Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Luksang Parangal kay Kasamang Armando Teng
Isang Dakilang Proletaryong Lider at Bayani

 Read this article in English

Nobyembre 7, 2000, pumanaw si Kasamang Aryong, Armando Teng, kagawad ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido at kalihim ng Komiteng Panrehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan. Sa edad na 49 taong gulang, siya ay nasa tuktok ng kanyang buhay at pagsisilbi sa rebolusyon.

...Nagluluksa ang Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Isang dakilang rebolusyonaryong proletaryong lider at bayani, isa sa pinakamatatag at isa sa pinakamatagumpay na tagapagtaguyod ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at demokratikong rebolusyong bayan, ang nawala..
Humigit-kumulang sa 30 ng 49 na taong ito ay iniukol sa walang humpay at mahirap na rebolusyonaryong pakikibaka � kalakha�y sa pakikidigmang gerilya sa kanayunan ng timog Luzon at ang unang apat na taon sa kilusan sa Metro-Manila. Noong 1979 habang kalahok sa pagpapanibagong-lakas ng mga larangang gerilya sa Kabikulan, dinapuan siya ng malubhang sakit sa bato na dahilan para bigyan ng taning ng duktor ang kanyang buhay. Taglay ang kahanga-hangang tatag ng loob at pambihirang optimismo at sa pag-aaruga ng pinakamamahal na pamilya at mga kasama � nalampasan niya ang krisis. Muli siyang bumalik sa kanayunan at sumabak sa pinakamabibigat na tungkulin nang daig di hamak ang maraming walang dinadalang karamdaman. Pero mula 1998 at pagkaraan ng maraming taon ng halos himalang pagkalma, ang kanyang sakit ay nagpakita ng muling paglala. Mabilis namang napawi ang mga sintomas ng paglala nang lapatan ng bagong gamot, kaya itinuloy niya ang pagtupad sa mga tungkulin nang walang palya. Ang pagganda ng kanyang pakiramdam, ang walang tigil na pananalakay ng reaksyunaryong kaaway at, higit sa lahat, ang kasigasigang lalong pinag-ibayo ng pagsambulat ng krisis ng bumabagsak na rehimeng US-Estrada � sa kasawiang-palad ay nagtulak sa kanyang labis na banatin ang kanyang katawan, sumala sa nakatakdang pagpapatingin, at magaanin ang biglang pagbagsak ng kalusugan na naging sanhi ng kanyang pagkakaratay at humantong pagkaraan ng ilang araw sa maaga niyang pagkamatay.

Nagluluksa ang Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Isang dakilang rebolusyonaryong proletaryong lider at bayani, isa sa pinakamatatag at isa sa pinakamatagumpay na tagapagtaguyod ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at demokratikong rebolusyong bayan, ang nawala. May mahalagang bahagi si Kasamang Aryong sa pagpupundar at pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya sa Timog Katagalugan at Kabikulan. Gayunman, ang namumukod niyang ambag ay sa pangunguna sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa Timog Katagalugan at pamumuno sa pagpapanibagong-lakas dito. Bagamat isa sa mga rehiyong pinakamalaki ang tinamong pinsala sa mga malubhang panloob na pagkakamali at pangkalahatang opensiba ng papet na estado noong ikalawang hati ng dekadang otsenta, ang Timog Katagalugan, sa pamumuno ni Kasamang Aryong, ay nanguna sa pag-ahon mula sa mga pag-atras at nagsilbing angkla at inspirasyon sa pagpapanibagong-sigla ng rebolusyon sa buong kapuluan. Hindi lamang nabawi kundi nalampasan pa nito ang rurok ng lawak at lakas na naabot ng Partido sa nakaraan. Aktibong tumulong ito sa mga rehiyong relatibong mahina at nahuhuli habang tuluy-tuloy na nagpapalakas. Tinambakan ito ng 12 batalyon ng Philippine Army at Marines at libu-libong tropang panagupa ng PNP at paramilitar ng CAFGU at tinarget ng walang tigil na malalaki at maliliit na opensibang militar at mga kontrarebolusyonaryong operasyon sa paniniktik at psywar sa mga baryo at sentrong bayan. Pero hindi napigilan ang pag-abante ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa. Sa gayong paraan nakapagbigay ng namumukod na kontribusyon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa paglalantad, paghihiwalay at pagpapahina sa reaksyunaryong naghaharing rehimeng US-Estrada. Umaasa si Kasamang Aryong ng mas malalaki pang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka bunga ng todong krisis ng kinamumuhiang rehimen at nanawagan siya bago mamatay ng pagpapaigting ng mga protestang masa at mga taktikal na opensiba.

Mapangahas si Kasamang Aryong na isulong at paigtingin ang armadong pakikibaka hindi dahil sa likas na kapusukan kundi sa malalim niyang pagsapol sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at sa mabilis na pagsidhi nito dala ng pandaigdigang krisis at pagkabulok ng sistemang kapitalista sa panahon ng imperyalismo. Sa gayong pag-unawa rin nagmumula ang tuluy-tuloy na pinakamataas na pagpapahalaga niya sa hukbong bayan at armadong pakikibaka gaya ng pinatutunayan ng personal niyang pamumuno dito sa kabila ng kanyang mga problema sa kalusugan. Gayunman, ang pagbibigay-diin niya sa armadong pakikibaka ay palaging pagbibigay-diin din sa integral na ugnayan ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng base at pagtataguyod sa linya ng matagalang digmang bayan. Pansinin na ang Timog Katagalugan sa kanyang pamumuno ay hindi lamang nasa unahan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka kundi maging sa iba�t ibang larangan ng pakikibaka, kabilang ang kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran, gawaing alyansa, pang-ideolohiyang pagbubuo ng Partido, gawaing propaganda at iba pa.

Kilalang matigas si Kasamang Aryong pagdating sa usapin ng mga rebolusyonaryong prinsipyong proletaryo at matapang na umako ng responsibilidad at makipaglaban alang-alang sa mga prinsipyong ito. Noong 1974, habang tumatayong namumunong kagawad ng Komiteng Panrehiyon ng Maynila-Rizal, isa siya sa mga nahagip sa malawakang pag-arestong tumama sa kilusang lihim sa Maynila-Rizal at mga sentral na organo ng Partido. Ang mga berdugo ng pasistang diktadurang US-Marcos ay nagpakahibang sa panonortyur sa pagnanasang makapiga ng impormasyong ikadadakip ni Tagapangulong Amado Guerrero. Kabilang si Kasamang Aryong sa mga nanguna sa paglalantad at paglaban sa mga kahayupan ng pasistang diktadura. Mahigpit na sinalungat din niya ang tunguhing palasuko at paatras sa hanay ng mga bilanggong pulitikal. Kinondena niya ang pagpapagamit sa kaaway at ang pagbibigay ng anumang impormasyon na maaaring makapagpahamak sa ibang kasama at iginiit ang karampatang parusa laban sa mga ito. Pagkaraan ng dalawang taon, nagtagumpay siyang makatakas sa bilangguan ng Bicutan at itinalaga sa kanayunan ng Kabikulan.

Bilang kagawad ng Komite Sentral, nasa gitna siya ng mga pagtatalo, pagpapasya at pakikitunggali para isulong ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Matatag siyang tumindig para sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, linya ng demokratikong rebolusyong bayan at integridad ng Partido laban sa rebisyunismo, oportunismo at paksyunalismo. Naaarmasan siya ng militanteng proletaryong kamulatang pinanday ng maraming taon ng pag-aaral sa rebolusyonaryong teorya at paglalapat nito sa buhay-at-kamatayang pakikibaka, pamumuhay na malapit sa karaniwang magsasaka at iba pang maralita, at walang humpay na pagpapanibagong-hubog. Malaking bagay din na noong panahong umigting ang mga tunggalian kaugnay ng mga malulubhang paglihis at pagkakamali sa loob ng Partido, nakatalaga siya sa Pambansang Kawanihan sa Instruksyon (1986 hanggang 1988). Sinamantala niya ang pagkakataon para magrepaso at magbasa ng mga akda ng mga dakilang gurong Komunista at mga lathalain ng Partido para makabuo ng wastong pagsusuri at paninindigan sa mga pangunahing usapin.

...Istrikto si Kasamang Aryong sa disiplina ng Partido at pagtupad sa mga tungkulin at responsibilidad. Kung minsan sa kanyang pagbibigay-diin dito, nakapagbibitiw siya ng maaanghang na salita na ipinagdaramdam ng ibang kasama. Gayunman, kapag diretsong pinuna mabilis siyang bumawi, magpuna sa sarili, humingi ng pasensya at magwasto...

Sa maigting na tunggalian ng dalawang linya, ginawa niya ang abot ng makakaya para sagipin ang pinakamaraming uubra pa sa mga nagkamali, nalihis at nalito. Pero hindi siya nagdalawang-isip na talikdan ang mga walang habas na mananabotahe at mga mas naunang tumalikod sa Partido, rebolusyon at pagwawasto, gaya ng matagal niyang kasama at kaibigang si Sergio Romero. Sa lahat, iniukol niya ang pinakamasidhing pagkasuklam sa mga intrigero, manipulador at doble-kara, gaya nina Arturo Tabara, Romulo Kintanar, Popoy Lagman at Ricardo Reyes.

Sa buong buhay niya sa Partido, kinamuhian ni Kasamang Aryong ang burukratismo at ang hatid nitong mga kabulukan at kabaluktutan. Masugid siyang tagapagtaguyod ng pamumuhay na kahalubilo ang masa at pagtiyak na ang mga namumuno ay palaging nakakaalam sa kalagayan at mga hinaing ng masa. Sa estilo ng pamumuno, partikular siya sa pangangailangan ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga nakabababang antas at tuwirang pag-usisa sa mga gawain ng mga pinamumunuan. Saanman humimpil, tinitiyak niyang tuwirang alamin at subaybayan ang mga gawain sa mga baryong nakapaligid. Lagi rin siyang naglalaan ng panahon sa pakikipaglapit sa mga karaniwang Pulang mandirigma at pagtulong sa kanilang mga personal at iba pang suliranin.

Istrikto si Kasamang Aryong sa disiplina ng Partido at pagtupad sa mga tungkulin at responsibilidad. Kung minsan sa kanyang pagbibigay-diin dito, nakapagbibitiw siya ng maaanghang na salita na ipinagdaramdam ng ibang kasama. Gayunman, kapag diretsong pinuna mabilis siyang bumawi, magpuna sa sarili, humingi ng pasensya at magwasto. Sa anu�t anuman, kung istrikto siya sa iba, ibayong mas istrikto siya sa sarili. Subsob ang ulo niya sa mga gawain sa Partido at walang araw o gabi sa kanya kapag hinihingi ng mga gawain sa rebolusyon. Hanggang sa mga huling sandali, una at pinakamahalaga sa isip niya ang mga kasama, ang kanyang pamilya at mga tungkulin.

Si Kasamang Aryong ay ipinanganak sa Tanza, Cavite. Pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa panahon ng kaigtingan ng krisis bago ang pasistang paghaharing militar at naging kasapi ng Kabataang Makabayan noong Unang Sigwa ng 1970. Inimbitahan siya sa Partido noong 1971, naitalagang kagawad ng sangay ng Partido sa Unibersidad at sa kalauna�y kalihim ng sangay at kagawad ng Komiteng Distrito sa Quezon City-Marikina.

Kailanma�y hindi natin kakalimutan ang kabayanihan ni Kasamang Aryong para sa bayan, Partido at rebolusyon. Tupdin ang kanyang pinakamarubdod na hangarin: Pabagsakin ang bulok na reaksyunaryong rehimeng US-Estrada, palawakin at paigtingin ang rebolusyon!

 


 Back to top 

17 Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Luksang Parangal kay Kasamang Armando Teng
Isang Dakilang Proletaryong Lider at Bayani
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.