Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Pataasin ang antas ng lumalawak na patriyotikong nagkakaisang prente

 Read this article in English

Ikinagagalak ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga rebolusyonaryong pwersa ang pag-usbong at mabilis na paglawak ng patriyotikong nagkakaisang prente na lumalaban sa presensya ng mga tropang Amerikano at sa bulag na pagsunod ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa bawat utos at patakaran ng imperyalismong US.

Kinikilala ng Partido ang malaking potensyal ng patriyotikong nagkakaisang prente hindi lamang sa paglaban sa mga kagyat na usapin ng panghihimasok-militar ng US, kundi pati sa ibayong pagpapalakas sa kilusan para wakasan ang papet na paghahari ni Macapagal-Arroyo.

Nakamumuhi ang pangangayupapa ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US, laluna sa "digmang kontra-terorismo" ng utak-pulburang si Presidente George W. Bush ng US. Nagkukumahog si Macapagal-Arroyo na makakuha ng (a) ayuda upang tukuran ang naghihingalong ekonomya; (b) suportang militar upang ibwelo ang kontra-rebolusyonaryong todo-todong digma; at (k) suportang pampulitika laluna para sa kanyang balak na pagtakbo bilang presidente sa 2004.

Upang makamit ito, walang awat na iginigiit ni Macapagal-Arroyo ang pananatili ng mga tropa ng US sa bansa sa pamamagitan ng pagdaraos ng sunud-sunod na mga pagsasanay ng mga Amerikanong sundalo rito at pagtulak na pagtibayin ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA).

Todo-todo nitong sinusuportahan ang arogante at mapanagasang patakarang panlabas ng imperyalismong US, laluna sa balak nitong panggegera sa Iraq. Nag-iisa halos si Macapagal-Arroyo, bukod kay Prime Minister Tony Blair ng United Kingdom, na ganadong-ganadong sumusuporta sa planong ito ng US. Wala pa mang kahilingan ang US, inialok na ng papet na rehimen ang himpapawid at mga paliparan ng Pilipinas para gamitin ng militar ng US nang walang anumang pagsasaalang-alang sa pambansang interes.

Ang bulag na debosyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US, ang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at lubusang pagbalewala sa pambansang dangal ay pumupukaw sa patriyotismo ng malawak na mamamayan.

Maging ang mga tradisyunal na pulitiko kabilang ang mga kapartido ni Macapagal-Arroyo, mga taong-simbahan, taong-midya at mga independyenteng personahe ay nauudyok na manindigan laban sa kanya. Kabilang dito si Bise Pres. Teofisto Guingona na pinatalsik mula sa Department of Foreign Affairs dahil sa aktibong pagtutol sa MLSA, sa Balikatan, sa "all-out war" at sa "digmang kontra-terorismo" kaisa ng mga pwersang pambansa-demokratiko.

Tampok itong nailarawan sa pagtitipon noong Setyembre 16 ng mga senador na bumoto laban sa mga base militar noong 1991, ilang kongresista, mga progresibo at demokratikong organisasyon at personalidad. (Tingnan ang kaugnay na artikulo)

Tiyak na lalo pang lalawak ang patriyotikong nagkakaisang prente. Habang tumatagal, lalong nagiging kasuklam-suklam ang bulag na pagsunod ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa doktrinang Bush, na ngayo�y binabatikos at kinukundena ng paparaming estado at mamamayan sa buong mundo. Dahil dito, lalo pang nahihiwalay si Macapagal-Arroyo mula sa malawak na masang Pilipino.

Kinakailangang pag-ibayuhin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang higit pang pagpapalawak at pagpapatatag ng patriyotiko at demokratikong nagkakaisang prente. Kailangan ding iugnay ang patriyotikong pakikibaka sa Pilipinas sa mga patriyotikong pakikibaka ng mamamayan sa ibang bansa.

Kailangang paalabin nito ang diwa ng militanteng patriyotismo, ang aktibo at matatag na paninindigan laban sa panlulupig ng imperyalismong US sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Magiging pangunahing sandata ng patriyotiko at demokratikong nagkakaisang prente ang paglulunsad ng mga malawakang kilos protesta sa buong bansa na humihikayat sa partisipasyon ng iba�t ibang sektor at saray.

Alinsunod sa patriyotikong adyenda, kinaka-ilangang igiit ang pagbabasura sa MLSA, sa Visiting Forces Agreement at iba pang di pantay na kasunduang nagtataguyod sa interbensyunismo at hegemonismo ng US; ang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano at pagtigil sa mga pagsasanay-militar; ang muling pagsasagawa ng negosasyong pangkapayapaan sa NDF at pagtutol sa lahat ng hakbangin ng US na nagsasapanganib sa usapang pangkapayapaan; ang pagtigil sa pang-uupat ng gera ng US sa Iraq at pagbawi ng suporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa di makatarungang gerang ito.

Sa balangkas ng malapad na pagkakaisang patriyotiko, kailangang hikayatin ang mga panggitnang pwersa na dalhin ang mga kongkretong hinaing ng batayang masa laban sa imperyalistang pandarambong at pang-aapi.

Marapat na patampukin ng patriyotikong nagkakaisang prente ang mga usapin sa pang-ekonomyang soberanya at ang mga mapambusabos na patakaran ng imperyalistang "globalisasyon." Kailangang ilantad at labanan ang malawakang kahirapan at ang pangkalahatang krisis pang-ekonomyang dulot nito.

Kailangan ding hikayatin ang mga pwersang patriyotiko na matatag na labanan ang mga pasistang patakarang kaakibat ng "digmang kontra-terorismo" ng US, kabilang ang itinutulak na panukalang batas laban sa "terorismo" na naglalayong supilin ang mga saligang karapatang sibil ng mamamayang Pilipino.

Malaki ang kabuluhan ng patriyotiko at demokratikong nagkakaisang prente. Maihahambing ito sa masaklaw na pagkakaisa ng mamamayan noong 1991 laban sa mga base militar ng US na humantong sa pagbabasura ng bagong tratadong militar. Katunayan, maaaring mas marami pa ang mapabilang sa patriyotikong prenteng ito dahil tampok na tampok ngayon ang napakaraming usaping naglalantad sa imperyalistang pang-aapi sa Pilipinas at pagkapapet ng neokolonyal na republika.

Malaki ang maaaring gampanang papel ng puspusang pagkilos at paglaban ng patriyotikong nagkakaisang prente sa pagbigo sa tangka ni Macapagal-Arroyo na manatili sa poder lagpas sa 2004. Ngayon pa lamang, maaari nang mailuwal ang makapangyarihang kilusang masa para sa pagwawakas ng tutang rehimeng Macapagal-Arroyo. Isang magandang bagay kung ang hahalili kay Macapagal-Arroyo ay maninindigan para sa isang programang nagtataguyod sa pambansang soberanya at kalayaan sa larangan ng ekonomya, pulitika at militar.

 


 Back to topNext article

Oktubre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Pataasin ang antas ng lumalawak na patriyotikong nagkakaisang prente
Ang tinig ng patriyotismo ni Guingona
Pagpapatalsik sa mga base militar, ginunita
TAMPOK NA BALITA:
Matatagumpay na taktikal na opensiba

Patuloy na nang-uupat ng gera si Bush laban sa Iraq
Bush: Hitler, banta sa kapayapaan
US: Banta sa seguridad at kasarinlan ng mga bansa
Pagtutol sa gera laban sa Iraq, lumalawak
Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
Sabwatang Mike Arroyo - NAD
Mga Ulat Koresponsal:
Pagpusisyon ng mga magsasaka sa Hilagang-Kanlurang Leyte
Pagkakaisa at kapasyahang lumaban

Kapitulasyon at kriminalidad ng RPM-RPA-ABB
Ipagtanggol si Ka Joema!
PKP, nakiisa sa paggunita sa Set.11
Balita
PABATID
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.