Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

5 kaaway patay sa labanan sa Misamis Occidental

Dalawang sundalo at tatlong elemento ng CAFGU ang namatay nang magkasagupa ang mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Misamis Occidental Front Operational Command (MOFOC) ng BHB at mga elemento ng "A" Coy ng 5th IB at 34th Military Intelligence Company ng Philippine Army sa Barangay Manalac, Sapang Dalaga noong Oktubre 2.

Unang namataan ng nagtatanod na mga gerilya ang paparating na mga sundalo. Agad na nakapagmaniobra ang BHB at pinaputukan ang mga sundalo.

Sa isang pahayag nitong Oktubre 4, sinabi ni Ismael Marte, tagapagsalita ng PKP-BHB sa Western Mindanao, na ang bilang ng mga kaswalting idinulot ng BHB sa kaaway ay patunay ng mataas na moral at matatag na pagkakaisa ng mga Pulang kumander at mandirigma maging sa harap ng mga depensiba at pag-atake ng mas malaking bilang ng kaaway. Pinabulaanan din ni Marte ang ulat ng 101st Bde sa midya na 12 Pulang mandirigma ang namatay sa labanan.

LIMANG tropa na kabilang sa Special Operations Team (SOT) ng Philippine Army ang napatay sa dalawang magkahiwalay na ambus ng BHB sa Albay at Isabela nitong huling linggo ng Setyembre.

Sa Albay, apat na elemento ng isang SOT sa ilalim ng 31st IB ang napatay nang ambusin sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Oma-oma, Ligao City nitong Setyembre 28. Nagsasagawa sila ng "barangay immersion" — isang bahagi ng "kontra-insureksyong" operasyon ng SOT sa naturang baryo — nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma bandang ika-3:30 ng hapon. Namatay ang sarhentong namuno sa SOT at tatlo pang sundalo. Nakumpiska sa kanila ang pitong M16, mga bala at iba pang kagamitang militar.

Bago ito, isang sundalo ang napatay at isa pa ang malubhang nasugatan sa pag-isnayp ng BHB sa SOT ng 502nd Bde sa Isabela noong Setyembre 23. Nag-ooperasyon noon ang mga sundalo sa Barangay Villa Bello, Jones nang birahin ng mga Pulang mandirigma.

Mga kawani ng gubyerno, nagprotesta laban sa pagkakait ng mga benepisyo

Sukdulan ang galit ng mga kawani sa pamunuan at maneydsment ng Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa ginawa nitong paglustay sa kanilang pinaghirapang ipon. Simula noong Mayo, pansamantalang itinigil ang pagpapautang at pagbibigay ng mga benepisyo at pensyon sa mga kasapi ng GSIS dahil bangkarote na ang institusyon.

Noong una, idinahilan ng pamunuan na ang pagsasaayos ng kanilang sistema ang sanhi ng pagkaantala ng pagbibigay ng mga pautang at pensyon. Nitong huli, inamin na nitong kulang ang pondo ng GSIS dahil diumano sa hindi pagbibigay ng mga departamento ng gubyerno ng mga kaukulang remitans para sa mga benepisyo at pensyon ng kanilang mga kawani.

Iginigiit ng mga kawani ang agad na pagbibigay ng kanilang mga benepisyo, ang pagpapatupad ng mga dati nang proseso sa pagpapautang, pagtigil sa paniningil ng mas mataas na kontribusyon, pag-imbestiga at pagkaso sa pamunuan ng GSIS at pagkakaroon ng kinatawan ng mga kawani sa board of directors ng institusyon.

Bantayog para sa mga rebolusyonaryong martir, itatayo sa Iloilo

Isang bantayog para sa mga martir at bayani ng pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos ang itatayo sa Plaza Libertad sa Iloilo City. Magsisilbi itong alaala ng aabot sa 300 kalalakihan at kababaihan mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante at iba pang sektor sa Panay na nagbuwis ng kanilang buhay sa pakikipaglaban sa pasistang diktadura.

Humigit-kumulang isandaang kamag-anak at mga kaibigan ng mga martir kabilang na ang mga kasapi ng mga organisasyon sa karapatang-tao ang dumalo sa groundbreaking ceremony para sa itatayong monumento noong Setyembre 21, ika-31 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.

Ang naturang proyekto ay inisyatiba ng Panay Alliance-Karapatan, Mothers and Relatives against Tyranny (MARTYR), Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (SELDA), at Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Guingona, Legarda, umalis sa partido ng administrasyong Arroyo

MAGKASUNOD na tumiwalag sa partidong Lakas nitong Oktubre 1 at 2 sina Sen. Loren Legarda, bise presidente ng partido para sa Visayas, at Bise Presidente Teofisto Guingoina, pangulo ng partido. Kapwa nila idinahilan ang di pagkakatugma ng kanilang mga prinsipyo at paninindigan sa mga pinaiiral na patakaran ng partido ng rehimeng Arroyo.

Malaon nang sumasalungat si Guingona sa papet, pasista at kontra-mamamayang mga patakaran ng rehimeng Arroyo. Sa pag-alis, aniya, sa partidong Lakas, maaari na niyang lantarang batikusin ang rehimen. Katunayan, tinuligsa na niya ang rehimen dahil sa kabiguan nitong tupdin ang mga repormang ipinangako niya noong iluklok siya sa Malakanyang ng malawak na pagkilos ng mamamayan.

Umalis ang dalawang lider ng partido sa gitna ng mga preparasyon ni Arroyo para tumakbo bilang presidente sa 2004, taliwas sa kanyang ipinangako noong Disyembre 30, 2002.

Ang pagtiwalag ng dalawa ay positibong hakbangin sa pangkalahatang pagbabatikos sa rehimeng Arroyo. Batay sa kanilang mga positibong paninindigan sa mga isyu, mas mabuti para kina Guingona at Legarda na huwag sumali sa anumang partidong oposisyon na bulok, oportunista at anti-mamamayan din tulad ng kanilang nilisan.

Pinakamaige na makipag-ugnayan ang dalawang lider sa mga progresibo at demokratikong pwersang nasa unahan ng mga prinsipyadong pakikibaka sa mga makabuluhang isyu laban sa naghaharing reaksyunaryong rehimen at sistema.

Umaasa ang PKP na marami pang kasapi ng Lakas ang susunod sa ipinakitang halimbawa nina Guingona at Legarda na walang takot sa pagbatikos at pagbubunyag sa mga kaso ng korapsyon, pagpapakatuta, militarismo at iba pang anti-mamamayang hakbangin ng Malakanyang.

2 sundalong tumiwalag sa AFP, humarap sa midya

Pormal na ipinrisinta sa midya noong Oktubre 5 ang dalawang sundalong tumiwalag sa AFP noong Agosto. Sina PFC Boboy Abduhasad at Cpl. Edward Quirante ng 29th IB ay humarap sa isang press conference na ipinatawag ni Jorge Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao para pabulaanan ang ulat ng AFP na pinatay sila ng BHB.

Tumiwalag sina Abduhasad at Quirante noong Agosto 7 sa San Luis, Agusan del Sur at nag-entrega ng siyam na malalakas na armas sa BHB. Kasama nilang tumiwalag ang iskwad ng CAFGU na kanilang pinamumunuan.

Reyes at Corpus, may bago nang pusisyon

Binigyan ng promosyon ang dalawang upisyal na kamakailan lamang ay napilitang magbitiw dahil sa mga kaso ng pasismo at korapsyon.

Hinirang ni Presidente Arroyo si dating Defense Sec. Angelo Reyes bilang ambassador-at-large para sa kontra-terorismo at si Gen. Victor Corpus bilang hepe ng Civil Relations Service ng AFP.

Ibinasura na ng rehimen ang imbestigasyon sa mga kaso ni Reyes. Tuwang-tuwa naman si Corpus sa kanyang bagong pusisyon dahil bagay na bagay daw ito sa kanyang kasanayan bilang eksperto sa saywar laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Arroyo, primera-klaseng mamamayan ng US — Ambassador Ricciardone

Sa todong pagpapakapapet ni Presidente Arroyo sa US, pwede na nga siyang ituring na mamamayan ng bansang iyon. Ito mismo ang sinabi ni US Ambassador Francis Ricciardone sa harap ng Foreign Correspondents' Association of the Philippines noong Oktubre 1. Aniya, si Arroyo ay "isang primera-klaseng mamamayan ng United States..."

Bilang ng maralita sa US, nadagdagan ng mahigit 1 milyon

Mahigit isang milyong mamamayan ng US ang nadagdag sa hanay ng mga maralita noong taong 2002, ayon sa Bureau of Census doon nitong Setyembre 26. Batay sa depinisyon nito ng maralitang mamamayan, lumaki ang kanilang bilang mula 32.9 milyon tungong 34.6 milyon mula 2001 hanggang 2002. Gayundin, tumaas ang tantos ng karalitaan nang mula 11.7% tungong 12.1% sa parehong panahon. Bumaba naman nang 1.1% mula 2001 ang kita ng abereyds na pamilya.

Salik sa tumataas na tantos ng karalitaan at pagbagsak ng kita ng mamamayang Amerikano ang tumataas na tantos ng disempleyo nitong nakaraang dalawang taon.

 


Previous articleBack to top 

07 Oktubre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Gloria Macapagal-Arroyo, numero unong ipokrita

Igiit at ipagtanggol ang ligal at demokratikong pakikibaka ng mamamayan
Pagmasaker sa apat na aktibista sa Compostela Valley, mariing kinundena
Sa Ilocos-Cordillera
Mga kasinungalingan ng AFP, binatikos ng BHB

Milyun-milyong pisong nakawan sa PAGCOR
Lumalakas, lumalawak ang rebolusyonaryong unyonismo
Gera ng mga tribo at ang bodong sa Cordillera
Sa Ibayong Dagat:
Tunggalian sa Middle East

US at Israel, umaani ng malawak na pagkundena

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.