Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

 Read this article in English

Mariing kinundena ng mga kawani ng gubyerno ang maruruming maniobra ni Estrada at ng kanyang mga alipures upang takutin at pwersahin sila na suportahan ang kanyang kinamumuhiang rehimen. Militante silang naninindigan, kakapit-bisig ang iba pang inaaping sektor ng lipunan, para sa pagpapatalsik kay Estrada at para sa kanilang mga karapatan at kagalingan.

Dumanas ng ibayong pahirap ang mga kawani dulot ng mga kontra-manggagawa at maka-imperyalistang patakarang ipinatupad at isinabatas ng rehimeng US-Estrada. Pinalalala ng mga patakaran ng pleksible at murang lakas-paggawa ang busabos na kalagayan ng lahat ng manggagawang Pilipino, kabilang ang mga kawani ng gubyerno. Sa pampublikong sektor, ipinatutupad ito sa pamamagitan ng programang pribatisasyon at ng walang katapusang reorganisasyon ng burukrasya na nagresulta sa malawakang tanggalan ng mga regular na kawani.

Mayroong mahigit 1.3 milyong kawani ang reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Napakahalaga para sa reaksyunaryong nasa poder ang kanilang serbisyo bilang mga guro, sundalo, pulis at mga manggagawa ng mga estratehikong institusyon. Kung kayat ang kanilang aktibong pakikipaglaban ay siguradong makapagpapabilis sa pagpapabagsak sa gubyernong Estrada.

Nararapat para sa susunod na reaksyunaryong rehimen na kagyat na tugunan ang mga kahilingan ng mga kawani kung ayaw nitong matulad sa rehimeng Estrada. Ang sumusunod ay ilan sa kanilang mga panawagan:

SWELDO NG MGA KAWANI, DAGDAGAN NG P3,000! Mas mababa sa minimum na sahod ang aktwal na natatanggap na sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Ibayo pang dumausdos ang tunay na halaga nito dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at batayang serbisyo. Sa kabila nito, tumanggi ang rehimeng Estrada na tugunan ang iginigiit ng mga kawani na para sa P3,000 pagtaas ng lagi't lagi nang naaantalang sweldo. Sa halip, ininsulto ng rehimen ang lumalabang mga manggagawa nang itaas ang sweldo nang hanggang 10% lamang.

Kinakailangang paglaanan sa pambansang badyet ng gubyerno ang across the board na pagdagdag sa sweldo ng mga kawani sa buong bansa o kung hindi ay magkaroon ng espesyal na alokasyon para rito. Sapat na ang P46.8 bilyon upang tugunan ang iginigiit ng lahat ng kawani. Wala pa sa kalahati ang naturang halaga sa alokasyong inilaan sa pagbabayad ng utang panlabas.

IGAWAD SA MGA KAWANI ANG KARAMPATANG MGA BENEPISYO! Sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 87, itinigil ni Estrada ang mga insentibong pantawid-krisis katulad ng amelioration pay at iba pang katulad na benepisyo ng mga kawani. Pinanatili niyang kakarampot ang natatanggap na iba pang benepisyo tulad ng personal at economic relief allowance (P1,000/ buwan), 13th month pay at Christmas bonus. Ipinagpatuloy din ng rehimeng Estrada ang tusong GSIS Act of 1997 na nagpataw ng dagdag na obligasyong kontribusyon ng mga kawani sa institusyon sa kabila ng kawalan ng signipikanteng pagbabago sa mga benepisyo. Sa katunayan, ipinagkakait pa nito ang buong retirement benefits sa mga kawani. Masahol pa, ginagamit ni Estrada ang pondo ng GSIS bilang pautang sa mga negosyo ng kanyang mga pinapaborang kaibigan at kroni.

Tungo rito, kailangang ibasura ang AO 87 at iregularisa ang amelioration pay at iba pang benepisyo sa pambansang badyet. Kailangan ding repasuhin ang mga patakaran ng GSIS at itigil ang kalakarang pagpapautang ng pondo nito sa mga pribadong kumpanya.

IBASURA ANG KONTRA-MANGGAGAWANG MGA PATAKARAN AT ITAGUYOD ANG MGA KARAPATAN NG MGA KAWANI! Pagkaupo ni Estrada, pinirmahan niya ang santambak na anti-manggagawang Executive Order (EO). Partikular na mapang-api sa mga kawani ng gubyerno ang mga EO 102, 165, 162, 191, 223, 271, at 281, na pawang pumapatungkol sa pagbuwag, reorganisasyon at pribatisasyon ng buu-buong burukrasya at yumurak sa kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho. Nandyan din ang Proclamation No. 50 ng gubyernong Aquino hinggil sa pagtanggal at pagtanggap ng mga bagong kawani sa ilalim ng programang pribatisasyon. Sa loob ng mahigit dalawang taong panunungkulan ni Estrada, libu-libong kawani na ang sinibak ng kanyang gubyerno.

P9.36 bilyon: amelioration pay (P7,200) ng 1.3 milyong kawani

P46.8 bilyon: P3,000 across the board na dagdag sa buwanang sweldo ng 1.3 milyong kawani

P56.16 bilyon: pinagsamang halaga

P651 bilyon: Kasalukuyang badyet (P70-bilyong pagtaas mula sa 1999 badyet)

P5.3 bilyon (P11/ araw): inilaang badyet para sa salary adjustment (FY2000)

P4,400: minimum na sweldo

P1,496: tunay na halaga nito noong 1999

Kailangang ibasura ang mga patakarang nagbigay-laya sa reorganisasyon at pagbuwag ng mga institusyon at itaguyod ang seguridad sa trabaho ng mga kawani sa lahat ng panahon. Gayundin, kailangang iregularisa ang kasalukuyang higit 120,000 kawaning kontraktwal at kaswal.

Ginagamit din ng reaksyunaryong gubyerno ang kawalan ng batas na nagtataguyod sa mga batayang karapatan para mag-unyon at magwelga upang panatilihing busabos ang kalagayan ng mga kawani at supilin ang anumang paglaban mula sa kanilang hanay. Hinahadlangan ng Civil Service Commission (CSC) at mga maneydsment ng mga pampublikong institusyon ang pag-oorganisa sa sarili ng mga kawani. Dagdag rito, tahasang nilalabag ng CSC Memorandum Circular No. 06 at Executive Order No. 180, Series of 1987 at iba pang mga batas ang mga karapatang pang-unyon ng mga kawani.

Kailangang kagyat na ipawalambisa ang mga sirkular at alintuntunin na lumalabag sa karapatan ng mga kawani ng gubyerno na magwelga at maglunsad ng iba pang kolektibong aksyon. Dagdag pa, kailangang ipasa ang batas na magtataguyod sa kanilang karapatang mag-unyon at magwelga.

ITIGIL ANG PRIBATISASYON NG MGA PAMPUBLIKONG KORPORASYON! Hindi alintana ng rehimeng Estrada ang malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa ilalim ng programang pribatisasyon ng reaksyunaryong gubyerno. Kabilang sa mga nabiktima na nito ang mga kawani sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Petron, Philippine Airlines, Manila Hotel, National Steel Corp. at Light Railway Transit. Sa National Power Corporation (NAPOCOR), umabot na sa 2,341 empleyado ang natanggal sa serbisyo sa huling bahagi ng 1999 sa pamamagitan ng tusong Special Disengagement Program nito. Tinatayang higit 900 pang manggagawa ang masisisante matapos ang pribatisasyon ng NAPOCOR. Sa Philippine Postal System, nanganganib na mawalan ng trabaho ang 17,000 manggagawa matapos itong isapribado. Pitumpu't limang porsyento (75%) naman ng 6,000 empleyado ng National Food Authority sa buong bansa ang mawawalan ng hanapbuhay oras na ibenta sa pribadong sektor ang naturang ahensya.

Napakamapaminsala ng pribatisasyon hindi lamang sa kapakanan ng mga manggagawa kundi sa buong ekonomya ng bansa. Kailangang itigil ang programang ito kasabay ng pagpapawalambisa sa lahat ng maka-imperyalistang patakaran ng "globalisasyon". Kailangan ding kagyat na muling bilhin ng gubyerno ang isinanla na nitong mga pampublikong korporasyon katulad ng mga nagbibigay ng serbisyong edukasyon, kalusugan, patubig at iba pa.

Malinaw sa mga lumalabang kawani ng gubyerno na bahagi lamang ng pangkabuuang iginigiit ng mamamayan ang kanilang mga ipinapanawagan. Tungo rito, kaisa ang mga manggagawa sa pampublikong sektor ng lahat ng inaaping sektor sa lipunan sa panawagan para sa pambansang pagbabago sa balangkas ng tunay na demokrasya.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!
Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.