![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang unang Mayo Uno ng bagong milenyo ay isang magandang pagkakataon upang ipagdiwang ang mga tagumpay na patuloy na inaani ng uring manggagawang Pilipino at ibayong palakasin ang hanay ng mga anakpawis para sa lalong malalaking paglaban. Pagbaka sa mga patakaran ng rehimeng US-Estrada. Ang militanteng hanay ng mga manggagawa ay nasa unahan ng mga paglaban sa mga patakarang nagpapahirap at umaapi sa sambayanang Pilipino. Noong 1999, pinangunahan ng mga manggagawa ang mga pagkilos laban sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, sa tangkang pagbabago sa konstitusyon, sa ratipikasyon ng Visiting Forces Agreement at para sa P125 dagdag sa arawang sahod. Nitong Marso 30, sa kabila ng mga tangka ng reaksyunaryong rehimen na biguin ito, ang matagumpay na koordinadong welgang transportasyon ay pumaralisa sa mga mayor na ruta ng dyip sa buong kapuluan (tingnan ang kaugnay na balita). Dumagundong ang pagtutol ng mamamayan sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at sa ipinapanukalang pabigat na road user's tax; gayundin ang panawagan para patalsikin ang gubyernong Estrada. Dumaraming mga welga. Ibinubunsod ng papatinding paghamak ng reaksyunaryong rehimen sa mga manggagawa ang patuloy na pagdami ng mga welga. Sa unang tatlong buwan lamang ng taong ito, pumutok na ang 16 na welgang kinasangkutan ng may 6,000 manggagawa. Ito ay 37% na ng kabuuang bilang ng nagwelgang manggagawa (15,517) sa buong 1999. Kasabay nito, mahigit 140 pang notice of strike ng may 40,000 manggagawa ang itinala sa Department of Labor and Employment (DOLE). Noong 1999, natuloy ang 58 welga mula sa kabuuang 849 notice of strike (na kinasasangkutan ng 162,000 manggagawa) na isinampa sa DOLE. Nitong Abril, nagwelga rin ang mga manggagawa ng Solidbank, PT&T at Duty Free Philippines, Inc. Ito ay dahil sa nakaambang malawakang tanggalan bunsod ng pagsasanib ng mga kumpanya, at sa pagtanggi ng kani-kanilang maneydsment na ibigay ang makatarungang iginigiit ng mga manggagawa. Ang mga ito ay tanda ng lumalawak na pagtutol ng mga manggagawa sa patuloy na pagdausdos ng sahod, malawakang kontraktwalisasyon at tanggalan, masasahol na kundisyon sa paggawa at pagsupil sa mga karapatang mag-unyon, magwelga at makipagtawaran.
Ibayong militansya laban sa pasismo. Sa halip na masawata ng pasismo ang galit ng mga manggagawa, lalo lamang nitong pinag-aalab ang kanilang diwang mapanlaban. Matitingkad na halimbawa nito ang welgang inilunsad ng mga manggagawa ng Shoemart (SM) noong huling kwarto ng 1999 at ang nagpapatuloy pang welga sa Manila Hotel na nagsimula noong Pebrero ng taong ito. Noong Nobyembre 1999, paulit-ulit na marahas na sinalakay ng pulis at mga bayarang maton ang mapayapang piket sa harap ng mga sangay ng SM. Maraming manggagawa at mga tagasuporta ang nasaktan at nasugatan. Subalit hindi nito nasuheto ang pakikipaglaban ng mga manggagawa para sa karampatang sahod at seguridad sa trabaho. Sa pagpupunyagi, naipagtagumpay ng mga manggagawa ng SM ang P65 dagdag sa arawang sahod nila. Ilang ulit ding binuwag ng mga pulis ng Western Police District (WPD) ang piketlayn ng mga manggagawa ng Manila Hotel. Subalit ilang ulit din itong muling itinayo ng militanteng mga manggagawa. Noong Pebrero 14, habang nagpoprograma ay marahas na binuwag ng WPD ang pagtitipon at inaresto ang tatlong welgista kabilang ang lider ng Manila Hotel Employees Association. Noong Marso 11, dinakip ang 10 welgista habang may misa sa piketlayn. Marami pang ibang welgista at kadamay ang nasaktan at nasugatan. Naulit pa ang pandarahas ng mga tropa sa piketlayn noong Marso 14. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy ang mga manggagawa sa paglaban upang igiit ang kanilang mga karapatan. ![]()
| ||||||||||||||||||||||||||||||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|