US, numero unong lumalabag sa karapatang-tao
Nagsampa ng reklamo ang US sa United Nations Commission on Human Rights (UNCHR) nitong Marso para imbestigahan ang mga paglabag umano ng Cuba sa karapatang-tao at igiit ang pagpapahintulot sa mga upisyal ng UN na bisitahin ang mga kulungan sa bansa.
Mariing kinundena ng Cuba ang hakbang ng US. Anito, walang karapatan ang US dahil sa mabangis nitong rekord sa Iraq, Afghanistan, at Guantanamo sa Cuba at sa lahat ng sulok ng daigdig. Kung tutuusin, anito, ang US ang dapat imbestigahan dahil walang taning nitong ibinibilanggo ang mga suspek na dumaranas ng tortyur at iba pang pagmamaltrato sa mismong mga kulungan nito sa Camp Xray sa Guantanamo. Bukod rito, ilang taon nang nagpapataw ng embargo ang US sa Cuba, pinipigil ang mga Cubanong nasa US na magpadala ng pera sa mga kamag-anak nila o dumalaw man lamang. Marami ring restriksyon sa mga mamamayan ng US na gustong bumisita sa Cuba para samantalahin ang murang gamot at pagpapagamot doon o simpleng magturista. Binabraso rin ng US ang mga alyadong bansa ng Cuba para suportahan ang resolusyon sa UN kapalit ng ayudang pondo.
Sa kaugnay na balita, binatikos din ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang US dahil sa anito�y paggamit ng US sa United Nations para mang-intriga at magmaniobra laban sa Cuba. Ayon sa NDFP, salit-salit na ginagamit at inaabuso ng imperyalismong US ang United Nations at mga ahensya nito para sa makitid nitong interes. Minamanipula nito ang UN tuwing pabor ito sa layunin nito. Binabalewala rin at inaalipusta nito ang UN tuwing hindi ito umaayon sa US.
Sukdulang kaipokritohan para sa US na husgahan ang rekord sa karapatang-tao ng ibang mga bansa, anang NDFP. Ang imperyalismong US ang Numero Unong mandarambong, tagapaglunsad ng agresyon, terorista at pinakamatinding lumalabag sa karapatang-tao.
Ang mga gerang agresyon at pananakop nito sa Afghanistan, Yugoslavia at Iraq ay pumatay at lumumpo sa daan-daang libong katao, nagwasak ng mga syudad at sumira sa ekonomya ng mga bansang ito. Ang rekord nito sa pagluluklok at pagsuporta sa mga diktador gaya nina Marcos, Pinochet, Park Chung-hee, Mobuto at isang buong hanay ng mga diktador militar ay di mapantayan ng alinman sa iba pang mga imperyalistang kapangyarihan. Ang lantarang paglabag nito sa karapatang-tao at pandaigdigang makataong batas sa Guantanamo at Abu Ghraib ay tumpak na kinukundena ng internasyunal na komunidad, anang NDFP.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|