Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong

 Read this article in English

Patuloy ang pagsulong ng armadong pakikibaka at buong rebolusyonaryong kilusan sa Negros.

Patuloy na lumalawak ang mga larangang gerilya sa isla. Umaabot na sa libu-libo ang organisado at impluwensyado mula sa ilandaan noong 1992. Dahil masinop sa gawaing masa at pagsasapraktika ng linyang masa, napakikilos ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang masa sa pagtatayo at pagpapatibay ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa kanayunan.

Sa pamamagitan ng antipyudal na kampanyang masa, nakapagkamit ang masa ng kongkretong mga benepisyo mula sa paglaban sa pangangamkam ng lupa; at para pababain ang upa sa lupa, pataasin ang sahod, pababain ang usura at paunlarin ang produksyon. Kaugnay nito, lumalaganap ang pagsulong ng mga kampanya sa edukasyon, organisasyon, kalusugan, depensa, kultura, arbitrasyon ng mga kaso, anti-krimen at iba pa.

Pinapanday ng armadong rebolusyonaryong kilusan ang pagkakaisa at lakas ng mamamayan at binibigyang-inspirasyon ang ligal na pakikibakang masa sa mga sentrong lunsod at kabayanan ng isla laban sa rehimeng US-Estrada.

Mula pa noong huling kwarto ng 1993, namantine ang tuluy-tuloy na pagsulong ng mga sektoral at multisektoral na mga pakikibaka ng mamamayan para ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong interes laban kapwa sa rehimeng Ramos at Estrada na parehong pangunahing kinatawan ng imperyalismong US, malalaking kumprador at panginoong maylupa. Sa taong ito, napataas ang militansya at sigla ng mga pakikibaka ng mamamayan para patalsikin ang rehimeng Estrada. Ipinamalas ng mga manggagawa kasama ang mga magsasaka, kabataang estudyante, kababaihan at iba pang positibong pwersa ang kanilang lakas sa pagsusulong ng kanilang mga pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka.

Nakamit ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros ang gayong mga tagumpay sa gitna ng ibayong pahirap sa mamamayan ng isla ng mga pakana ni Eduardo 'Danding' Cojuangco Jr. at ng kanyang mga kasapakat.

SA REBOLUSYONARYONG KILUSAN HUMIHINGI NG KATARUNGAN ANG MAMAMAYAN SA PAGSASAMANTALA AT PANG-AAPI NI COJUANGCO AT NG KANYANG MGA KASAPAKAT.
Ginagamit nila ang lokal na burukrasya upang ibayong makopo ang iba't ibang negosyo at kontrata at upang patindihin ang malawakang pangangamkam ng lupa.

Libu-libong pamilya ng mga magsasaka ang dumaranas ng kagutuman. Madalas ay nagtitiyaga na lamang ang masa sa pagkain ng mga halamang-ugat upang may ipantawid-gutom. Wala nang lupa ang mga magsasaka dahil sa malawakang pangangamkam ng lupa na tulung-tulong na isinasagawa ng malalaking panginoong maylupa, kumpanya ng pagmimina at malalaking burukratang kapitalista.

Mahigit 30,000 manggagawang bukid ang napipintong mawalan ng hanapbuhay sa mga lunsod ng Bago at Bacolod, maging sa mga bayan ng Valladolid at San Enrique dahil sa pakanang proyektong irigasyong magsisilbi sa korporasyong agribisnes nina Cojuangco at Rafael Coscolluela, gubernador ng Negros Occidental.

Samantala, libu-libo ring manggagawa ang naging biktima ng pagsisante, kakulangan ng empleyo at pagbuwag ng unyon, mababang pasahod at iba't ibang atake sa paggawa.

Ang industriya ng asukal na pangunahing sandigan ng buong ekonomya ng Negros ay patuloy na bumabagsak. Marami-rami na ang bilang ng empresang industriyal at komersyal na nagsara at marami-rami na ang empresang pang-agribisnes ang tumigil.

Ang pondo ng lokal na pamahalaan na dapat ilaan sa mga batayang serbisyo para sa mamamayan ay ibinubuhos sa pag-engganyo ng kapital sa pamamagitan ng mga komersyalisadong pistang relihiyoso-pangkultura at mga negosyong panturismo.

Ang mga ito ay epekto ng paghigpit ng kontrol ng pangkating Cojuangco na kinabibilangan ng mga pamilyang Montilla, Alvares, Mara�on, Palanca, Garcia, Paras at Cardenas.

Dahil sa pagbagsak ng lokal na ekonomya, lumiliit din ang lokal na pondong pinaghahati-hatian ng barkadahang Cojuangco-Coscolluela. Kaugnay nito, pinalalakas ng pangkatin ang operasyon nito sa iligal na droga kaalinsabay ng muling pagpapalakas sa kapangyarihan ng mga warlord.

Sa Lunsod ng Bacolod, nagtutulak ito ng ibayong bangayan ng mga lokal na upisyal mula sa mga pamilyang Cojuangco, Montelibano at Guanzon. Gayunpaman, sa kabila ng kanilang pag-aawayan, buong pagkakaisa nilang itinataguyod ang programa ng kontra-rebolusyon sa ilalim ng Oplan Makabayan ng rehimeng US-Estrada. Nagkakaisa ang malalaking kumprador-panginoong maylupa sa mahigpit na pagtutulungan ng militar at burukrasyang sibil upang pigilan at wasakin ang rebolusyonaryo at progresibong kilusan ng mamamayan.

Nang ibalik sa Philippine Army sa pamamagitan ng 303rd Brigade ang kontra-rebolusyonaryong kampanya sa Negros, lumubha ang militarisasyon at pasismo sa kanayunan at kalunsuran. Lumala rin ang mga pasistang krimen ng pagyurak sa mga karapatang-tao ng mamamayan. Hindi pa kuntento ang mga reaksyunaryo sa tatlong batalyon ng Philippine Army, dalawang kumpanya ng Scout Rangers, isang Special Forces Company, dalawang batalyon ng Regional Mobile Group at pitong kumpanya ng Provincial Mobile Group ng PNP, mahigit na 2,000 CAFGU, isang Engineering Battalion ng Philippine Army, istasyon ng PNP at pribadong hukbo/goons ng mga warlord. Sa pamamagitan ng mga warlord tulad nina Mike Suarez at Rolando Ponsica, itinulak nilang dagdagan pa ang kanilang pribadong hukbo-CAFGU.

Wala ring humpay ang mga operasyong pangkombat at paniktik at mga civilian-military operation sa kanayunan. Ang mga lokal na reaksyunaryong upisyal ay kasama sa paglulunsad ng mga operasyong antimamamayan at kontra-rebolusyon sa kanayunan at kalunsuran. Ang mga pulong ng Peace and Order Council na pinamumunuan ni Gubernador Coscolluela ay mahigpit na tumututok sa pagpapaunlad ng koordinasyon ng militar, lokal na gubyerno at mga reaksyunarong indibidwal at NGO upang kamtin ang target na wasakin diumano ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan sa Negros sa taong 2001.

Samantala, sina Arturo Tabara, Warren Calizo at Luisito dela Cruz, mga lider ng RPM-RPAABB ay patuloy na kinakasangkapan bilang mga psywar agent upang isabotahe ang lumalakas na ligal na kilusan sa kalunsuran at armadong pakikibaka sa kanayunan. Naglunsad ng mga militaristang probokasyon ang kanilang mga armadong grupo upang bigyang-matwid ang militarisasyon at panunupil sa mamamayan.

Subalit sa halip na maging kimi sa lantarang pagsasamantala ng mga Cojuangco at sa terorismong hatid ng Oplan Makabayan, pinalalakas ng rebolusyonaryong mamamayan ang kanilang hanay. Ang Partido at ang BHB sa Negros ay matatag na humahanay sa masa sa pamamagitan ng masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila.

Sa rebolusyonaryong kilusan humihingi ng katarungan ang mamamayan sa pagsasamantala at pang-aapi ni Cojuangco at ng kanyang mga kasapakat. Determinadong biguin ng rebolusyonaryong kilusan ang Oplan Makabayan tulad ng pagbigo nito sa mga nakaraang Oplan Lambat Bitag sa Negros. Bilang tugon ng Partido at BHB sa daing na ito ng mamamayan sa isla, ipinanawagan ang pagpapaigting ng armadong rebolusyon sa Negros bilang tanging solusyon upang wakasan ang makapangyarihang kontrol ng pangkating Cojuangco, biguin ang Oplan Makabayan at palayain ang mamamayan mula sa pagsasamantala at pang-aapi.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!

Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
- Armando Liwanag

Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa
Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Krisis sa sistema ng pagbabangko
Ipagdiwang sa Mayo Uno:
Ibayong militansya at paglaban ng uring manggagawa

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong
Pananalanta ng pasistang estado
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.