Todo-todong pagsasakatuparan ng mga imperyalistang dikta sa ekonomya
Sa kabila ng mariing pagbatikos sa imperyalistang �globalisasyon" hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig, walang rendang ipinatutupad pa rin ng rehimeng US-Estrada ang mga patakarang nagbubukas sa pambansang ekonomya sa walang sagkang pandarambong ng mga imperyalistang bansa.
Pag-upo pa lamang ni Estrada bilang presidente, agad na nitong tinangkang baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon upang tanggalin sa isang kumpas ang anumang nalalabing probisyong nagbibigay-proteksyon sa pambansang patrimonya. Tumampok ang usapin ng pag-amyenda sa mga probisyong nagbabawal sa dayuhang pag-aari ng lupa at mga public utility kaalinsabay sa balak ni Estrada na pahabain ang termino ng kanyang gubyerno.
Gayundin, sa pagmamadali ni Estrada, agad na ipinasa ng reaksyunaryong senado ang Visiting Forces Agreement (VFA), isang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US. Pinahihintulutan ng VFA ang mga tropa ng US na gamitin ang anumang lugar sa Pilipinas para sa kanilang mga layuning pangmilitar. Epektibo nitong itinransporma ang bansa sa isang malaking baseng militar ng US.
Noong nakaraang mga buwan, bilang pagtupad sa kundisyon para sa mga bagong pautang, minadali ng gubyernong Estrada ang pagsasabatas ng pribatisasyon ng mga pampublikong kumpanya at buung-buong pagbubukas ng mahahalagang sektor ng ekonomya sa kontrol ng mga dayuhan. Ilan sa mga pinakasignipikante ay ang sumusunod:
Retail Trade Bill. Ipinasa ito ng reaksyunaryong kongreso at senado noong Disyembre 1999, sa kabila ng pagtutol ng maliliit na komersyante. Ang pagtitingi, isa sa pinakahuling larangan ng ekonomya na may proteksyon para sa lokal na maliit na kapital, ay bubuksan sa 100% pag-aari ng dayuhang malalaking kapitalista. Sa napakaliit na halagang $50,000 (P200,000), maaari nang magtayo ang anumang dayuhang kumpanya o indibidwal ng mga specialty shop na tatapat sa mga maliliit na tindahang Pilipino. At sa halagang $2.5 milyon, maaari nang magtayo ng mga supermarket ang malalaking dayuhang kumpanya sa pagtitingi at punuin ang mga ito ng hanggang 70% mga imported na produkto.
Electricity Industry Reform Bill (o ang Omnibus Power Bill). Itinakda ng panukalang ito ang pribatisasyon ng National Power Corporation (NAPOCOR) at pagreorganisa sa sektor ng enerhiya bilang "pribadong sektor". Inaalis nito ang power generation (paglikha ng kuryente) sa listahan ng mga public utility at pahihintulutan ang 100% dayuhang kontrol dito. Upang bigyang-pabor ang mga multinasyunal o kroni ni Estrada na bibili sa NAPOCOR, ang P3-trilyong utang ng kumpanya ay ipapapasan sa mamamayan sa pamamagitan ng dagdag na buwis o abot-langit na singilin sa kuryente.
Securities Bill 2000. Ang batas na ito ay hakbang patungo sa lubusang deregulasyon ng Philippine Stock Exchange, ang pangunahing pamilihan ng sapi at bono ng mga lokal na korporasyon. Tinatanggal nito ang papel ng gubyerno sa regulasyon ng stock market at itinataas ang minimum na rekisitong kapital ng mga korporasyong nagnenegosyo sa stock market (brokerages) bilang paghahanda sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon at pagsipa sa mas maliliit na empresa.
Mga susog sa General Banking Act. Inamyendahan nito ang General Banking Act na una nang nagpahintulot sa malayang pagpasok ng 10 dayuhang bangko sa bansa. Bilang pagpapalawak sa probisyong ito, lubusan nang ibinubukas ang lokal na industriya sa pagbabangko sa 100% pag-aari ng mga dayuhan. Paghahanda ito sa partisipasyon ng mga dayuhang monopolyong bangko at negosyo sa pribatisasyon ng Philippine National Bank at iba pang bangkong kasalukuyang pag-aari pa ng gubyerno. Ipinasa ito noong Disyembre 1999 at pinirmahan ni Estrada nitong Mayo.
Ang mga panukalang ito ay mabilisang ipinasa ng Kongreso at Senado noong Abril bilang pagtalima sa mga kundisyon ng International Monetary Fund (IMF) para sa $1 bilyon pautang na nakalaan para tustusan ang dambuhalang depisit sa pambansang badyet, ilang proyektong pangimprastruktura at pagreporma sa sektor pampinansya.
Kaugnay nito, inaasahang kikita ng bilyun-bilyon ang reaksyunaryong gubyerno mula sa pagbebenta ng NAPOCOR at PNB sa mga pinapaborang multinasyunal o kroni ni Estrada. Tiyak na gagamitin ito bilang pondo sa eleksyong 2001.
Sa harap ng patuloy na paglala ng krisis pangekonomya, ipinatutupad ng rehimeng US-Estrada ang pinakamasasahol na anti-mamamayang patakaran upang tiyakin ang pananatili nito sa estado-poder.
Dagdag sa naturang mga batas, isa-isang pinalulusot nito ang iba pang patakarang unti-unting nagtatanggal sa mga taripa at buwis na ipinapataw sa mga inangkat na produkto. Pagtalima ito sa mga utos ng WTO para sa ganap na liberalisasyon ng kalakalan. Patuloy din ang pagtataguyod at pagtatanggol ni Estrada sa pinakamasasahol na patakaran ng nakaraang mga rehimen tulad ng deregulasyon ng industriya ng langis.
Inaasahan ni Estrada na maipapasa ang mga panukalang magpapataw ng dagdag na buwis sa mamamayan sa susunod na sesyon ng kongreso. Alinsunod ito sa utos ng IMF at mga kaalyado nitong pribadong bangko na itaas ang kita ng reaksyunaryong gubyerno upang matiyak na matutugunan nito ang obligasyong magbayad ng utang. Higit 10 panukala na ang nakasampa sa kongreso. Nakatakda ring isapribado ang lahat ng nalalabing pampublikong korporasyon, malalaking ospital at mga paaralan.
|