Pagbatikos sa doktrinang Bush
Matinding batikos ang inaani ngayon ng bagong "doktrinang Bush" at kaakibat nitong "gerang walang hangganan". Lumalawak at lumalakas ang mga protesta ng mga progresibo at demokratikong pwersa at mamamayan sa loob mismo ng US at iba't ibang panig ng mundo.
Kasabay nito, lumalaganap ang matitinding pagbatikos mula China at Russia hanggang sa mga alyadong bansa ng US sa Europe at South America. Maaari itong humantong sa pandaigdigang pagkakahiwalay ng US.
Tinuligsa ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang deklarasyon ni Bush ng pagpapalawak ng gerang agresyon ng US. Nagbabala ang China na magkakaroon ng "seryosong kahihinatnan" ang deklarasyon ni Bush kung aktwal na susundan ito ng mga aksyong militar.
Binatikos din ni Vladimir Putin, Prime Minister ng Russia, ang pagpapalawak ng US ng gera sa Afghanistan at pagdadala nito saanmang bahagi ng daigdig.
Sinabi ni French Foreign Minister Hubert Vedrine na nababahala ang France sa "simplistiko at unilateral" na paggawa ng US ng mga desisyon "batay sa sariling pananaw sa mundo at sa sariling interes" at sa kaakibat na pagpapalawak ng gera laban sa "terorismo" lampas sa Afghanistan. Binatikos din niya ang ginagawa ng US na "paglilimita sa pagpapasya sa sarili, soberanya at kalayaan sa pagkilos ng iba pang bansa sa daigdig".
Matindi rin itong binatikos ni Chris Patten, External Affairs Commissioner ng European Union, sa harap ng pulong sa Spain ng mga foreign minister ng Europe. Ayon kay Patten, dapat pumusisyon na ang mga Europeo laban sa "unilateral na pananagasa" ngayon ng US. Ang pusisyon ni Patten ay sinuportahan ng lahat ng dumalo sa pulong.
Samantala, dumistansya ang Japan sa deklarasyon ni Bush nang ipinahayag ni Prime Minister Junichiro Koizumi na patuloy na bukas ang kanilang pintuan sa pakikipag-usap sa Iraq, Iran at North Korea. Inilinaw niyang "May sariling paraan ang Japan na iba sa US".
Ayon naman sa World Social Forum's Peace Conference (WSFPC), ang US ay "nagpapataw sa daigdig ng mga kagustuhan nito sa pamamagitan ng dahas", "lumikha na ng bagong klima ng Cold War sa daigdig" at umaakto nang "permanenteng ahente ng teror" sa daigdig. Dumalo sa kumperensyang ito ang ilang humahawak ng Nobel Peace Prize at iba pang personaheng nagtataguyod ng kapayapaan sa daigdig. Ayon pa sa WSPC, "malinaw na nawalan na ng papel ang United Nations".
Kinundena rin ng World Parliamentary Forum (WPF) ang pagdedeklara ng US sa Iran, Iraq at North Korea bilang "Axis of Evil" at mga bagong target ng "unilateral na atakeng militar" ng US. Dinaluhan ang pulong ng WPF ng 1,155 mambabatas at upisyal mula sa 40 bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|