Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal - Kleptokrasya at ang bulok na naghaharing sistema:
Ang Pangit na Mukha ng Burukratang Kapitalismo sa Rehimeng Estrada

 Read this article in English

Dahil atrasado at malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas, ang pangangalaga at pagpapalago ng interes sa ekonomya ng mga naghaharing uri ay mapagpasyang nakatali sa kanilang pampulitikang kontrol o impluwensya sa gubyerno at burukrasya. Ang burukratang kapitalismo ay kaakibat ng imperyalista at pyudal na pagsasamantala at pagpapahirap sa sambayanan.

Umiiral ang kleptokrasya (sistema ng gubyernong pinatatakbo ng mga magnanakaw) sa ilalim ng rehimeng burukratang kapitalista. Batbat ng korupsyon, palakasan, pagluto ng mga kontrata at iba pang bulok na gawi ang burukrasya lalung-lalo na ang pinakamatataas na upisyal nito.

Walang saligang pagkakaiba sa bagay na ito ang magkakasunod na rehimeng Marcos, Aquino, Ramos at Estrada. Sumasahol lamang nang sumasahol ang mga kaso ng pagnanakaw. Lalong nagiging garapal ang paggamit sa poder para magkamit ng mga bentahe at pribilehiyo sa negosyo at kabuhayan. Sa isang banda, ito�y dulot ng tuluy-tuloy na pagdausdos ng ekonomya. Sa kabilang banda, ang lalong pagsahol ng mga operasyong burukratang kapitalista ay ibayong nagpapalubha ng krisis sa ekonomya.

Ang mga mananaliksik mismo ng pamahalaan ay tumatayang aabot sa $48 bilyon (mahigit P2 trilyon) ang ninakaw ng mga burukrata sa gubyerno sa nakaraang 20 taon.

Sa Ilalim ng Rehimeng Marcos

Sa ilalim ng mahigit isang dekadang lantarang pasistang paghaharing diktador ng pangkating US-Marcos, ang kapangyarihan at impluwensya ng estado ay minonopolisa at walang pakundangang ginamit sa pangungulimbat at pagpapayaman ng pamilyang Marcos at mga kasapakat nito.

Lumaki nang ilang ulit ang utang ng Pilipinas sa mga dayuhan habang patuloy na lumalalim ang pagkakasadlak ng bayan sa kahirapan at kawalang-pag-unlad. Bilyunbilyong dolyar ang pinagpasasaan at nilustay ng pamilya at pinakamalalapit na kroni ni Marcos. Ang mga dayuhang utang na ito ay ginarantiyahan ng gubyerno at ngayo­y pinapasan ng sambayanang Pilipino. Isang halimbawa ang Landoil Inc. at mga subsidyaryo nito na pag-aari ni Jose de Venecia na nakinabang sa P3.134 bilyong pautang ng gubyerno. Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), mahigit P1.1 trilyon ang kinulimbat sa gubyerno sa ilalim ng diktadurang Marcos. Kinumpiska ng diktadura ang mga pag-aari ng mga kalaban nitong malaking kapitalista at pinairal ang monopolyong paghahari sa negosyo ng mga kasabwat nito. Nagpataw ang diktadura ng napakaraming pabigat na buwis sa mamamayan upang punan ang sinaid nilang kaban ng bayan. Tulad ng coco levy fund (na pwersahang nagkaltas ng 10% mula sa kita ng mga maliit na magsasaka sa mga niyugan sa loob ng 10 taon), ang mga ipinataw na buwis na ito ay kinulimbat ng mga alipures ng diktadura.

... ni Aquino

Nang maluklok sa poder noong Pebrero 1986, agad iniutos ni Corazon Aquino ang pagbubuo ng PCGG para imbestigahin, litisin at bawiin ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos at mga kasabwat nito. Ipinailalim sa kontrol ng PCGG ang mga nakaw na pag-aari nina Marcos habang iniimbestigan at inihahanda ang kaso para sa paglilitis. Sinekwester ng PCGG ang ilang malalaking korporasyon, sapi at deposito sa bangko ng mga reaksyunaryong maka-Marcos.

Kung tutuusin, maaari sanang gamitin ni Aquino ang kanyang absolutong kapangyarihan na halaw sa "Freedom Constitution" upang kumpiskahin at ideklarang pag-aaring pampubliko ang lahat ng nakaw na yaman ng mga Marcos at alipures nila. Ang pagbubuo ng PCGG, kung gayon, ay isang kompromiso agad sa mga Marcos. Nagbigay-katiyakan ito sa mga Marcos na idadaan sa mga reaksyunaryong hukumang tadtad ng mga hinirang ng pinatalsik na diktador ang ultimong pagdidispusisyon sa mga ari-ariang ninakaw nila.

Kaya�t hanggang matapos ang administrasyon ni Aquino, wala ni isang kusing sa bilyun-bilyon pisong ninakaw ng mga Marcos ang naibalik sa mamamayang Pilipino. Hindi dinurog ng rehimeng Aquino ang kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika ng maganak na Marcos at mga alipures nila. Sa halip, pumasok ang PCGG sa mga maanomalyang kasunduang nagbalik ng mga pribilehiyong pang-ekonomya at pampulitika ng mga Marcos at mga alipures nila kapalit ng mga pabalatbungang pagbawi sa maliit na bahagi ng yamang ninakaw.

Ang pag-aatubili ng rehimeng Aquino ay hindi maihihiwalay sa sariling pagpipista at pagpapakasasa sa kapangyarihan ng mga burukratang kapitalistang maka- Aquino. Ginamit nila ang kanilang poder upang monopolisahin ang mga pabor at pribilehiyo sa mga kontrata, pautang at kaluwagang ipinagkakaloob ng gubyerno sa pribadong negosyo. Nag-unahan ang mga kamag-anak at kaibigan ni Aquino sa pagkontrol ng mga sinekwester na korporasyon, sapi at mga lupain ng mga Marcos. Ang mga pondong mula sa ayuda at mga bagong pautang galing sa Japan at Estados Unidos ay pawang pinadaloy sa mga piling negosyo ng mga kabilang sa tinaguriang Kamag-anak, Inc.

Sa ilalim ng rehimeng Aquino, naganap ang bagong paghahati ng mga reaksyunaryong uri sa nasasaid na biyenes ng naghaharing sistema. Nabuksan ang pinto para makapagpasasa rin ang mga reaksyunaryong napagkaitan sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naglaho ang lahat ng pangakong lilinisin ang katiwalian sa gubyerno. Nagsilbing palamuti lamang si Aquino para sa transisyon mula sa bulok na burukratang kapitalista at pasistang rehimen ni Marcos tungo sa mas bulok pang burukratang kapitalista at pasistang gubyernong wala si Marcos.

... at Ramos

Si Hen. Fidel Ramos ang kawing na nagdugtong ng pasistang diktadurang Marcos sa mga sumunod pang rehimen.

Nagpanggap si Ramos na kontra sa mga tagapagmana ni Marcos. Bilang presidente ng reaksyunaryong gubyerno, pinahintulutan ni Ramos ang pagbabalik ng pamilyang Marcos kasama ang bangkay ng dating diktador. Sa kanyang rehimen lalong isinaisantabi ang pagbawi sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Niluto ang mga kasunduan upang maibalik sa kontrol ng mga kamag-anak at alipures ni Marcos ang mga pagaari nilang negosyo at lupain. Noong Abril 1998, pinahintulutang mapasakamay muli ni Eduardo Cojuangco ang kontrol sa 20% ng sapi sa San Miguel Corporation na inangkin niya sa pamamagitan ng coco levy fund noong panahon ng diktadurang Marcos. Mula sa pagbawi ng kanilang yaman ay nahawan ang daan para sa kanilang rehabilitasyon sa pulitika. Naging kinatawan ng kongreso si Imelda at Bongbong Marcos, bukod pa sa ibang pulitikong maka-Marcos katulad nina Edgardo Angara, Joseph Estrada, Francisco Tatad, Rodolfo Albano, Blas Ople at marami pang iba.

Kabaligtaran ng pagmamalinis ni Ramos, sa ilalim ng kanyang rehimen naganap ang pinakamalalaking kaso ng katiwalian. Sinamantala ng mga burukratang kapitalista, malaking kumprador at dayuhang kapitalista ang programa sa pribatisasyon ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno upang kulimbatin ang primera klaseng mga lupain, estratehikong korporasyon at institusyong publiko katulad ng Fort Bonifacio, Philippine National Oil Company, Manila Waterworks and Sewerage System Philippine Airlines at Manila Hotel.

Niluto ang mga "public bidding" upang matiyak na mapupunta sa mga piling kaibigan ang mga kontrata sa bentahan. Katulad ng naganap sa iskandalosong PEA-Amari land deal, si Ramos mismo ang nakialam sa mga kontrata. Tinatayang P3 bilyong "lagay" ang ibinulsa nina Ramos, de Venecia, iba pang matataas na upisyal ng gubyerno at ng naghaharing partidong Lakas-NUCD.

Katulad rin ng mga alipures ni Marcos at Aquino, nabigyang-pabor ang mga "bata" ni Ramos sa mga pautang at pribilehiyo sa negosyo. Tinatayang aabot sa P100 bilyon ang ipinautang ng mga bangko ng gubyerno sa mga malaking negosyanteng malapit kay Ramos (tingnan ang talaan). Ang mga ito­y pawang kabilang sa tinaguriang "Team Philippines" na palaging kasama ni Ramos sa kanyang mga pagbibyahe sa labas ng bansa upang maghanap ng mga makakasosyong dayuhang kapitalista.

Krisis at ang Bulok na Gubyernong Estrada

Napakasidhi ng krisis ng naghaharing sistema. Dahil dito�y hindi maiwasang umalingasngas at sumingaw ang mabahong operasyon ng burukratang kapitalismo. Limitado na ang maaaring nakawin kaya�t lalong naguunahan, naggigitgitan at nag-aagawan ang mga burukratang kapitalista at mga paksyong reaksyunaryo para makakuha ng pinakamalaking hati sa yaman, propyedad at pribilehiyo.

Pinatutunayan ng panunumbalik ng mga Marcos na walang nagbago sa reaksyunaryong sistema. Ang paraan ng kanilang panunumbalik, na garapalan at walang pakundangan, ay manipestasyon ng sagad-sa-butong pagkabulok ng buong reaksyunaryong sistema. Nagpapatuloy at lalong sumasahol ang katiwalian at pangungulimbat ng mga burukrata sa kabang-yaman ng estado at pagpapasasa sa mga pribilehiyo kaakibat ng paghawak sa poder. Nakikisakay sa pagbatikos sa "pagbabalik" ng "kroni-ismo" ang mga reaksyunaryong nangangamba sa pagkawala ng kanilang prankisa sa burukrasya. Nanganganib ang kanilang interes sa garapalang paggamit ni Estrada sa poder.

Lahat ng ito­y nagaganap sa gitna ng napakalubhang krisis pang-ekonomya. Ayon sa ulat ng International Monetary Fund, $51 bilyon na ang dayuhang utang ng Pilipinas.Itinatayang aabot sa P40-P70 bilyon ang magiging depisit sa badyet ng gubyerno ngayong taon. Iilan na lamang ang iniwan ng gubyernong Ramos na pag-aaring pampubliko na maaaring ibenta upang magdulot ng panandaliang pag-alwan. Sa Asya, naluma na ang tinaguriang mga "bagong pamilihan" (emergent markets) at sumabog ang ilusyon ng kaunlarang pang-ekonomya. Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin ni Estrada ang patakaran ng denasyunalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon--mga patakarang nagsasadlak sa ekonomya sa ibayong krisis at ibayong nagpapahirap sa mamamayan.

Dahil sa kalubhaan ng krisis, magiging higit na iskandaloso ang pandarambong sa pondo ng gubyerno. Mas garapalang gagamitin ng mga reaksyunaryong nakaluklok sa poder ang burukrasya at impluwensya para makapagkamal ng yaman.

Mataba ang lupa para sa mga anomalyang mas masahol pa sa kaso ng PEA-Amari. Sinakmal na ni Cojuangco ang San Miguel Corporation. Kung hindi umalingasngas, tiyak na nakuha ni Manuel Villar, isa sa pinakamalaking tuta ni Estrada at bagong pinuno ng Kongreso, ang P1-bilyong pautang mula sa Social Security System para sa kanyang naghihingalong Manuela Corporation.

Kumikitid na ang puwang para sa mahinahong pagsasalusalo ng mga reaksyunaryo sa pondo at pribilehiyo ng estado. Ang krisis at kagarapalan ng bagong naghaharing pangkat ang magtutulak sa mga reaksyunaryong anti-Estrada na "subukan" ang bagong pangulo.

Ang mismong "pork barrel" (pondong nakalaan para sa proyekto ng mga kongresista na madalas kurakutin) ay tinatangkang alisin ni Estrada. Ginagamit itong mekanismo para payapang makapaghati-hati sa biyenes ang naghaharing uri. Sinasamantala ni Estrada ang galit ng mamamayan sa "pork barrel" at laganap na katiwalian sa kongreso. Pero ang ultimong layuni­y hindi ang pagpawi sa korupsyon kundi ang pagsentralisa nito sa Malakanyang. Kokontrolin ito ni Estrada sa pamamagitan ng kanyang direktang pamumuno sa Kagawaran sa Interyor at Lokal na Pamahalaan at mga palabigasang proyektong pang-imprastruktura.

Ibagsak ang Burukratang Kapitalismo!

Gayumpaman, pagdating sa mga saligang usaping panlipunan, nagkakaisa ang mga nagtutunggaling paksyon ng naghaharing uri. Ang kanilang agawan sa kapangyarihan ay di pumapawi sa pagkakaisa nilang pagsamantalahan at apihin ang sambayanan. Lahat sila­y masugid na tuta ng imperyalismong US.

Tulad ng lahat ng burukratang kapitalista, sa mamamayan lahat pinapapasan ni Estrada ang bigat ng krisis. "Maghigpit ng sinturon," aniya. Ngunit walang naghihintay na kapalit ang pagtitiis na nais niyang pasanin ng mamamayan. Balewala ang lahat ng pangako at pasiklab ni Estrada dahil maaga pa lamang ay ipinamalas na niya ang kanyang pagkapapet sa imperyalismo at kanyang idineklarang ipagpapatuloy ang mga umiiral na patakarang makadayuhan na pahirap sa mamamayan.

Walang maaasahan ang sambayanan sa isang gubyernong kumakatawan sa imperyalismong US at mga nagsasamantalang uri. Sa ilalim ni Estrada, higit na miserableng buhay ang naghihintay sa mamamayan. Pabigat at mapangwasak sa kabuhayan ng masa ang burukratang kapitalismo. Nagiging higit na kamuhi-muhi sa masang Pilipino ang naghaharing sistema. Sa harap ng nagugutom na mga manggagawa at magsasaka, garapalang pagpapakabundat ang inaatupag ng mga burukratang nasa poder.

Ibayong pinabubulok ng walang kahihiyang pagnanakaw at pangungulimbat ang naghaharing sistema. Mas pinalalalim nito ang hukay ng sarili nitong paglilibingan. Lalo lamang lumilinaw sa mamamayang Pilipino ang pangangailangang magpursige sa rebolusyonaryong pakikibaka upang lubusang mapawi ang kabulukan at mabago ang lipunan.

 


 Back to topNext article

09 Hulyo 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal - Kleptokrasya at ang bulok na naghaharing sistema:
Ang Pangit na Mukha ng Burukratang Kapitalismo sa Rehimeng Estrada
Erap para kay Danding
Sino ang tunay na kriminal?
Ang Tiwali at Bulok na AFP at PNP

Visiting Forces Agreement
Magmimistulang base militar ng US ang buong Pilipinas

Pasismo at Kontrarebolusyonaryong Dahas ng Estadong Neokolonyal
Rebolusyonaryong Kilusan sa Metro Manila
Muling Pagbubuo at Ibayong Pagsulong

Hinggil sa Usapin ng Pambansang Minimum na Sahod
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.