Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita

 Read this article in English

Mga Espiyang militar, binihag ng BHB sa Sultan Kudarat

Binihag ng Valentin Palamine Command (VPC) ng BHB sa rehiyon ng Far South Mindanao ang apat na operatiba ng Military Intelligence Group at Intelligence Service of the Armed Forces of the Phiippines (MIG-ISAFP).

Ipinahayag ni Dencio Madrigal, tagapagsalita ng VPC, ang pagbihag ng BHB kina Sgt. Jeremias Rosete, Sgt. Pepito Simbulan, Wilfredo Maldecir at Herminia Sorongon. Si Rosete ay elemento ng 3rd Marine Battalion Landing Team ng 2nd Marine Brigade at nakadeploy sa MIG ng Region 12 bilang operatibang pang-kontra-paniktik. Si Simbulan ay elemento ng MIG 11. Si Maldecir ay dating ahente ng 601st Brigade, samantalang si Sorongon ay myembro ng iba't ibang organisasyong kunektado sa militar. Dinakip sila nitong Setyembre 4 sa Columbio, Sultan Kudarat.

Ayon kay Madrigal, nagpapanggap na mga mandirigma ng BHB ang naturang mga ahente nang sila'y dakpin. Nakumpiska sa kanila ang isang .45 na pistola, isang cellphone, dalawang motorsiklo at maraming klase ng ID.

Ani Madrigal, dapat idaan ang mga pag-uusap para sa pagpapalaya sa apat na ahente sa pamamagitan ng National Democratic Front of the Philippines.

Detatsment ng Army sa Kalinga, nireyd ng BHB

Dalawang elemento ng Citizen's Armed Forces Geographical Unit o CAFGU ang napatay nang ireyd ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng Alpha Coy ng 21st IB at ng 23rd CAFGU Coy nitong Setyembre 24 sa Ballayongan, Pinukpuk, Kalinga. Tatlong iba pa, kabilang ang kumander ng detatsment na si Ssgt. Zaldy Carino, ang nasugatan.

Anim na garan at tatlong M14 ang nasamsam ng mga gerilya. Bandang 2:30 ng hapon nang isagawa ang reyd. Masyadong huli na ng dumating ang reimporsment mula sa himpilan ng 21st IB para matulungan ang mga sundalo.

Noong Agosto 29 naman, isang sarhento ng Charlie Coy ng 21st IB ang namatay at tatlo pa ang nasugatan nang tambangan sila ng tatlong mandirigma ng Lejo Cawilan Command ng BHB. Dakong 11:30 ng umaga nang ilunsad ang pagtambang sa hangganan ng Libang, Mabaca at Gawaan sa bayan ng Balbalan, Kalinga.

Tumakbo at nagtago ang iba pang pwersa ng kaaway. Bandang alas-3 na ng hapon nang dumating ang reimporsment mula sa 21st IB subalit ligtas nang nakaatras ang mga Pulang mandirigma. Dahil sa matinding takot, hindi nagawang makaganti ng putok ang mga tropa ng kaaway. Inakala nilang napakarami ng mga Pulang mandrigmang tumambang sa kanila.

Pulis, patay sa reyd ng BHB sa Quezon

Isang pulis ang napatay at isa pa ang nasugatan nang lusubin ng mga Pulang mandirigma ang tsekpoynt ng PNP sa Barangay Talipan, Pagbilao, Quezon noong Agosto 31.

Lulan ng apat na sasakyan ang mga gerilya nang dumating sa Barangay Talipan. Pinangasiwaan ng tatlong mandirigma ang daloy ng trapiko sa haywey upang walang madamay na sibilyan sa pag-atake.

Ka Parago, malaya na

Lumaya mula sa mahigit isang taon at 10 buwang pagkabilanggo si Kasamang Leoncio "Ka Parago" Pitao nitong Setyembre 16.

Si Ka Parago ay dinakip ng mga operatibang paniktik ng AFP sa kanyang bahay sa Bago Gallera, Talomo District sa Davao noong Nobyembre 2, 1999. Ito'y ilang buwan matapos siyang tumampok bilang tagapangalaga sa dalawang bihag ng digma na sina Brig. Gen. Victor Obillo at Capt. Eduardo Montealto na dinakip ng BHB noong Pebrero 1999. Ibinilanggo si Ka Parago sa Camp Aguinaldo sa ilalim ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.

30,000 nagrali para sa P125 dagdag na sahod

Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), 30,000 manggagawa ang nagdaos ng rali sa Mendiola noong Setyembre 12 para igiit ang P125 across-the-board na karagdagan sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Dinaluhan ang rali ng mga delegasyon ng mga manggagawa mula sa Metro Manila, Timog Katagalugan, Gitnang Luzon at iba pang lugar. Dumalo rin sa rali ang mga kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, na sina Crispin Beltran, Satur Ocampo at Liza Masa.

Bukod sa hinihinging P125 karagdagang sahod ng mga manggagawa, iginiit din ng mga nagrali ang P3,000 across-the-board na karagdagan sa buwanang sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Kinatawan sila ng COURAGE at ng kinapapalooban nitong Alliance of Public Sector Employees (APSE).

Dala-dala ng mga nagrali ang isang effigy ni Macapagal-Arroyo. Ipinakita sa pamamagitan ng effigy ang kawalan ng katapatan ni Macapagal-Arroyo sa kanyang salita noong bise-presidente pa siya, na susuportahan niya ang hinihinging P125 karagdagan sa sahod ng mga manggagawa.

Kasabay ng malaking rali sa Metro Manila, naglunsad rin ng martsa ang mga militanteng manggagawa at iba pang demokratikong sektor sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Anibersaryo ng batas militar, ginunita

Sa alaala ng puong-libong mamamayang tinortyur, pinatay at nawala sa ilalim ng diktadurang Marcos, nagmartsa patungong Mendiola ang daan-daang myembro ng Bagong Alyansang Makabayan upang gunitain ang ika-29 anibersaryo ng batas militar.

Alas-10:30 ng umaga nagsimula ang martsa. Dala ng mga demonstrador ang isang effigy ni Macapagal-Arroyo na nakadamit-militar at may kamay na bakal. Ayon sa mga demonstrador, palatandaan ito na ang sambayanang Pilipino ay patuloy na nasasaklot ng militarismo at terorismo ng estado. Tinuligsa ng mga nagrali ang pamamayagpag ng mga "labi ng batas militar" gaya ni Panfilo Lacson. Inilantad nila ang papatinding mga paglabag sa mga karapatang-tao, tulad ng pagpatay kay Wilfredo Mananghaya, pinuno ng BAYAN sa San Miguel, Bulacan. Isinigaw nila ang katarungan para sa lahat ng biktima mula sa panahon ng batas militar hangang sa kasalukuyan. Kinundena rin nila ang "kontra-teroristang" digmang pinangungunahan ng US.

Pagtatanim ng BT-CORN sa South Cotabato at Isabela, tututulan ng mga magsasaka

Lumalawak ang mga kilos-protesta ng masa sa iba't ibang bahagi ng bansa laban sa pagtatanim ng Bt-corn at iba pang tanim na GMO (genetically modified organisms o mga organismo na minanipula ang genes) .

Mga 500 magsasaka at iba pang mamamayan sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Masipag at Bagong Alyansang Makabayan ang pumasok noong katapusan ng Agosto sa isang 1,700 metro kwadradong pang-eksperimentong sakahan sa Barangay Maltana, Tampakan, South Cotabato. Binunot nila ang mga tanim ng Bt-corn doon. Ang Bt-corn ay mais na sinalinan ng gene mula sa bakteryang Bacillus thurigensis (Bt) na lumilikha ng lasong pumapatay sa pesteng Asian corn borer. Bunga nito, ang Bt corn ay may kakayahang lumikha ng pestisidyo laban sa kulisap na ito. Subalit batay sa mga pananaliksik, ang Bt corn ay nilikha nang walang pagsaalang-alang sa kaligtasan ng mga kakain nito. Nakapipinsala rin ito sa kapaligiran. Ang lumilikha ng Bt corn ay ang Monsanto, isang imperyalistang kumpanyang US sa agribisnes. Ito rin ang pangunahing nagtatanim ng utaw (na minanipula ang genes) sa Brazil. Nagsisikap ang Monsanto na pumasok at manguna sa agribisnes sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatanim at pagbebenta ng binhi ng Bt corn at iba pang tipo ng GMO sa bansa.

Bago nito, nagdaos ng rali sa Koronadal City para batikusin ang pagpapahintulot ng gubyerno sa pag-eeksperimento ng GMO. Matapos ang rali, pumunta ang mga demonstrador sa Barangay Maltana, Tampakan para tingnan ang lugar na pinag-eeksperimentuhan ng Monsanto ng GMO. Natuklasan ng mga nagrarali na ang eksperimento ay ginagawa pala sa isang sakahang walang tabing. Ibinukod lamang ang sakahan sa pamamagitan ng bakod na alambre, gayong ayon sa panuntunang ibinaba ng National Committee on Bio-Safety of the Philippines, kailangang pinaliligiran ang mga pang-eksperimentong sakahan ng di bababa sa 10-pyeng tabing na gawa sa synthetic na tela upang ang mga tanim dito ay hindi makalahi ng mga tanim sa iba pang sakahan sa lugar. Sa galit, ispontanyo nilang pinasok ang sakahan at pinagbubunot ang mga tanim.

Sa Echague, Isabela, naglunsad ng caravan ang 800 mamamayan para iprotesta ang pag-eeksperimento ng Monsanto sa pagtatanim ng Bt-corn sa Barangay Carulay, Echague. Ang kilos protesta ay pinangunahan ng Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela (Samahan ng mga Magbubukid sa Isabela). Naglabas din ang Diocese ng Ilagan, Isabela ng pastoral na pahayag tungkol sa isyu. Para ikoordina ang pagkilos laban sa GMO sa saklaw-prubinsya, nagbuo na rin ng Anti-GMO Multi-Sectoral Alliance of Isabela (AGMAIS).

Linggo ng Katutubong mamamayan at Pambansang minorya, ginunita sa 3-araw na protesta sa Maynila

Mahigit 500 pambansang minorya mula sa iba't ibang bahagi ng bansa at 400 tagasuporta nila ang naglunsad ng tatlong araw na makulay na mga kilos-protesta, camp out at piket bilang paggunita sa Indigenous Peoples and National Minorities (IP-NM) Week o Linggo ng mga Katutubong Mamamayan at Pambansang Minorya. Ang Linggo ng mga Katutubong Mamamayan at Pambansang Minorya ay ipinagdiwang sa bansa sa kauna-unahang pagkakataon, alinsunod sa deklarasyon ng United Nations noong 1993 sa Agosto 11 bilang "Araw ng Katutubong Mamamayan".

Pinangunahan ng Katipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP) ang tatlong araw na protesta. Dinaluhan ito ng Cordillera People's Alliance, Innabuyog-Gabriela (organisasyon ng mga kababaihan sa Kordilyera), mga Dumagat at Agta mula sa Cagayan Valley, mga myembro ng Central Luzon Aeta Alliance (CLAA), mga Dumagat mula sa Timog Katagalugan at mga Mangyan mula sa Mindoro. Sinuportahan ang nasabing pagkilos ng Anakbayan, Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna at ng mga kinatawan nito sa Kongreso.

Mula Agosto 13-15 ipinaabot nila ang kanilang mariing pagtutol at paglaban sa iba't ibang anti-mamamayan at anti-pambansang minoryang patakaran ng reaksyunaryong rehimen. Kabilang dito ang pangangamkam ng kanilang mga lupang ninuno at pangwawasak sa kanilang kabuhayan, dulot ng mga anti-mamamayan at anti-pambansang minoryang batas at mga "proyektong pangkaunlaran", laganap na militarisasyon ng kanilang mga komunidad at iba pang anyo ng pang-aapi at diskriminasyon sa kanila.

Mariin nilang iginiit ang pagbasura sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) dahil sa pagiging mapagpanggap na mga instrumento ng mga ito na nagtatakip at nagtataguyod lamang ng pang-aapi at pagsasamantala sa kanila. Binatikos nila ang pagtaguyod ng IPRA at NCIP sa Philippine Mining Act, malalaking proyektong dam tulad ng San Roque Multipurpose Dam, National Integrated Protected Area Systems (NIPAS) at mga programang agroforestry, na pawang nagsusulong sa interes ng malalaking pribadong dayuhan at lokal at nagkakait sa mga pambansang minorya ng kanilang karapatan sa lupang ninuno at tradisyunal na kabuhayan.

Sa loob ng tatlong araw, nagmartsa at nagprotesta ang mga pambansang minorya sa harap ng Camp Aguinaldo, mga pambansang upisina ng Department of Environment and Natural Resources at National Commission on Indigenous Peoples at Malakanyang. Hindi sineryoso ang kahilingan nilang makipagdayalogo sa matataas na upisyal ng gubyerno. Inalipusta sila at minaliit ng mga mabababang upisyal ng gubyerno na pinaharap sa kanila.

Nabigo man sila sa paghiling sa matataas na upisyal ng gubyerno ng seryosong dayalogo, naiparating naman nila sa gubyerno at sa publiko na hindi maaaring isaisantabi ang signipikanteng boses ng 12 milyong mamamayang minorya. Iginiit nila ang mensahe na titindi ang kanilang pakikibaka hanggat di kinikilala ang kanilang mga karapatan at hanggat di natutugunan ang kanilang makatarungang mga hinaing. Ikinalugod nila ang natamasa nilang malaking suporta mula sa malaking bilang ng mga progresibong di-minorya.

TXTPOWER: itinatag laban sa kasakiman ng Globe at Smart

Inilunsad kamakailan ng mga gumagamit ng cellphone at cyberactivists (mga gumagamit ng internet para sa pagkilos bilang aktibista) ang TXTPOWER, isang koalisyon ng mga indibidwal na gumagamit ng cellphone. Kagyat na layunin ng TXTPOWER na tutulan at labanan ang planong 40-60% pagbabawas ng kartel ng Globe at Smart ng libreng text messages sa kani-kanilang mga prepaid plan.

Nasa adyenda ng nasabing grupong pangkonsumer ang paglaban sa kahayukan ng Globe at Smart para sa dagdag na tubo, pagkundena sa di episyenteng serbisyo ng mga ito at pagbubunyag sa kasinungalingang nalulugi ang mga ito. Ayon sa grupo, kabaligtaran ito sa nakasaad sa mga website ng dalawang kumpanya kung saan nagdeklara ang Globe ng P1.07 bilyong netong kita at ang Smart ng P1.8 bilyon para sa unang anim na buwan ng 2001.

Lumipas na ang 20-araw na TRO (temporary restraining order o temporaryong pagpipigil) ng Regional Trial Court ng Quezon City laban sa pagbabawas ng Smart at Globe ng libreng text messages. Tuloy na, kung gayon, ang plano ng Smart at Globe.

GMA, nagpakatuta sa Imperyalismong Japan

Walang kahihiyang pagpapakatuta ang ipinamalas ni Gloria Macapagal-Arroyo nang bumisita siya sa Japan nitong Setyembre 12-16. Bukambibig niya na magbibigay ng "katiyakan" ang kanyang rehimen na makikinabang ang mga kapitalistang Hapones kung mamumuhunan sila sa Pilipinas.

"Gagawin namin ang lahat ng kinakailangan... upang magtagumpay kayo . dahil nais naming manatili kayo sa amin," ang deklarasyon ni Macapagal-Arroyo sa mga kapitalistang Hapones na dumalo sa Philippines-Japan Economic Cooperation sa Hotel New Otani sa Tokyo.

Tiniyak ni Macapagal-Arroyo sa mga kapitalistang Hapones na ang kanyang gubyerno ay pabor sa mga kapitalista laban sa mga manggagawa. Ipinagmalaki niya na ang kamakailang welga sa Toyota Motors Philippines ay nilutas nang pabor sa kapitalista.

Mga krimen ni Lacson, umaalingasaw

Patuloy na umaalingasaw ang baho ni Sen. Panfilo Lacson at ng mga kasapakat niya. Si Lacson ay pinangalanan nina Angelo "Ador" Mawanay at Mary Ong, mga dating ahenteng sibilyan ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), bilang utak, at ang PAOCTF bilang sentro, ng sindikato ng droga, kidnap for ransom at iba pang malalaking krimen sa bansa. Lumabas din na may kaugnayan si Lacson sa mga internasyunal na sindikato ng droga.

Sinundan ito ng mga paglalahad ni Col. Victor Corpus hinggil sa milyun-milyong dolyar na nakadeposito sa mga bangko sa US at Hongkong sa ilalim ng pangalan ni Lacson, kanyang asawang si Alice at ng mag-asawang Joseph at Luisa Estrada.

Sa kaugnay na balita, tuluyan nang ibinasura ng Court of Appeals ang kaso laban kay Lacson hinggil sa pagsalbeyds sa 11 pinaghihinalaang myembro ng sindikatong Kuratong Baleleng.

Patuloy na inaantala ni Estrada ang kanyang paglilitis

Patuloy na inaantala ng mga abugado ni Estrada ang mabilis na pagsisimula at pagdaraos ng paglilitis ng kasong pandarambong laban kina Joseph Estrada, Jinggoy Estrada at Atty. Edward Serapio.

Nitong Setyembre 13, inantala nang inantala ng mga abugado ni Estrada ang pagpirma sa pretrial agreement na naglalahad ng mga alituntuning susundin sa paglilitis. Kasabay nito, gumagawa ng mga hakbang ang mga abugado ni Estrada upang isa-isang pawalambisa ang mga kaso laban sa kanya. Nitong huli, hiningi nila na pawalambisa na ang kaso laban sa iligal na paggamit ng alyas. Bago nito, naglabas na ng serye ng mga desisyon ang Sandiganbayan na pumapabor kay Estrada. Kabilang dito ang hindi pagpapatigil sa operasyon ng ilang korporasyong sa aktwal ay pag-aari ni Estrada subalit nakalista sa pangalan ng iba (dummy corporation). Ipinagbawal din ng Korte Suprema ang live coverage ng paglilitis, bagay na kumikitil sa karapatan ng mamamayan na mahigpit na subaybayan ang paglilitis.

Sabwatang ABU-SAYYAF-AFP, inilantad

Sunud-sunod na lumabas ang mga testigo mula sa Lamitan, Basilan upang suportahan ang testimonya ni Fr. Cirilo Nacorda, na may sabwatan sa pagitan ng AFP at Abu Sayyaf. Dahil sa sabwatang ito, palagiang nakalulusot ang Abu Sayyaf sa kabila ng pagtatambak ng libu-librong tropa laban dito. Nanggagaling mismo sa AFP ang marami sa mga armas na ginagamit ng Abu Sayyaf. Iginiit rin nina Nacorda at ilan pang testigo na may patunay silang dumaan sa matataas na upisyal ng AFP ang kabayaran sa Abu Sayyaf para sa pagpapalaya ng ilang mga bihag at na nabahagian nito ang nasabing mga upisyal ng AFP.

Ayon kay Nacorda, nakatakas ang bandidong grupo mula sa kordon ng AFP sa Lamitan noong Hunyo 2-3 matapos na iutos ng mga upisyal ang pag-atras ng mga tropang militar mula sa rutang dadaanan ng Abu Sayyaf. Ang testimonyang ito ay sinuportahan ng iba pang saksi. Tinukoy ni Nacorda si Brig. Gen. Romeo Dominguez, dating kumander ng 1st Infantry Division at si Col. Juvenal Narcise, dating kumander ng 103rd Infantry Battalion, na ilan sa mga nakatanggap ng perang-panuhol mula sa Abu Sayyaf.

 


Previous articleBack to top 

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.