 at sa Central Luzon mula ikalawang hati ng 2004. Kaakibat ng mga pagpatay ang pinaigting na pagmamanman, pananakot at panggigipit. Pinag-iibayo rin ng AFP ang anti-komunistang paninira na pinamumunuan ng mga kilalang upisyal at yunit ng mga batalyong impantri at yunit paniktik.

Ang mga pumapatay at dumudukot ay sagana sa pondo, sasakyan, sandata at tauhan at hindi nangingiming sumalakay kahit sa mga lugar na malapit sa mga detatsment at kampo ng PNP at AFP. Awtomatikong itinatanggi ng AFP ang kanilang pananagutan sa mga pagpatay. Sadyang nakapang-iinsulto sa talino ng publiko ang walang kaabug-abog na pagsisinungaling ng mga upisyal militar: sa ilang kaso'y pilit na pinalalabas na BHB ang nasa likod ng mga pasistang krimen, habang sa ibang kaso nama'y mga �anti-komunistang grupong vigilante� ang kanilang idinidiin.

Malinaw ang basbas ni Arroyo, hindi lamang sa pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa mga kahayupang nagaganap, kundi pati sa pagpapabuya sa mga pinakamasahol na mga pasistang berdugo gaya ni Jovito Palparan.

Tila walang pagkatighaw ang pagkauhaw sa dugo ng mga sagadsaring papet at pasista. Hindi tumitigil sa pagbabanta ng higit pang pasistang karahasan at panunupil ang mga kagaya nina Norberto Gonzales, Angelo Reyes, Efren Abu, Romeo Dominguez at Jovito Palparan. Iginigiit ng papet at pasistang rehimen ang pag-apruba sa batas na �anti-terorismo� na pormal na maglilimita sa mga kalayaang sibil sa ngalan ng �gera laban sa terorismo.� Sa kabila ng salungat na pasya ng Korte Suprema at malawak na pagtutol, ipinipilit nito ang pagpapairal ng sistema sa pambansang ID sa pamamagitan ng kautusang ehekutibo para sa mas mahigpit na pagmamanman sa mamamayan at pagkontrol sa kanilang kilos. Itinutulak ang pagbabawal sa paglalathala o pagsasahimpapawid ng mga pahayag ng mga diumano�y �terorista�.

Sunud-sunod ang paglapastangan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Una na rito ang pagtanggi ng rehimen na igalang at ipatupad ang iba�t ibang kasunduan at lantarang pakikipagsabwatan sa imperyalismong US sa paglilista sa Partido, BHB at punong konsultant pampulitika ng peace panel ng NDFP bilang �teroristang internasyunal.� Iniinsulto nito ang NDFP sa pamamagitan ng paggigiit na tahasang sumurender ito at pagbabanta sa buhay ng pangkalahatang abugado ng peace panel nito na si Atty. Romeo Capulong. Ang paghahasik ng pasistang terorismo at pagpapaigting ng dayuhang interbensyong militar mismo ay mga lansakang paglabag sa pundamental na diwa at malinaw nang mga napagkasunduan ng dalawang panig. Nangingibabaw sa tuktok ng papet na estado ang pananaw na sumasalig sa solusyong militar at pasistang terorismo para wakasan ang armadong labanan sa loob ng bansa at patahimikin ang sambayanang labis nang ligalig. Hindi dapat maliitin ang mga satsat ni Norberto Gonzales at mga kasabwat niya tungkol sa mas malalaki pang asasinasyong pulitikal.

Muling namamayani ngayon ang patakaran ng paggamit ng kamay na bakal ng papet at reaksyunaryong estado. Ang mga liberal demokratikong palamuting iginayak sa paghaharing malaking kumprador at malaking panginoong maylupa pagkatapos mapabagsak ang pasistang diktadurang US-Marcos�bagamat marupok mula�t sapul at patuloy na natatapyasan sa paglipas ng mga taon�ay lalo pang pinagpupunit-punit ng riyalidad at patakaran ng rumaragasang pasistang terorismo at panunupil. Kahit walang pormal na deklarasyon, pinaiiral ang pasistang paghaharing militar sa buong kapuluan laban sa malalawak na seksyon ng lipunan na nagpuprotesta at sumasalungat sa arbitraryong pagbabansag sa kanila bilang mga �terorista� at kaaway ng estado at sa lahat ng sumusuporta at sumisimpatya sa kanila. Ito ay panibago na namang pihit sa patuloy na pagkabulok at pagsahol ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa harap ng hindi mapigil na paglala ng krisis sa ekonomya, mabilis na tumitinding pagkakahiwalay ng naghaharing rehimen, malubhang diskuntento ng masa ng sambayanan at patuloy na paglakas ng armadong rebolusyon�isinasangkalan ng naghaharing papet at pasistang pangkating Arroyo ang banta ng terorismo ng Abu Sayyaf upang magsagawa ng sarili at mas malawakang pasistang terorismo para paralisahin sa takot ang karaniwang mamamayan, magbunsod ng todo at maruming digma laban sa rebolusyonaryong kilusan, at patahimikin pati ang kanilang mga reaksyunaryong karibal sa pulitika. Sa pangungunyapit sa kapangyarihan at burukratikong kulimbat, ang naghaharing pangkatin ay naghahasik ng pasistang lagim at nakikipagsabwatan sa imperyalismong US sa pagpapatindi ng dayuhang interbensyong militar.

Imperyalismong US ang pangunahing tagasulsol ng rumaragasang pasistang terorismo ng papet na estado. Katunayan, nauna pa ang US sa pangkating Arroyo sa pagsangkalan sa kalat-kalat na terorismo ng Abu Sayyaf para bigyang-matwid ang kanilang papatinding interbensyong militar. Tuwing may bagong Balikatan at may bagong dating na pulutong ng mga tropang Amerikano, halos palaging kasabay na muling sumusulak ang banta ng Abu Sayyaf (na napakaraming ulit nang idineklarang malapit nang madurog) at ang walang tigil na �anti-teroristang� pag-iingay.

Ang US, sa pamamagitan pangunahin ng embahada at Pacific Command nito, ang Malakanyang at AFP ang nangunguna sa korus ng �anti-teroristang� pananakot at pagtutulak ng mabagsik na kampanya at mga restriksyon. Para bigyang-matwid ang pagpapalawak hanggang Luzon ng interbensyong militar na inumpisahan sa timog-kanlurang Mindanao, tusong isinangkalan ng US ang �anti-terorismo� at pagbibigay ng �ayudang makatao� sa mga sinalanta ng bagyo at

pagguho ng lupa sa Quezon at Aurora. Ginamit nilang dahilan ang seguridad ng mga tropang Amerikano para tambakan ng mga tropang papet ang kahabaan ng Sierra Madre sa Central at Southern Luzon at bigyang-daan ang ibayong pagtindi ng pasistang terorismo sa mga bahaging ito at kalapit na lugar. Ang pag-igting ng pasistang terorismo sa Bicol, bukod sa pagdalas ng pagbisita ng mga upisyal militar ng US dito para diumano sa mga proyektong �kawanggawa� (humanitarian assistance), ay malinaw na preparasyon din sa panghihimasok ng mga tropa ng US sa rehiyon.

Bakas na bakas ang lagda ng US sa �anti-teroristang� saywar at maruming gera na kasalukuyang inihahasik ng AFP at papet na rehimeng US-Arroyo. Nariyan ang madugong pang-iintriga laban sa mga pwersang progresibo at anti-imperyalista, ang paggamit ng mga death squad bilang sentro ng mga operasyon ng papet na hukbo at makinaryang paniktik at ang walang patumanggang pananalasa at pangwawasak. Kasabay nito ang pakyawang paglapastangan sa batas at makatarungang proseso habang walang-kahihiyang nagmamalinis at nagmamagaling. Tatak ito ng maruruming taktika ni John Negroponte, kasalukuyang hepe ng US National Counter-Terrorism Center, at ng Central Intelligence Agency ng US sa Nicaragua, El Salvador, Honduras at Guatemala noong dekada 1980; Operation Phoenix noong maagang bahagi ng dekada 1970 sa Vietnam; at Operation Gladio sa Italy at Europe pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bago ang kasalukuyang bugso ng pasistang terorismo ng AFP at papet na rehimeng US-Arroyo, nalantad ang pagkasa ng US ng �Salvadoran Option� sa gerang �anti-terorista�: ang pagbubuo at pagtatalaga ng mga sikretong grupong paniktik at hit squad sa Pilipinas at iba pang bansa. Ang mga ito ay hindi nagpapakilalang sundalo ng US at hindi laging mamamayan ng US. Pangunahing stungkulin ng naturang mga grupo ang mag-espiya, tumukoy ng target na mga �terorista� at simpatisador nila, at magsagawa ng mga �pagtira�. Sikretong binuo at ipinatutupad ng Pentagon ang programang ito labas na sa superbisyon ng Kongreso ng US.

Itinutulak ng US ang pagbabasura ng negosasyong pangkapayaan ng GRP-NDFP at GRP-MILF at ang pagpapatindi ng mga kontra-rebolusyonaryong kampanyang militar. Ang pangunahing interes nito ay paigtingin ang interbensyong militar, palakasin ang imprastruktura para sa mga pwersang militar nito, umabante mula sa kasalukuyang pumasok sa bansa at gumamit ng mga pasilidad (access rights) tungo sa karapatang magbase at sa gayo�y palakasin ang Pilipinas bilang base para sa agresyon sa East Asia. Kontrol sa pagkukunan ng langis at natural gas, pamamayani sa isang pangunahing sentro ng ekonomyang internasyunal, at paghadlang sa pag-angat ng China bilang dominanteng kapangyarihan�ang nasa kaibuturan ng pagpapalakas sa militar ng US sa Pilipinas at East Asia. Esensyal sa estratehiya ng US ang patuloy na paglikha ng tensyon kung saan wala, ang pagpapaigting nito kung saan kulang, at ang maksimum na pagsasamantala sa alimpuyo ng mga gulo sa rehiyon.

Ang pagpapaigting ng pasistang terorismo ng papet na estado na direktang kaugnay ng pinapaigting ding dayuhang interbensyong militar ay desperadong hakbang ng patuloy na gumuguhong papet, pasista at reaksyunaryong paghahari ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Pero sa halip na lutasin, lalo lamang nitong paglalagablabin ang napakalala nang krisis sa ekonomya at pulitika ng bulok na naghaharing sistema. Ang pinatinding pang-aapi kakabit ng walang habas na panghuhuthot at pambubusabos ay nagtutulak sa malawak na masa ng sambayanan na tumindig at lumaban.

Ang pinag-ibayong kontra-rebolusyonaryong kampanya at pananalakay ay malaking hamon sa Partido at mga pwersang progresibo. Layunin nitong magdulot ng matinding pinsala sa hanay ng mamamayang lumalaban. Ngunit sa pamamagitan ng puspusang paglaban, ubos-kayang pagsusulong ng mga pakikibakang armado at di-armado, iligal at ligal sa patnubay ng linya ng demokratikong rebolusyong bayan at matagalang digmang bayan, ang pagpapaigting ng mga pasistang atake ay bubwelta rin sa kaaway. Inuudyok nito ang matinding galit ng mamamayan at itinutulak silang isulong ang rebolusyon sa panibago at mas mataas na antas tungo sa estratehikong pagpapahina sa reaksyon.

Mahigpit na tungkulin ng Partido na pamunuan ang malawak na masa ng sambayanan sa pakikibaka sa labis-labis na pambubusabos, pasistang terorismo at dayuhang interbensyong militar. Buong tatag na pamunuan ang pakikibaka ng masang malaon nang hinuhuthutan at inaapi upang ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong kapakanan at karapatan at papagbayarin nang mahal ang papet at pasistang rehimen, gayundin ang imperyalistang amo nito. Mahigpit na iugnay ang pakikibaka laban sa pasismo sa mga pakikibaka laban sa pambubusabos at dayuhang interbensyong militar. Buuin ang pinakamalawak at pinakamalakas na kilusan at nagkakaisang prente para ibagsak ang papet at pasistang rehimeng US-Arroyo at itaguyod ang pambansang kalayaan at demokrasya.

1 Magpursigi sa ligal na pakikibakang masa at igiit ang pagsusulong ng ligal na demokratikong kilusan�habang pinalalawak at pinalalakas ang kilusang lihim.

Pangunahing layunin ng mga pasistang atake ang idiskaril at supilin ang ligal na demokratikong kilusan�sugpuin ang kilusang protesta, idiskaril ang mga organisasyong masang militanteng nagtatanggol sa kapakanan ng mamamayan, patahimikin at paralisahin sa sindak ang mamamayang ligalig sa krisis, tugisin ng bala ang mga progresibong partido at elementong hindi nakayang talunin sa pandaraya, pananakot at terorismo noong nakaraang eleksyon, at pigilan silang muling manalo sa susunod na reaksyunaryong eleksyon. Sa gayon, tantya ng sagadsaring papet at pasistang rehimen na mas maluwag nitong mapipiga ang mga uring pinagsasamantalahan at magagawa ang mas masahol pang mga kabuhungang pasista nang walang pangamba ng ganting-sikad sa pulitika. Balak nitong gawin sa buong kapuluan ang madugong kampanya ng panunupil na isinagawa nito sa Mindoro.

Hindi dapat magpasindak sa mga pasistang terorista. Sa halip, buong tapang na patindihin ang mga protesta at pakikibakang masa ng mga manggagawa, magsasaka, malamanggawa, kabataang-estudyante, mga empleyado, maliliit na propesyunal at iba pang demokratikong uri at saray. Ang mga tagumpay sa mga pagbubunsod ng mga protesta at pakikibakang masang nagtatamasa ng pinakamalapad na suporta at paglahok ng masa ang pinakamatibay na kalasag at pinakamabisang sandata laban sa pasistang pandarahas.

Upang pangibabawan ang pananakot, panlilinlang at paninikil ng papet at pasistang rehimen, kailangan ang higit ding pagsisinop at pagpapaunlad sa pag-oorganisa, pagpukaw, paghahanda at pagpapakilos sa masa. Ang mas malupit at mas hibang na pasistang pandarahas ay madadaig lamang ng ibayong laki, kapal at tapang ng mga protesta at pakikibakang masa. Dapat magsikhay upang lutasin ang mga sagka at problema sa malawakang pag-oorganisa sa masa at pagpapalakas ng mga protestang masa.

Kailangang militanteng igiit ng mga ligal na demokratikong pwersa ang kanilang katayuan at mga karapatang naipagwagi sa nakaraan. Marami silang matututunan sa magigiting na pakikibaka ng mga progresibong pwersa sa Mindoro at Southern Tagalog. Ang lahat ng paraang ligal at tradisyunal ay ginamit upang igiit ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa sama-samang pag-oorganisa at pagkilos at malayang pagpapahayag. Kailangan nilang puspusang kontrahin ang mga paninira, kasinungalingan at pananakot sa mga ligal na organisasyon at pagkilos. Kailangan nilang ilantad, tuligsain at ihingi ng katarungan ang bawat kaso ng pasistang panggigipit at pananalakay. Tuluy-tuloy na ilantad at tuligsain ang mga pinakamasahol na pasistang berdugo.

Ang mga ligal na organisasyon ay obligadong sumalig sa mga ligal at depensibong paraan para ipagtanggol ang kanilang sarili. Pero hindi ito nangangahulugan ng kumpletong kawalang-laban sa mga pasistang pang-aatake. Kailangan silang matuto at magpaunlad ng mga pamamaraang akma sa ligal na demokratikong kilusan. Ang kanilang mga sensitibong impormasyong internal ay kailangang ipagkait sa mga pasistang pwersa. Kailangan ang pagmamasid at pangangalaga laban sa pananabotahe at panggugulo. Kailangan nilang magpundar ng sistema ng pagkilos at komunikasyon at lambat ng suporta na isinisikreto sa mga pasista upang saluhin ang sinuman sa kanila na nasa peligrong dukutin, pahirapan o patayin ng kaaway.

2 Paigtingin ang pakikidigmang gerilya at pakikibakang antipyudal sa kanayunan.

Pinatatampok ng pananalasa ng pasis tang terorismo at dayuhang interbensyong militar ang pangangailangan at estratehikong halaga ng matagalang digmang bayan. Dapat paigtingin ang pakikidigmang gerilya at palaganapin at padalasin ang mga taktikal na opensiba upang lipulin at disarmahan ang mga pwersang papet at pasista, gayundin ang mga tropang Amerikano na direktang sumasalakay sa mga rebolusyonaryong pwersa. Hindi masasalag at mabibigo ang terorismo at brutal na gera ng papet at pasistang estado kung walang malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya kasabay ng malawak at matinding mga protesta at pakikibakang masa.

Bukod sa mga batayang taktikal na opensiba para lipulin at disarmahan ang kaaway na mga tropa, kailangang isagawa ang mga espesyal na taktikal na opensiba. Layunin ng huli ang idiskaril ang mga operasyong militar at pasistang panunupil ng kaaway. Maaaring arestuhin at alisan ng kakayahan ang pinakamasahol na mga pasistang berdugo at kriminal maging sa kanilang mga kuta sa kalunsuran.

Habang nauulol sa kabuhungan at brutalidad ang mga pwersang papet at pasista, kailangan namang lalong magsinop ang BHB sa pagtalima sa mga alituntunin sa digma kabilang ang makataong pakikitungo sa mga bihag, mga sumusuko at wala nang kakayahang lumaban. Kailangang ipakita sa lahat ang ganap na pagkakaiba ng patriyotiko at demokratikong katangian ng BHB sa papet at pasistang katangian ng reaksyunaryong AFP at PNP upang lalong ihiwalay ang mga pwersa ng kaaway. Kailangang patuloy na abutin at organisahin ang mga elementong patriyotiko, demokratiko at sinsero sa loob ng AFP at PNP.

Kailangang palawakin at palakasin ang kilusan at pakikibakang antipyudal sa kanayunan at ang iba pang kampanya at pakikibakang masa ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Ilang ulit na mas masahol sa kanayunan ang pasistang terorismo ng estado kumpara sa kalunsuran. Kailangang palakasin ang kilusang lihim at paunlarin ang lihim na pagkilos sa mga baryo laluna sa saklaw ng mga baseng gerilya. Kailangang malawakang buuin ang mga yunit milisya at mga kwerpo sa pagtatanggol-sa-sarili para magbantay at tumulong sa pagsugpo sa mga espiya ng kaaway, sa pinakamasahol na kontra-rebolusyonaryo at karaniwang mga kriminal.

Sa harap ng pag-igting ng pasistang terorismo, mga kampanya at operasyong militar ng papet na hukbo at dayuhang interbensyong militar, kailangang higit pang magpakahusay sa mga taktikang gerilya at mas sinupin ang pangangalaga sa seguridad ng mga pwersang gerilya. Mahigpit na ipatupad ang mga tuntunin sa seguridad sa paggamit ng mga kagamitang elektroniko at sa pangangalaga ng mga sensitibong impormasyon.

Masikhay na paunlarin at tupdin ang mga rekisito sa pulitika, militar, organisasyon, ekonomya at kultura para sa pagsusulong ng digmang bayan tungo sa panggitnang bahagi ng estratehikong depensiba.

3 Kabigin ang pinakamarami at ihiwalay at labanan ang pinakamakitid na target: ang naghaharing rehimeng US-Arroyo at ang mga sagadsaring papet at pasistang galamay nito.

Kritikal sa pagbigo sa pasistang terorismo at dayuhang interbensyong militar ang ibayong pagpapalawak sa nagkakaisang prente at paghihiwalay sa papet at pasistang rehimen. Tinatarget ng pamamaslang, pananakot at panggigipit hindi lamang ang mga organisadong progresibong pwersa kundi maging ang mga alyado at simpatisador nila. Sa kanayunan, matinding binabantaan ang mga lokal na upisyal at mamamahayag na mapagkaibigan o di kaya�y nagbibigay ng patas na puwang sa mga progresibong pwersa. Sa pamamagitan ng dahas at kalupitan, tinatangka ng papet at pasistang rehimen na alisan ang mga progresibong pwersa ng malawak na ugnay at impluwensya sa masa.

Kailangang makipaggitgitan sa mga pasista para ipagtanggol at panatilihin ang pinakamalawak na ugnay sa mga patriyotiko, demokratiko at makapagkaibigang pwersa at elemento sa lahat ng antas. Kailangang higit pang pahigpitin ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga kaibigan at tagasuporta at gamitin ang lahat ng pamamaraang pulitikal, ligal at ekstraligal para labanan ang mga pasistang atake sa kanila.

Kailangang mas maluwag pang ibukas ang pinto sa pakikipagkaisa sa pinakamalapad na posibleng hanay ng mga pwersang patriyotiko, demokratiko at makapagkaibigan at ituon ang pinakamalakas na bigwas sa pinakamasahol na target. Ang mga ligal na progresibong organisasyon at alyansang sektoral at multisektoral ay dapat mag-ukol ng partikular na pansin sa pagpapalawak at pagpapalakas ng gawaing alyansa sa loob at labas ng kani-kanilang sektor at saklaw. Lumalawak araw-araw ang hanay ng mga propesyunal at intelektwal, mga taong simbahan, peryodista at brodkaster, iba pang sektor ng petiburgesyang lunsod, at mga panggitnang burgesya, na napupukaw, tumitindig at nagpapahayag laban sa napakalalang krisis sa ekonomya, talamak na korapsyon at kabulukan, mga pasistang kabuhungan at lansakang paglapastangan sa pambansang interes at soberanya. Dapat engganyuhin ang kanilang paglaban, kunin ang kanilang suporta para sa pakikibaka ng batayang masa at palakasin ang pakikipagtulungan sa kanila. Sa gayon, ibayong mapapatindi ang pagkakahiwalay ng papet at pasistang rehimen.

Ang mga grupo at elementong sagadsaring anti-Komunista at anti-Partido�-kung hindi man tahasang naging papet at pasista mismo dahil sa kanilang panatikong pagkamuhi sa komunismo at sa Partido�-ay tuwiran at di tuwirang nakikipagtulungan sa mga sagadsaring papet at pasista sa paninibasib sa mga tunay na progresibong pwersa. Walang batayan para sa pakikipagkaisang prente sa kanila. Walang pinagkakaabalahan ang mga ito kundi ang anti-Partidong paninira at pananabotahe.

Habang ipinaglalaban ng mga progresibong ligal na partido ang kanilang katayuan at mga karapatan, kailangang paghandaan din nila ang mas masahol pang mga pasistang pakana sa pag-iligalisa at pag-atake sa kanilang hanay. Anuman ang mangyari, kailangang patuloy na mas palawakin ang mga pamamaraan at taktika para makapagpapasok ng mas maraming progresibo sa iba�t ibang antas ng makinarya ng papet na estado.


Download PDF file

 


 Back to top 

25 Abril 2005
Edisyong Pilipino


Labanan ang pasistang terorismo ng estado!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.