![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Nang ilipat na si Col. Victor Corpus sa ibang gawain, hindi na ipinursige ng Philippine Army ang huwad na proyektong reforestation na "Greening Panay". Sa katunayan, pinagpuputol na nila ang ibang puno ng mahogany na ipinatanim ni Corpus. Patuloy ang pagtotroso ng mga katutubong kahoy dahil negosyo ng mga tropa mismo ng Philippine Army at CAFGU ang pagpapagawa ng mga baroto (bangkang yari sa inukit na punong kahoy). Binabayaran lamang nila ng P2,000 ang kadalasa'y apat-kataong grupong gumagawa nito at ibinebenta ang mga baroto sa Pontevedra, Capiz sa halagang P30,000 hanggang P40,000 bawat isa. Sa kabilang banda, mas mabunga at matagumpay ang praktika ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa pangangalaga sa kagubatan at kapaligiran sa pangkalahatan. Ayon kay Ka Sylvia, isa sa mga nangungunang kadre sa Panay, sa maraming barangay sa Tapaz at Jamindan, Capiz, ang mga organisadong masa mismo ang nagtatakda kung saang bahagi lamang ng kahuyan maaaring magputol ng puno at mangaso. Itinatakda rin nila kung kailan lamang pwedeng ibukas ang mga lugar na ito. Sa mga lugar na relatibong konsolidado, ipinagbabawal ng demokratikong gubyernong bayan ang komersyal na pagbebenta ng troso at ang paggamit ng chainsaw, maliban na lamang kung ang kahoy ay gagamitin sa konstruksyon ng mga pangangailangan ng komunidad tulad ng mga paaralan at health center. Binubuksan din lamang ang mga lugar na ito sa paggawa ng mga baroto, pero ito'y sa mga buwan lamang ng Abril hanggang Hulyo, ang panahon ng tigkiriwi o taggutom. Pwede lamang magbenta ang mamamayan ng kahoy o tabla kung ang mga ito ay galing sa dati nang natumbang kahoy o mga naanod na troso sa Pan-ay River. Bukod sa pagbabawal sa pagtotroso, naging patakaran din ng demokratikong gubyernong bayan ang pagbabawal sa pagkakaingin. "Ang masa na mismo ang nagtulak ng pagbabawal para mapreserba ang mga punong kahoy, lupa at mga hayop," ani Ka Sylvia. Upang matiyak ang pagpapatupad ng mga patakarang ito, pinakikilos ng demokratikong gubyernong bayan ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at tinutulungan sila ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sinumang mahuling lumalabag sa mga patakarang ito ay pinagtatanim sa mga takdang lugar ng mga likas na punong kahoy tulad ng acacia, apitong, molave, narra, lawaan o yakal at hindi ng komersyal at mapangwasak na mahogany. Bukod sa pangangalaga sa kagubatan, pinangangalagaan din ang mga ilog at sapa. Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lason tulad ng Endrin, Cymbus at iba pa para sa pangingisda rito. Masigasig na naglulunsad ng mga kampanya sa pagpapalawak ng produksyon ng palay nang hindi nakasalig sa mga kemikal na pataba at pestisidyo. Naglulunsad rin ng mga kampanya sa pagpapaunlad ng kabuuang antas ng produksyon. Sa gayon, nahihikayat ang mga magsasaka na huwag iasa ang kanilang kabuhayan sa paggawa ng baroto at pagtotroso. Ipinagbawal din ang pagtatanim ng Bt corn. Kasabay nito, nagbibigay ang rebolusyonaryong kilusan ng mga pagsasanay kung papaano haharapin ang mga kalamidad at ng edukasyong masa kaugnay sa pagpreserba ng kalikasan. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|