Malisyoso ang SOMO ng Hulyo 22
Hindi katanggap-tanggap sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang suspension of offensive military operations (SOMO) na ipinag-utos ni Maj. Gen. Jose Lachica, kumander ng Southern Luzon Command, nitong Hulyo 22. Ayon sa pahayag nitong Agosto 8 ni Kasamang Luis Jalandoni, myembro ng NDFP Executive Committee, ang naturang SOMO ay "ginawa nang may masamang layunin, malisyoso at arogante."
![](../../angbayan/images/0007/somo.gif)
Ang SOMO na epektibo raw mula Agosto 1-14 at pinalawig hanggang sa katapusan ng buwan ay para umano bigyang-daan ang pagpapalaya kina Army Maj. Noel Buan at P/Chief Insp. Abelardo Martin.
Subalit taliwas sa umanong layuning ito, arbitraryong itinakda ni Lachica ang oras at lugar ng pagpapalaya. Labag ito sa prinsipyong ang pagpapalaya ay dapat iluwal ng isang kasunduan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Malayung-malayo ito sa SOMO nang palayain ng BHB sina P/Chief Insp. Rene Francisco at Sgt. Joaquin Melad noong 1997 at Brig. Gen. Victor Obillo at Capt. Eduardo Montealto noong 1999.
Ang mapanlinlang na SOMO na ito ay malinaw na nagsasapanganib sa kaligtasan ng yunit ng Pulang hukbong kumukupkop sa mga bihag at mismong sa dalawang bihag ng digma. Wala rin ni anumang prubisyon dito para sa kaligtasan ng mga taong maiimbwelto sa proseso ng pagpapalaya. Ayon na rin mismo sa pahayag ng ilang matataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), maaari pa rin nilang atakehin ang mga yunit ng BHB na nasa mga lugar na saklaw ng SOMO kapag may isinasagawang mga "teroristang aktibidad" ang mga ito.
Ang mapanlinlang na SOMO na ito ay malinaw na nagsasapanganib sa kaligtasan ng yunit ng pulang hukbong kumukupkop sa mga bihag at mismong sa dalawang bihag ng digma. Wala rin ni anumang prubisyon dito para sa kaligtasan ng mga taong maiimbwelto sa proseso ng pagpapalaya. |
Patuloy pa ring tinatagurian ng AFP ang dalawang bihag na upisyal bilang mga hostage. Taliwas ito sa prinsipyong ang pagbihag ng mga upisyal ng reaksyunaryong AFP ay isang lehitimong akto sa digmaan (legitimate act of war).
Dagdag pa, patuloy na nagpapakalat ng disimpormasyon ang AFP tungkol sa kalagayan at kalusugan ng dalawang bihag, bagay na nagpapatunay sa kanilang desperasyon sa harap ng mga bigong "rescue operations". Sa katunayan, tulad ng pagtrato sa dating mga bihag ng BHB, mahusay na pinatutunguhan sina Buan at Martin alinsunod sa Geneva Conventions at mga protokol nito at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Si Buan ay inaresto noong Hulyo 7, 1999 ng isang yunit ng Melito Glor Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Lucena, Quezon. Binihag naman ng BHB si Martin noong Nobyembre 3, 1999 nang lusubin ng mga Pulang mandirigma ang istasyon ng pulisya sa Dolores, Quezon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|