Katarungan para sa mga biktima ng Payatas!
Nakikiisa ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa sigaw para sa katarungan ng mga naninirahan sa Payatas, Quezon City. Kinakailangang pagbayarin ang mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno sa pagkamatay ng mahigit 300 maralitang natabunan ng gumuhong putik at basura noong Hulyo 10.
Malaking krimen ng mga upisyal ang pabayang pagtatambak ng basura sa Payatas Dumpsite na walang pagsasaalang-alang sa peligrong kinalalagyan ng mga bahayan ng mga maralitang nakatira doon. At sa desperadong hakbang upang maghugas-kamay, ipinasara ang tambakan ng basura na nagkait ng ikabubuhay sa mga nangangalahig ng basura sa Payatas.
Ang suliranin sa disenteng bahay at kawalang hanapbuhay ng mga maralitang naninirahan sa Payatas ay bunga ng mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno sa ekonomya, sa pangkalahatan, at sa pabahay, sa partikular, na nagsisilbi pangunahin sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, kabilang ang malalaking debeloper sa pabahay at real estate.
Kayat ang pagkamit ng tunay na katarungan para sa mga biktima ng Payatas ay lubusang matutupad lamang sa pagpapabagsak sa kasalukuyang mga naghahari sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka; at pagtatayo ng bagong demokratikong gubyernong tunay na magtataguyod sa interes ng mga inaapi.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|