Adyenda ng US ang planong pag-amyenda sa konstitusyon
Ang binabalak na "chacha" (charter change) o pag-amyenda sa reaksyunaryong konstitusyon ay isa ngayon sa mga kagyat na adyenda ng imperyalismong US sa Pilipinas.
Kaya naman nagkukumahog ngayon si Gloria Macapagal-Arroyo, katuwang ng masusugid niyang tagasuporta, na pagkaisahin ang mga reaksyunaryong pulitiko sa planong ito. Buong-pagmamadali rin ni Arroyo dahil sa lahat ng mga reaksyunaryong pulitiko, siya ang pangunahing makikinabang dito.
Pinatatampok ngayong usapin sa balak na pag-amyenda sa konstitusyon ang pagbabago sa anyo ng pamahalaan�mula sa kasalukuyang sistemang presidensyal tungo sa sistemang parlamentaryo. Ngunit ang usapin ng pagbabago sa anyo ng pamahalaan sa ilalim ng kasalukuyang sistemang pampulitika at panlipunan ay makabuluhan lamang para sa mga reaksyunaryo. Nireresolba lamang nito ang usapin ng mga pamamaraan ng mahinahong paghahatian sa kontrol sa poder.
Ang mas importanteng usapin sa "chacha", sa katunayan, ay ang mga planong alisin ang mga deklaradong prinsipyo ng pambansang patrimonya at kalayaan upang bigyang-daan ang lubos na dominasyon ng imperyalismong US sa buhay ekonomya, pulitika at militar ng Pilipinas. Hindi lihim ang adyenda ng US na burahin sa pamamagitan ng "chacha" ang pagbabawal sa pagtatayo ng mga dayuhang base militar, sa pagpasok ng mga dayuhang tropa nang walang tratado at sa pagpapasok ng mga armas nukleyar. Hangad din nitong alisin ang mga natitirang probisyon laban sa dayuhang pag-aari ng mga lupain at sa 100% pag-aari sa mga empresa; at tanggalin ang kapangyarihan ng mga korte na maghusga sa mga pang-ekonomyang usapin.
![](../../angbayan/images/040707/chacha.gif)
Layunin din ng US at mga lokal na alipures nito na burahin ang mga pormal na karapatang sibil ng mamamayang Pilipino at isanib sa konstitusyon ng Pilipinas ang doktrinang "anti-terorismo" ng US, at bigyang-daan ang mga pasistang batas at kaayusan tulad ng National ID System para mas madaling supilin ang mamamayan.
Matatandaang nangako si Arroyo noong panahon ng kampanya na kung mananalo ay bababa siya bilang pangulo sa 2007 upang bigyang-daan ang pagsisimula ng parlamentaryong sistema ng gubyerno. Nais lamang niya noong palabasing hindi siya hayok sa kapangyarihan at makuha ang simpatya ng mga botante. Ngunit ilang oras pa lamang matapos manumpa noong Hunyo 30, binawi na niya ang pangakong ito.
Katatapos pa lamang maplantsa ni Arroyo ang "ligalidad" ng bagong termino niya, plano na agad niya ang iba na namang paraan para sa panibagong ekstensyon ng kanyang paghahari. Nagpahiwatig na rin siya ng pagiging bukas sa panukalang maupo bilang presidente at prime minister, katulad ng diktador na si Marcos noong 1978. Lalo lamang nitong ginagalit ang mamamayan at ginagatungan ang masidhing girian sa hanay ng mga naghaharing pangkatin.
Ang mga progresibong partido at mga demokratikong organisasyong masa ay nangunguna sa pagkilos ng mamamayan laban sa "chacha." Wasto ang kanilang paninindigan na ang "chacha" ay magsisilbi lamang sa interes ng dayuhang kapital at mga naghaharing uri at magdudulot lamang ng lalong pagpapahirap at pang-aapi sa mamamayang Pilipino.
Wasto rin nilang idiniriin na kailangan munang harapin ang mga kagyat na usapin ng lumalalang krisis pangkabuhayan, papasidhing kahirapan at iba pang suliranin ng bansa at ng mamamayang Pilipino bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga saligang bilihin at serbisyo, kawalan ng hanapbuhay, patuloy na pagbagsak ng halaga ng kanilang sahod at kita, patuloy na militarisasyon at paglabag sa mga karapatang-tao, nasisikil na mga karapatan sa pamamahayag at iba pa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|