Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Walang makabuluhang pakinabang ang bayan sa nagdaang eleksyon

 Read this article in English

Naganap na naman ang isang reaksyunaryong prosesong elektoral. Sa konteksto ng patuloy na lumalalang krisis panlipunan at tuminding banggaan ng mga reaksyunaryo, inilantad ng prosesong ito sa napakalinaw na paraan ang kabulukan at kainutilan ng naghaharing reaksyunaryong sistemang pampulitika. Ginamit ng mga reaksyunaryong pulitiko at partido ang karahasan, pera, pandaraya at samutsaring paraan ng panlilinlang sa mamamayan sa kanilang pag-papaligsahan para sa poder.

Tulad sa nakaraan, ginamit ang kagaganap na eleksyon para likhain ang ilusyong mayroong demokrasya sa bansa at silawin ang mamamayan sa mga demagohikong pangako, samutsaring palabas at pamumudmod na pera. Naging isa rin ito sa pinakamarumi at pinakamagulong eleksyon.

Ang eleksyong 2001 ay naging isa rin sa pinakamadugo sa kasaysayan ng bansa. Tulad ng dati, ang nagdaang eleksyon ay nagsilbing ekstensyon ng marahas na bangayan ng mga reaksyunaryo. Ang igting ng labanan sa eleksyong ito ay salamin ng ibayong pagsidhi ng bangayang ito.

Naisin mang gamitin ng mga reaksyunaryo ang eleksyon upang plantsahin ang kanilang mga tunggalian, anuman ang maging resulta nito�y nagsisilbing pundasyon para sa higit pang pagmamaniobrahan at marahas na pag-aagawan sa poder.

Bahagyang nakaaangat sa eleksyon para sa Senado ang mga kandidato ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Gayunman, lumilitaw na madaragdagan pa ang nananatiling malakas na pusisyon ng reaksyunaryong oposisyong maka-Estrada sa Senado. Malakas din ang naipakikitang pagpupwesto ng kampong maka-Estrada sa Kongreso at mga lokal na pamahalaan. Nagkukumahog at nag-uunahan ang dalawang pangunahing kampo ng mga reaksyunaryong pulitiko at partido para dayain ang mga resulta ng nagdaang eleksyon at makamit ang mas mapagpasyang kalamangan sa katunggali. Maaaring itong magbunga ng kaguluhan at magpatindi sa kanilang bangayan.

Patuloy ang pagkakaligalig ng pamumuno ng kampong Macapagal-Arroyo sa naghaharing estado at sistema. Hindi pa nalulubos ang proseso ng pag-uusig at paglilitis kina Estrada. Kasabay nito, nagsisikap na rin itong makipagkompromiso at makipagtulungan sa kampong Estrada. Sa kabilang panig, gagamitin ng kampong Estrada ang napagwagian nilang mga pusisyon bilang tuntungan para patuloy na hamunin at muli�t muling tangkaing makipag-agawan ng poder sa kampong Macapagal-Arroyo, sa marahas o pailalim kundi man sa ligal na pamamaraan.

Sa harap ng lahat ng mga ito, patuloy na malakas ang panawagan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan na parusahan si Estrada at mga kriminal niyang kasapakat. Matinding lalabanan ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa at ng mamamayan ang mga kompromiso at konsesyong ibinibigay ngayon ng rehimen kay Estrada. Sa darating na panahon, tatampok ang kawalang-kakayahan ng naghaharing rehimen at ng buong naghaharing sistema na resolbahin ang tuluy-tuloy at papalalang krisis at kaguluhan sa reaksyunaryong pulitika.

Walang makabuluhang pakinabang ang mamamayan sa naganap na eleksyon. Patuloy ang paghaharing pyudal at burukratang kapitalista sa lahat ng antas ng pamahalaan at sistemang pampulitika sa bansa. Monopolisado ng mga kinatawan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri at ng iba�t ibang kampo at partido pulitikal nila ang mga panalo at iba pang pakinabang sa ganitong mga eleksyon. Sa ilalim ng reaksyunaryong sistema, mumo lamang ang ipinamumudmod ng mga reaksyunaryong pulitiko na maraming pera at "regalo" sa masa. Tiyak na mas malaki pa ang kakamalin ng mga reaksyunaryong pulitikong ito sa pamamagitan ng malakihang pangungurakot at pandarambong minsang makaupo sila sa kapangyarihan.

Sa pamamagitan ng puspusang pagsulong ng kilusan ng mga demokratiko at progresibong pwersa at paglakas ng organisadong hanay ng masa, nagkaroon ng munting puwang ang ilang progresibong pwersa at kinatawan ng mga organisasyon ng mamamayan na makalahok at manalo sa eleksyon. Kabilang ang pakikibakang elektoral at parlamentaryo sa arsenal ng mga rebolusyonaryo. Subalit, sekundaryo ito sa rebolusyonaryong pakikibakang armado; at maging sa hayag na kilusang masa.

Ang malaking botong nakuha ng Bayan Muna sa eleksyong party-list ay nagsalamin ng mataas na prestihiyong natamo ng mga progresibong pwersa. Bunga ito sa ng puspusan at tuluy-tuloy na pakikibaka para sa kapakanan ng mamamayan, at ng pakikibaka upang patalsikin si Estrada. Gayunpaman, ang tatlo nitong kinatawang pinahihintulutang makaupo sa kongreso ay sadyang napakaliit at hindi makatitibag sa dominanteng pusisyon ng mga reaksyunaryong pulitiko na nagtataguyod sa interes ng mga naghaharing uri.

Mahalagang mailinaw ang mga limitasyon ng pagkilos ng mga progresibo sa loob ng reaksyunaryong parlamento at gubyerno. Habang relatibong mababa pa ang antas ng rebolusyonaryong lakas at kapangyarihan, mananatiling malakas pa rin ang pag-iral at kapit sa masa ng luma�t bulok na pulitika. Napakaliit ng puwang sa loob ng reaksyunaryong sistema para pawiin ang kabulukan at katiwalian sa pamahalaan, baguhin ang sistemama at kamtin ang mga repormang tunay na pakikinabangan ng mamamayan. Kaalinsabay, naririyan ang maraming balakid. Kabilang dito ang maruming pulitika at ang pasistang mga atake at anti-komunistang red-baiting laban sa kanilang mga organisasyon at tauhan. Matindi rin ang karahasang dinanas ng mga progresibong pwersang lumahok sa eleksyon. Sa buong panahon ng kampanya, hindi kukulangin sa 12 coordinator at boluntir ng Bayan Muna ang iligal na inaresto, dinukot, tinakot, sinaktan o pinatay ng mga sundalo at pulis.

May mahalagang papel ang elektoral na pakikibaka at pagkilos sa loob ng reaksyunaryong parlamento para sa mga progresibo at demokratikong pwersa. Pundamental at pangunahing tungkulin natin dito na ilantad ang kabulukan at labanan ang reaksyunaryong sistema mula sa loob, at ipahayag at ituro ang direksyon tungo sa rebolusyonaryong alternatiba. Kaalinsabay, maaaring samantalahin ang mga puwang at pagkakataon para sa taktikal na kapakinabangan ng mamamayan at ng progresibo at demokratikong kilusan. Ito, habang mahigpit na binabantayan at nilalabanan ang pang-aakit at paglamon sa kanila ng bulok na sistema.

Sa iba pa ring mga paraan, pinakinabangan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kundisyong nilikha ng nagdaang reaksyunaryong eleksyon. Ginamit ang iba�t ibang pagkakataon upang patampukin ang mga isyu�t kahilingan ng mamamayan, isulong ang armadong pakikibaka, palakasin ang rebolusyonaryong pwersa, palawakin ang nagkakaisang prente, at samantalahin at higit na palalain ang hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan ang mga piling taktikal na opensiba. Ginamit ng rebolusyonaryong kilusan sa mahusay na paraan ang pagkakataon upang pairalin at ipamalas ang kapangyarihang pampulitika nito at isakatuparan sa mga teritoryo nito ang mga rebolusyonaryong patakaran, kabilang ang pagsingil ng access fee sa pagpasok ng mga reaksyunaryong pulitiko sa mga larangan at sonang gerilya. Pinarusahan ang mga despotikong pulitikong may mga utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan. Kaugnay nito, kailangang paghandaan ang pananalakay ng mga sandatahang pwersa ng estado sa mga larangang gerilya. Iniutos na nina Macapagal-Arroyo at DND Sec. Angelo Reyes ang paglulunsad ng mga atake sa BHB pagkatapos ng eleksyon. Umano�y pagganti ito sa mga pagpaparusa at paniningil ng access fee na ginawa ng BHB sa panahon ng eleksyon.

Ang higit pang mahalaga para sa rebolusyonaryong kilusan ay ang paglilinaw sa mamamayan na walang tunay at pangmatagalang makabuluhang matatamasa ang bayan sa naganap na eleksyon. Sa bawat pagkakataon, sinikap ilinaw sa masa ang rebolusyonaryong alternatibo sa umiiral na kaguluhan at krisis ng reaksyunaryong sistemang pampulitika. Lalo pa itong magiging malinaw pagkatapos ng eleksyon, sa paglaho ng mga demagohikong pangako ng mga pulitiko at kawalan ng makabuluhang mga pakinabang na nakikita at natatamasa ng mamamayan.

Matagal nang dumaraing ang mamamayan sa mga baryo at sakahan, mga pagawaan, at mga komunidad ng mga maralita sa lunsod. Lalong lumalakas ang paghuhumiyaw nila para sa tunay at pundamental na mga solusyon sa mga saligang problema ng bayan, laluna sa lumalalang kahirapan at kaapihan ng maralitang mamamayan.

Tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang nasa katayuan na pamunuan at dalhin ang sambayanan sa landas ng tunay at pangmatagalang solusyon sa mga saligang suliranin ng bayan.

 


 Back to topNext article

Mayo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Walang makabuluhang pakinabang ang bayan sa nagdaang eleksyon
Sa ilalim ng bagong rehimen:
Mga ipinaglalaban ng manggagawang Pilipino

Panayam kay Ka Roger
Muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, matagumpay na idinaos
Mga Ulat Koresponsal:
Laban sa pandarambong sa yaman ng Kordilyera

Mga Ulat Koresponsal:
Mamamayan sa Gitnang Kabisayaan, masiglang lumahok sa pakikibakang anti-Estrada

Mga Ulat Koresponsal:
Mga taktikal na opensiba, patuloy na inilulunsad sa Kabikulan

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pagpaparusa sa Hilagang Mindanao, ipinaliwanag

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.