Mabungang taon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Central Luzon
Mabunga ang taong 2004 para sa rebolusyonaryong pakikibaka sa Central Luzon. Bunsod nito, punung-puno ng kasigasigan ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon sa pagpasok sa ika-37 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Armadong pakikibaka. Ang mga tagumpay sa larangan ng armadong pakikibaka ay nagpapakita sa determinasyong isulong ang rebolusyon "maging sa kalupaang patag, hindi masukal at nasa bukana lamang ng sentro ng reaksyon sa Maynila". Tampok sa mga ito ang serye ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 15. Binigwasan ang mga armadong tropa ng rehimeng Arroyo sa iba't ibang larangang gerilya ng rehiyon. Sa kabuuan, 52 sundalo at pulis ang napatay sa lahat ng taktikal na opensiba sa rehiyon noong 2004.
Nagtagumpay ang mga taktikal na opensiba ng BHB dahil sa aktibong paglahok at suporta ng masa, na nagsisilbing mga mata at tenga ng hukbong bayan, mataas na diwang lumaban ng mga Pulang mandirigma, at pag-unlad sa mga teknika at taktika sa labanan bunga ng tuluy-tuloy na mga pulitiko-militar na pagsasanay.
Wala ni isang sibilyan ang nadamay sa mga opensibang inilunsad ng BHB sa CL. Hindi rin sinaktan ang mga sundalong sumuko at yaong wala na sa katayuang lumaban (hors de combat). Pagtalima ito sa internasyunal na mga batas ng digma at pagrespeto sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. "Kabaligtaran ito ng kontra-rebolusyonaryo at anti-mamamayang karahasan ng reaksyunaryong AFP na nagmasaker sa hindi armadong mga manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita na naggigiit lamang ng lehitimo nilang kahilingan at karapatan," anang Komiteng Rehiyon ng PKP-Central Luzon.
Maging sa mga labanang depensibo, nagpakita ng husay at tatag ng loob ang mga Pulang mandirigma. Tinukoy ng PKP-CL ang nangyari sa Pe�aranda, Nueva Ecija noong Oktubre 3 at sa Pura, Tarlac noong Oktubre 11. Sa Pe�aranda, nakapatay at nakasugat ang BHB ng tinatayang 10 sundalo nang makaengkwentro nila ang 56th IB at 71st IB. Binaligtad ng militar ang pangyayari at ipinangalandakang walong Pulang mandirigma ang kanilang napatay. Sa katunayan, wala ni isa mang napinsala sa BHB.
Samantala, sa Pura, mahigit isang batalyong sundalo at pulis ang nagtangkang durugin ang isang platun ng BHB sa Sityo Umangan, Barangay Balite. Ngunit pagkatapos ng tatlong oras na labanan sa tubuhan, napatay ang siyam na reaksyunaryong tropa. Sa labanang ito, nagtulungan ang mga yunit sa Tarlac, Pampanga at Nueva Ecija sa pag-ayuda sa napalabang mga kasama. Malaki ang naitulong ng maagap na pagpapaabot ng masa ng impormasyon ukol sa kaaway at sa pag-atras ng mga kasama.
Rebolusyong agraryo at iba pang pagkilos. Sa isang larangang gerilya sa Nueva Ecija, nakinabang ang mahigit 4,000 manggagawang bukid sa pagpapataas ng sahod sa pagtatanim at 1,000 pa sa pagpapataas ng hunusan pabor sa mga manggagapas. Libu-libo ang nakinabang sa pagpapataas ng presyo ng palay at sibuyas sa maraming bayan at sa pagpapababa ng interes sa usura.
Maging ang ligal na pakikibakang agraryo ay sumusulong. Pinakatampok ang militanteng pakikibaka ng mga anakpawis sa Hacienda Luisita. Isinisigaw sa welga na nagsimula noong Nobyembre 6 ang panawagan para sa kasiguruhan sa trabaho, pagpapataas ng sahod at mga benepisyo, gayundin ang pagbabasura sa Stock Distribution Option (SDO) at panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Sinuportahan ito ng libu-libong mga kapamilya at simpatisador. Nasa kaibuturan nito ang matagal nang minimithing karapatan sa lupang patuloy na inaangkin ng mga Cojuangco, anang PKP-CL.
![](../../angbayan/images/050107/clreb.gif)
"Masaker ang itinugon ng mga Cojuangco at ng pasistang rehimeng Arroyo sa lehitimong kahilingan at pakikibaka ng masang anakpawis sa asyenda," ayon sa PKP-CL. Labing-apat na welgista at demonstrador ang napatay. Lalong pinag-alab ng masaker ang galit ng masang manggagawa, magsasaka at manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita. Umani ng malawakang pagkundena ang masaker kapwa mula sa masang anakpawis at ilang seksyon ng naghaharing uri. Nakatutok ang paniningil sa mga Cojuangco at sa rehimeng Arroyo sa kanilang karumal-dumal na krimen.
Kilusang masa sa kalunsuran. Masiglang sumusulong ang pakikibaka ng mamamayan sa rehiyon. Sumulong ang mga lokal na pakikibaka na pana-panahong tinahi ng mga pamprubinsya at panrehiyong pagkilos. Nakasabay ang mga ito sa mga pambansang kilusang masa at mga kilos protesta at sa ilang pagkakataon ay nagpakita ng malaking inisyatiba sa maagang pagharap sa maiinit na isyu. Halimbawa nito ang ilang ulit na paglulunsad ng welga sa transportasyon laban sa patuloy na pagtaas na presyo ng langis.
Inilunsad ang dalawang araw na "Lakbay Riles" ng mamamayang laban sa North Rail Transit Project noong Nobyembre 29 at 30 mula Meycauayan hanggang Malolos sa Bulacan, mula Sto. Tomas hanggang Clark sa Pampanga at mula Tarlac City hanggang Bamban sa Tarlac. Nagsimula ang $503 milyong proyekto noong Nobyembre 3. Daan-daang libong pamilyang maralita ang mapapalayas mula Caloocan City hanggang Tarlac dahil dito.
Patuloy na nakikibaka ang mga manggagawa para sa matas na sahod at laban sa panunupil sa karapatang mag-unyon at magwelga at laban sa kontraktwalisasyon. Nilalabanan ng militanteng kabataan ang pagtaas ng matrikula at pagpapataw ng iba pang walang katwirang bayarin. Tinututulan din nila ang korporatisasyon ng mga unibersidad at kolehiyo na ibinunsod ng sobrang pagliit ng pondo para sa edukasyon.
Sa ngayon, napipinto ang muling pagbwelo ng kilusang masa ng mga guro dahil sa pagkaantala ng mababa na nga nilang sweldo. Biktima rin sila ng pangungurakot ng mga pulitiko at ng upisyales ng Department of Education.
Nilalabanan naman ng mga maralitang lunsod ang demolisyon ng kanilang mga bahay.
Paglakas ng Partido. Patuloy ang paglaki ng kasapian ng Partido sa rehiyon. Umaabot na ito ng ilang libo at inaasahang higit pang bibilis ang tantos ng paglaki nito dahil sa sigla ng kilusang masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Pinakamalaking nag-ambag sa paglaki ng kasapian ng Partido ang mga kasama sa puting purok mula sa pagtatapos ng 2003 at nitong 2004.
Nagpugay ang Partido sa mga rebolusyonaryong martir tulad ni Ka Jojo Talens (Boyet o Von), isang kagawad ng Komiteng Rehiyon na kabilang sa pitong nasawi sa isang labanan sa San Felipe, Zambales noong Marso 9. Gayundin, nagpugay ang PKP-CL sa 14 na martir ng Hacienda Luisita at kay Marcelino Beltran (Ka Marsing), lider magsasaka na pinaslang ng mga militar sa San Isidro, Tarlac City noong Disyembre 8.
Halaw sa pahayag ng Komiteng Rehiyon ng PKP-Central Luzon
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|