Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagmimina sa Central Luzon

 Read this article in English

Ang sakunang humambalos sa Aurora at Nueva Ecija noong Disyembre 2004 ay resulta ng matagal na panahong pandarambong ng mga imperyalista at ng lokal na papet nito sa kagubatan at kabundukan ng Central Luzon. Ngunit hindi lamang ang mga lugar na ito ang winasak at patuloy na winawasak ng kanilang kasakiman. Dagdag sa pagtotroso, may mga bahagi sa Central Luzon na kinamkam at winasak na ng mga dayuhan at lokal na kumpanya sa pagmimina at ng mga nakalalasong planta ng kuryente.

Katunayan, ang paglaganap ng komersyal na pagmimina ang pinakamapaminsala sa kabundukan at iba pang likas na yaman sa rehiyon. Ayon sa isang ulat ng United Nations Education, Scientific and Cultural Organization (Unesco), 15 sa 17 pinakananganganib na kabundukan sa Pilipinas ang matatagpuan sa Central Luzon. Ang pagtitibag ng mga bundok para bigyang-daan ang mga mina ang pumapatay sa maraming kagubatan at pumipinsala sa balanse ng kalikasan dito. Nagdudulot ito ng matinding polusyon na pumipinsala sa mas malawak na erya at nagdudulot ng iba't ibang sakit sa mamamayang nakatira sa paligid nito. Ang walang pakundangang pagtatambak ng mine tailings o dumi mula sa pagmimina ang pumapatay sa mga ilog, palayan at baybay-dagat at lahat ng mga organismong nabubuhay dito.

Kabilang sa mga nanganganib ang kabundukang malapit sa Angat watershed, ang Mt. Irid at Mt. Angelo na nasa hangganan ng Bulacan at Quezon at ang bahagi ng Sierra Madre sa hangganan ng Nueva Ecija at Quezon.

Malaking pinsala na rin ang tinamo ng Mt. Arayat sa Pampanga, ng Mt. Natib at kabundukan ng Mariveles sa Bataan, ng Mt. Tapulao at ng matatayog na kabundukan ng Zambales at Aurora.

Lalong nabigyan ng laya ang mga kumpanya sa pagmimina sa buong bansa matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang ligalidad ng Mining Act of 1995 noong Disyembre 2004 at muli nitong Pebrero. Sa Central Luzon, sisimulan na ng Dizon Mine ang paghuhukay ng open pit mine sa mabundok na lugar sa pagitan ng Zambales at Pampanga. Sa Gabaldon, Nueva Ecija, nakatakda na rin ang pagmimina para sa white clay. Mayroon nang exploration sa Sta. Cruz at Candelaria, Zambales para sa pagmimina ng chromite, nickel at iba pang mineral na sumasaklaw ng halos 4,000 ektarya. Bago pa man pinagtibay ang Mining Act of 1995, aabot na sa 24 na kumpanya ang napagkalooban ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA). Samantala, mayroon nang mga aplikasyon para sa Financial and Technical Assistance Agreements (FTAA) na sumasaklaw sa halos lahat ng mga bahaging mabundok at maburol sa Aurora at Tarlac.

Sa Zambales, tuluy-tuloy ang pag-agos ng mga lason mula sa mga inabandonang minahan ng Koto Mines at Dizon Copper Silver Mines. Ang mga nakatambak na lason ay tuluy-tuloy na pumipinsala hindi lamang sa kabuhayan kundi pati sa kalusugan ng mamamayan doon. Isang halimbawa ang lawa ng San Marcelino kung saan hindi na maaaring kainin ang mga isdang nahuhuli dahil sa taas ng konsentrasyon ng mercury na itinatambak ng kalapit na Dizon Mines.

Karamihan ng mga mabundok at maburol na lugar na ito ay direktang saklaw ng mga larangang gerilya. Simula't sapul, malinaw na ang pagtutol ng rebolusyonaryong kilusan sa Mining Act at lahat ng mapandambong at mapangwasak na operasyon ng pagmimina sa bansa. Malinaw din sa rebolusyonaryong kilusan na tanging ang paglakas ng paglaban ng mamamayan ang makapipigil o makasasalag man lamang sa mapaminsala at nakamamatay na epekto ng komersyal na pagmimina.

Katulad sa iba pang bahagi ng bansa, tinitiyak ng Bagong Hukbong Bayan at ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na puspusan nilang lalabanan ang mga dayuhan at lokal na kumpanya sa pagmimina na may operasyon sa mga lugar na saklaw ng demokratikong gubyernong bayan. Sa abot ng makakaya, pipigilan ng Josepino Corpuz Command ang operasyon sa pagmimina ng mga dayuhang kapitalista sa Central Luzon at parurusahan ang sinumang yuyurak sa karapatan ng mamamayan at magdudulot ng malawakang pagwasak sa kapaligiran.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.