Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan

 Read this article in English

Higit na tuminding kahirapan. Ang patuloy na paglala ng krisis sa ekonomya ng bansa ay nagdudulot ng papatinding kahirapan sa mamamayan, laluna sa panig ng masang anakpawis. Ayon sa pahayag ng National Statistical Coordination Board ng gubyerno, lumala ang karalitaan sa bansa mula 36.8% noong 1997 hanggang 40% nitong 2000. Itinuturing ng NSCB na maralita ang isang pamilyang may anim na myembro kung mababa sa P12,000 (o P461.54 sa bawat araw ng paggawa) ang kinikita nito sa isang buwan. Higit pa rito ang karalitaan kung susundin ang pamantayan ng National Wages and Productivity Commission, isang ahensya sa ilalim ng DOLE. Ayon sa NWPC, kailangan ng P15,270 (o P587.31 sa bawat araw ng paggawa) para lamang mapunan ang saligang mga pangangailangan sa pamumuhay ng isang anim-kataong pamilya. Sa survey naman na ginawa nitong Marso ng Social Weather Station, isang pribadong ahensya sa pananaliksik, 15% - pinakamataas na sa kasaysayan ng bansa - ang nagugutom, at 59% ang tumuturing sa sarili na maralita. Mahigpit ang kaugnayan ng ibayong paglala ng karalitaan sa bansa sa higit na lumalaking bilang ng mga walang trabaho, kasabay ng kababaan ng sweldo ng mga manggagawa.

Lumalalang kawalan ng trabaho at pagbagsak ng kabuhayan. Ayon sa upisyal na istadistika ng gubyerno, nitong ikalawang kwarto ng 2001, mahigit 4.1 milyon na o 13.3 % ng pwersa sa paggawa ang walang hanapbuhay. Malaki ang iniakyat nito mula sa abereyds na 9.8% noong 1999, 11.1% noong 2000, at 11.4% noong unang kwarto ng 2001. May 5.4 milyon o 17.5% pa ang walang sapat na hanapbuhay. Maging sa mga may trabaho, 2.7% ang hindi nakapagtrabaho at 38.7% ang nagtrabaho nang kulang sa 40 oras sa loob ng isang linggo.

Hindi pa kasama sa upisyal na bilang ng mga walang trabaho at walang sapat na trabaho nitong ikalawang kwarto ang mga 4.3 milyong nagtatrabaho para sa pamilya nang walang bayad. Malaki rin ang iniakyat nito mula 3.3 milyon noong 1999 at 3.4 milyon noong unang kwarto. Mula sa 11.5 milyong "nagtatrabaho para sa sarili", kalakhan sa agrikultura at sa sektor ng serbisyo, malaki-laki pa ang bilang ng mga alanganin ang hanapbuhay, tulad ng mga dispatser ng dyipni, sidewalk vendor, basurero at iba pang nasa tinataguriang impormal na sektor. Ni hindi rin isinasama sa mismong bilang ng pwersa sa produksyon ang 15.1 milyong mga maybahay, estudyante, retirado at may kapansanan, na pawang hindi nagtatrabaho.

Sa halip na lumaki, lumiit pa nga ang bilang ng mga may trabaho. Noong 1999, lumiit na ito nang 458,000 kumpara sa 1998 at noong isang taon, lumiit pa ito nang karagdagang 223,000. Patuloy itong lumiliit sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Mula Enero hanggang Mayo 2001, umabot na sa 218 kumpanya ang nagsara at 817 ang nagbawas ng mga manggagawa. Bunga nito, mahigit 26,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho. Mula sa hanay naman ng mabababang kawani ng gubyerno, may nakatakda pang 100,000 tatanggalin sa trabaho sa pamamagitan ng pagsusulong ng programang pribatisasyon ng mga korporasyong pag-aari ng estado.

Dagdag dito, may mahigit isang milyong magsasaka taun-taon ang natataboy ng sobrang kahirapan at kawalan ng lupang masasaka at hanapbuhay sa kanayunan, bumubuhos sa kalunsuran para maghanap ng trabaho at dumaragdag lamang sa puu-puong milyon nang maralita ng lunsod. May 1.3 milyon ang nataboy ng kahirapan sa kanayunan noong 1998-99, 1.5 milyon noong 1999-2000, at tuluy-tuloy pang lumalaki ang bilang na ito. Taun-taon din ay mayroon pang 800,000 hanggang 1,000,000 kabataang naidaragdag bilang bagong pwersa sa paggawa. Naghahanap din ng trabaho ang mga ito.

Time bomb ng mga migranteng manggagawa. Ang tanging sumasalo sa malaki at patuloy na lumalaking disempleyo ay ang maramihang eksport ng lakas-paggawa. Ang kanilang iniuuwi o ipinadadalang $7 bilyong dolyar taun-taon ang isa sa pangunahing sinasandigan ng ekonomya at pinansya ng bansa sa ngayon. Bumubuo ito ng halos 40% ng GNP ng bansa. Dulot ng paglala ng disempleyo ngayon, lalong dumaraming Pilipino ang nangingibang-bansa. Mayroong 2,300 ang lumalabas sa bansa araw-araw para maghanap ng trabaho. Tinatayang sa loob ng isang taon ay isang milyon pa ang maidaragdag sa mahigit pitong milyon nang migranteng manggagawang nasa ibayong dagat. Subalit hindi malayong masasagad na rin ang mga oportunidad sa trabaho rito. Simula 1999, malawakang nagtanggal nang mga manggagawang dayuhan ang mga bansa sa Asia. Patuloy na ipinatutupad ng gubyerno ng Saudi Arabia ang "Saudization", kung kaya pauuwiin na ang 800,000 Pilipino na nagtatrabaho roon. Sa kasalukuyan, mayroong 60,000 manggagawang Pilipino sa mga pagawaan ng alahas ang pinauwi. Isang lumalaking time bomb ang malaking bilang ng migranteng manggagawa, na sasambulat sa dambuhalang krisis sa empleyo at kabuuan ng ekonomya kapag mapilitan nang magsiuwian ang kalakhan sa kanila.

Napakababang sahod. Malaalipin na pagpapasahod naman ang dinaranas ng mga may trabaho. Ang P250 minimum na arawang sahod ay wala pang kalahati ngayon ng P587.31 na minimum na kailangan sa isang araw para buhayin nang disente ng isang manggagawa ang kanyang anim-kataong pamilya. Magpagayunman, mas marami pang pagawaan at empresa ang hindi pa rin nagpapatupad nito. Iginigiit ng kilusang manggagawa at ng mga sumusuporta rito ang pangangailangan ng pagsasabatas ng P125 karagdagan sa arawang sahod ng mga manggagawa. Ngunit walang ginagawa ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo para rito at sa halip ay sinisikap nitong linlangin ang mga mangagawa sa pamamagitan ng paghahain ng kaunting mumo.

Pagtataas ng mga bilihin at gastusin. Ang mababang sahod ng mga manggagawa ay malayong iniwan na at patuloy na iniiwan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Papataas ang tantos ng implasyon mula pa 1999. Nasa 6.8% na ito ngayong Hulyo, mula sa 6.5% noong Mayo at 4.3% noong katapusan ng 2000. Ang pangunahin pang tumataas ay ang presyo ng mga saligang pangangailangan ng masa tulad ng pagkain at mga inumin, pabahay (housing services) at mga serbisyo. Pangunahing humahatak sa pagtaas ng mga ito ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pagbaba ng halaga ng piso sa palitan at ang mataas na tantos ng interes. Ang pumipigil na lamang sa higit pang pagtataas ng presyo ng mga bilihin ay ang malaking kabawasan sa kinokonsumo ng mamamayan, dahil sa kawalan ng pambili. Ang purchasing power (kakayahang bumili) ng piso noong 1994 ay makabibili na lamang ng halagang P0.62 ngayon.

Maging ang mga batayang serbisyong panlipunan ay nagiging mas mahal na rin para sa mamamayan at laluna para sa batayang masa. Sa pagpapatupad ng Power Reform Act, kunwa'y ibinaba nang 30 sentimo ang batayang singil sa kuryente, pero binabawi naman ito sa paniningil ng karagdagang universal charge (pangkalahatang singil) sa kuryente. Bago nito, pinahintulutan din ng Malakanyang ang pagtataas ng singil ng Maynilad sa tubig. Nakasalang ngayon ang panukalang itaas sa 21% (mula 8.4%) ang kakaltasin sa sweldo ng mga manggagawa at empleyado para sa kanilang bahagi ng kontribusyon sa SSS. Para umano ito makabawi ang SSS sa ilang bilyong inilugi nito sa mga nakaraang taon, dulot ng mga katiwalian sa pamamahala sa pondo na kagagawan ng mga pinuno nito at ng pinatalsik na rehimen.

Higit pang kahirapan ang maaasahan ng malawak na masa ng sambayanan sa ilalim ng patuloy na pag-iral ng bulok na sistemeng malakolonyal at malapyudal sa bansa, laluna bunga ng masugid na pagtataguyod at pagpapatupad ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa "globalisasyon" at iba pang patakaran ng imperyalista. Kailangang ilantad at labanan ang mga pagkukunwari at lalo pang pagpapalala ng rehimen sa mga kagyat at saligang suliranin ng mamamayan.

 


Previous articleBack to topNext article

Agosto 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan
Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Mga kagyat na kahilingan ng mamamayan

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan
Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mga balita ng pakikibaka
Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.