Pagtutol sa gera laban sa Iraq, lumalawak
Lumalawak ang pagtutol ng mamamayan ng daigdig sa planong agresyon ng US laban sa Iraq.
Sa London, kabisera ng United Kingdom, umabot sa 150,000 ang nagrali noong Setyembre 28 para tutulan ang balak ng US at UK na salakayin ang Iraq. Ang rali, na inorganisa ng Stop the War Coalition at ng Muslim Association of Britain, ang isa na sa pinakamalalaking demonstrasyong anti-gera sa kasaysayan ng Europe.
Tanda ng matinding di-pagsang-ayon maging ng mga upisyal ng UK sa mga mapanggerang patakaran ng gubyerno rito, nakiisa at nagsalita sa rali si Ken Livingstone, alkalde ng London, at nagpadala ng mensahe ng pakikiisa si Mo Mowlam, dating myembro ng kabinete ni Blair na ngayo�y mahigpit na niyang kritiko. Nagtalumpati sa rali ang mga parlamentaristang kapartido ni Blair sa Labour Party. Nagtalumpati rin si Scott Ritter, lider ng grupo ng mga weapons inspector na pumasok sa Iraq noong 1998. Dumalo rin sa rali ang mga lider ng unyon at ilang matataas na upisyal ng Church of England.
Sa Rome, Italy, isa ring martsa-rali laban sa panggegera ng US sa Iraq na inorganisa ng Communist Refoundation Party ang dinaluhan ng mahigit 100,000 katao noon ding Setyembre 28. Ayon sa pinakahuling mga sarbey, halos 70% ng mamamayan sa Italy ang tutol sa paglulunsad ng gera sa Iraq, taliwas sa pusisyon ni Silvio Berlusconi, ang maka-Kanang prime minister ng bansa.
Naglunsad ng gayunding mga rali sa Paris, France; sa Syndey, Australia; at sa iba�t ibang syudad sa US noong September 28 at 29.
Sa Pilipinas, mahigit 100 taong simbahan mula sa 22 bansa ang nagrali sa tapat ng US Embassy sa Pilipinas noong Setyembre 27 para kundenahin ang "terorismong estado ng US" laban sa Iraq at iba pang target ng "gera laban sa terorismo." Ang rali ay nagsilbing rurok ng International Ecumenical Conference on Terrorism in a Globalized World na ginanap sa Pilipinas mula Setyembre 23-26. Dinaluhan ito ng 130 delegado, kabilang ang 103 dayuhang taong simbahan mula sa 22 bansa na kumakatawan ng 14 na denominasyon.
Bago ito, lumahok din sa isang rali sa harap ng US Embassy noong Setyembre si Sandeep Pandey, isang inhinyerong Indian na kabilang sa mga Ramon Magsaysay awardee ngayong taon. Si Pandey ay lantarang tumuligsa sa "gerang kontra-terorismo" ng US. Bilang protesta, ibinalik ni Pandey ang premyong $50,000 na ipinagkaloob sa kanya bilang Magsaysay awardee dahil ito ay galing sa Rockefeller Brothers Foundation, isang reaksyunaryong institusyong Amerikano.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|