Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga balita ng pakikibaka

 Read this article in English

Martsa-caravan ng mga magsasaka, matagumpay na inilunsad

Libu-libong maralitang magsasaka mula sa Hilaga at Gitnang Luzon at Timog Katagalugan ang naglunsad ng isang linggong martsa-caravan nitong ikatlong linggo ng Oktubre upang ilantad at tutulan ang malawakang paglabag sa mga karapatangtao sa kanayunan at ang laganap na pagpapalit-gamit at pang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka, igiit ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at itulak ang pagpapatalsik kay Estrada.

Matagumpay na nailunsad ang martsa-caravan sa kabila ng makailang-ulit na panghaharas ng pulisya at militar sa mga demonstrador bago sila makarating sa Metro Manila.

Rurok ng kilos-protesta ng mga magsasaka ang rali sa Mendiola nitong Oktubre 20 kung saan isinigaw ng mga demonstrador ang malaking pananagutan ng rehimeng Estrada sa uring magsasaka at ang kagustuhan nilang alisin ito sa poder. Bago nito, naglamay ang mga magsasaka sa tapat ng Department of Agrarian Reform at sa tanglaw ng mga sulo ay binatikos nila ang huwad na programa sa reporma sa lupa ng rehimeng Estrada. Naglunsad rin ng programa sa bawat bayang tinigilan ng mga demonstrador.

Alyansa, binuo, sunud-sunod na rali idinaos upang igiit ang pagbibitiw ni Estrada

Isang multisektoral na alyansa, ang "ESTRADA RESIGN MOVEMENT", ang binuo nitong Oktubre upang pamunuan ang kilusan para igiit kay Joseph Estrada na kusa siyang magbitiw, kundi'y patatalsikin siya.

Puu-puong libong mamamayan mula sa iba't ibang uri, sektor at pwersang pampulitika ang naglunsad ng sunud-sunod na kilos-protesta nitong huling hati ng Oktubre upang isigaw ang "Erap resign!" bunga ng iskandalo hinggil sa hweteng na ibinunyag ni Luis "Chavit" Singson at iba pang kasong kriminal na kinasasangkutan ni Estrada.

Nitong Oktubre 18, nagtipon ang umabot sa 20,000 mamamayan sa Ayala Avenue sa Lunsod ng Makati upang ipahayag ang kanilang kagustuhang tanggalin si Estrada sa poder. Kabilang sa mga tagapagsalita sa rali ay mga kinatawan ng mga militanteng organisasyon, mga dating rebeldeng militar, mga taong simbahan, mga negosyante at mga pulitikong anti-Estrada. Tulad ng naganap sa mga malakihang rali noong dekada '80 laban sa pasistang diktadurang Marcos, umulan ng confetti mula sa matatayog na gusali sa Makati. Iwinagayway ang samutsaring kulay ng mga bandila ng iba't ibang grupo at organisasyon na nagkaisa sa panawagang magbitiw si Estrada. Idineklara ng mga demonstrador sa Makati na linggu-linggo silang magdaraos ng rali hangga't hindi nagbibitiw si Estrada.

Sinundan ito ng iba pang mga kilos-protesta nitong Oktubre 25 at 27 di lamang sa Metro Manila kundi sa mga lunsod ng Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Davao, Butuan, Pagadian at Iligan. Sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila, nagbuo rin ng kani-kanyang alyansa tulad ng "No-Erap" (Negros Occidental-Estrada Resign as President) sa Negros, I-scrap Erap (Ilonggos Solidarity Campaign to Remove Erap as President) sa Panay, "Resign Now" sa Lunsod ng Davao at "Resign, Impeach and Oust Erap Now Movement" sa Lunsod ng Butuan.

Bago nito, nagdaos din ng prayer rally nitong Oktubre 17 ang iba't ibang personalidad na anti-Estrada sa pangunguna nina Corazon Aquino at Jaime Cardinal Sin. Ang prayer rally na dinaluhan ng mahigit 2,000 katao ay ginanap sa EDSA Shrine sa Lunsod ng Mandaluyong. Dito'y binatikos nila ang kawalan ni Estrada ng moral na karapatang mamuno at nanawagan si Aquino kay Estrada na magbitiw na.

Matatagumpay na taktikal na opensiba, inilunsad sa Bikol

Isang serye ng matatagumpay na taktikal na opensiba ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan sa Bikol ngayong Oktubre. Bukod sa matataas na kalibreng armas na nasamsam ng mga Pulang mandirigma, apat na tropa ng kaaway ang namatay at walo ang sugatan sa mga opensiba:

Nitong umaga ng Oktubre 10, isang kalibre .50 at kalibre .30 masinggan, isang M16 at dalawang radyo ang nakumpiska nang tambangan ng BHB ang mga elemento ng 31st IB ng Philippine Army sa Sityo Patag, Barangay San Isidro, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte. Dalawang sundalo ang namatay at anim ang nasugatan sa ambus.

Ayon sa ulat koresponsal mula sa BHB-Bikol, ang mga tinambangang sundalo ay lulan ng isang armored personnel carrier (APC) at sasaklolo sana sa iba pang mga tropa ng 31st IB na nireyd ng BHB sa Sityo Butan ng naturan ding baryo noong umaga ring iyon. Nawasak ang APC nang pasabugan ito ng land mine. Sabaysabay na pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo na nagkaripasan ng takbo.

Samantala, isang sundalo ng 42nd IB ng Philippine Army ang namatay at isa ring sundalo ang nasugatan nang tambangan sila ng BHB nitong Oktubre 3 nang madaling araw. Ang mga sundalo ay inambus habang nagpapatrulya sa Barangay Haguimit, Lupi, Camarines Sur. Batay sa ulat koresponsal ni Kasamang Ramona Caceres ng Public Information Office ng BHB sa Camarines Sur, ang opensiba ay matagumpay na nailunsad sa tulong na rin ng mga lihim na kontak sa AFP.

Samantala, isang pulis ang namatay nang salakayin ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng Philippine National Police sa Tanday, Nabua, Camarines Sur nitong Oktubre 7. Noong araw ding iyon, pinarusahan ng BHB si Cpl. Arnulfo Esquelo sa Barangay San Roque, Bulan, Sorsogon.

1 sundalo patay, 4 sugatan sa pananambang sa Abra

Isang sarhento ng Philippine Army ang namatay habang si Capt. Hector Adriano at tatlo pang sarhento ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa Baay-licuan, Abra nitong Oktubre 23. Ang mga tinambangang sundalo ay pawang mga elemento ng 17th IB.

1 sundalo, 3 CAFGU patay sa ambus sa Agusan

Isang sundalo at tatlong elemento ng CAFGU ang namatay nang tambangan sila ng BHB nitong Oktubre 17 sa Barangay San Policarpio, San Luis, Agusan del Sur. Ang mga inambus na tropa ay kabilang sa pinagsanib na 32nd at 36th IB ng Philippine Army.

Kumpanya sa pagtotroso, pinarusahan sa Isabela

Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Benito Tesorio Front (BTF) ng BHB ang isang kumpanya sa pagtotroso sa Isabela. Sinalakay ng BHB noong Setyembre 21 ang logging pond ng Liberty Logging Corp. (LLC) sa Barangay Dicamay Uno, Jones at sinunog ang siyam na trak, dalawang buldoser at isang tanker. Tinatayang umabot sa P5 milyon ang pinsalang tinamo ng LLC.

Ayon sa ulat koresponsal ng BTF, pinarusahan ang kumpanya dahil sa patuloy na paglabag nito sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan na nagbabawal sa malakihang komersyal na pagtotroso (corporate logging) sa lugar. Maagap ding tugon ito, anang BTF, sa kagustuhan ng mamamayan sa lokalidad na itigil na ang pagtotroso. Naisagawa ang opensiba sa kabila ng walang humpay na operasyon ng 502nd Brigade ng Philippine Army.

1 sundalo patay, 1 sugatan sa ambus sa Mt. Province

Isang sundalo ang namatay at isa ang nasugatan nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma nitong Oktubre 2 sa Bontoc, Mountain Province. Ang mga inambus na sundalo ay kabilang sa 19th Special Forces Company ng Philippine Army.

Bagong partidong pulitikal, itinatag

Itinatag nitong Oktubre 27 ang "Bayan Muna", isang partidong pampulitikang kinaaaniban ng mga maralitang sektor ng lipunan. Layunin nitong harapin ang mga isyu ng korupsyon, dayuhang paghahari at pyudal na pagsasamantala. Ang partidong pinamumunuan nina Satur Ocampo (presidente), Dr. Reynaldo Lesaca (tagapangulo), Crispin Beltran at Nathaniel Santiago ay lalahok sa halalan sa 2001.

 


Previous articleBack to top 

Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Sa harap ng malubhang krisis sa pulitika:
Patuloy ang pagdausdos ng ekonomya

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa

Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana

Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok

Sa ilalim ng VFA:
Pang-aabuso ng tropang Amerikano

Ang United Nations:
Tagapagtanggol ng imperyalismo

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.