![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Nitong ikalawang hati ng nakaraang dekada, tumungo sa kanayunan upang mag-ambag sa armadong pakikibaka ang signipikanteng bilang ng mga estudyante mula sa kalunsuran. Nakapanayam ng Ang Bayan sa isang sonang gerilya sa Albay si Ka Leo, isa sa naturang mga estudyateng nagpultaym at patuloy ngayong nakikibaka sa piling ng masa sa kanayunan. Nakagagalak ang malaking ipinagbago ni Ka Leo mula noong pumasok siya sa sonang gerilya anim na taon na ang nakakaraan. Pinakamahalaga sa lahat ng ito ang higit niyang kasigasigan at determinasyong kumilos sa larangan ng armadong pakikibaka. Nagmula si Ka Leo sa hanay ng mga militanteng estudyante sa isang pamantasan sa Maynila. Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan noong 1995. Nagpasya siyang magpultaym sa kalunsuran noong maagang bahagi ng 1997. Subalit nais muna niyang maranasang makipamuhay sa Pulang hukbo at masa sa kanayunan, at magpasya kung sa kalunsuran o sa kanayunan magtutuluy-tuloy sa pagkilos. Kaya noong huling bahagi ng 1997, pumasok siya sa isang sonang gerilya sa Albay para sa tatlong buwang programa ng integrasyon sa kanayunan. Sa loob ng tatlong buwang iyon, tumimo sa kanya ang pangangailangan sa kanayunan para sa mga kabataang may kakayahang makapagbigay ng mga pag-aaral. Ipinaliwanag sa kanya ng mga kasama na may malaki siyang maiaambag sa gawain ng BHB, laluna sa pagbibigay ng mga pangmasang pag-aaral Sa loob ng tatlong buwang iyon, napanday sa kanya ang kahandaang magbuhos ng buong panahon sa larangan ng armadong pakikibaka. Kaya matapos ang tatlong buwan, walang pag-aatubili siyang nagpasyang magpultaym sa kanayunan. Dahil sa pagiging baguhan at laking-syudad, pinagdaanan ni Ka Leo ang ilang mga kahirapan sa pag-angkop sa bago at mahirap na gawain, kalagayan at pamumuhay. Ang pinakamahirap na sitwasyong kinaharap niya ay nang makatunggali niya ang isang beteranong kasama kaugnay ng pamumuno niya bilang iskwad lider. Pansamantala siyang nanghina sa pagkilos, subalit sa tulong ng mga kasama at sa pamamagitan ng pagpuna sa sarili, bumalik ang kanyang sigla sa pagkilos na naging tuluy-tuloy hanggang sa kasalukuyan.
Sa gabay ng proletaryong ideolohiya, pinagsikapan ni Ka Leo na tuluyang pag-aralan at mahalin ang pamumuhay sa kanayunan. Gayundin, sinisikap niyang laging bantayan at iwaksi ang petiburgis na pag-iisip at gawi at mainternalisa ang proletaryong kaisipan at kultura. Pinag-aralan niya ang kinikilusang lugar at kinilala ang masa. Natutunan niya ang wastong paraan ng pakikitungo sa masa. Ayon kay Ka Leo, �mahalagang panghawakan ang simpleng pamumuhay sa lahat ng oras.� Ayon pa sa kanya, sa lahat ng pagkakataon ay hindi dapat kaligtaang maging magalang sa masa at laging dinggin ang kanilang mga problema at palagay. Aniya, higit pa sa armas, ang masa ang kaligtasan ng hukbo sa harap ng kaaway. Naging hamon din kay Ka Leo ang matutunan ang lenggwaheng Bikol. Matyaga niyang pinag-aralan ang lenggwahe, na mahalaga para sa ibayong pag-abot at pag-unawa sa masa at mga kasama. Di nagtagal, nakapagsasalita na siya nang diretso at malawak na rin ang kanyang bokabularyo sa lokal na lenggwahe. Malaki ang naitulong sa pag-unlad ng kanyang rebolusyonaryong praktika ang pagiging iskwad lider niya sa loob ng dalawang taon. Puro sila kabataan sa iskwad na iyon sa isang eryang di pa gaanong konsolidado ang kilusang masa. Dumanas sila ng hirap at sakripisyo. Subalit ayon kay Ka Leo, ang mga tagumpay sa pag-oorganisa ng masa sa mga baryo ang nakapagpalakas sa kanyang loob at nakapagpataas sa kanyang militansya. Ngayon, malaki ang naiaambag ni Ka Leo sa gawaing edukasyon at pag-oorganisa sa kinikilusan niyang lugar sa Albay. At mula sa kanyang mga karanasan sa pagpultaym sa kanayunan, siya naman ngayon ang tumutulong at umaalalay sa mga kasamang bagong pultaym sa hukbo. Isa lamang si Ka Leo sa mga kabataang nagpasyang ibuhos ang lakas at talino sa palilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng buong-panahong pagkilos sa kanayunan. Napakahalaga ng papel na ginagampan ng mga kabataang katulad niya. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|