![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Patuloy na binabayo ng internal na bangayan ang mabuway na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo. Nitong Agosto 13, galit na nagbitiw si Raul Roco bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) matapos ibunyag ng rehimen sa midya na pinaiimbestigahan siya ng presidente kaugnay ng mga nakasampang kaso ng korapsyon. Napahiya diumano siya nang isapubliko ito ng rehimen nang hindi siya inaabisuhan. Ginamit ni Roco ang pagkakataon upang salagin ang mga batikos sa kanyang pamumuno, sumbatan si Macapagal-Arroyo sa kanyang pamumulitika at ipresenta ang sarili bilang "kagalang-galang" na alternatibo. Ang mga kaso laban kay Roco ay isinampa ng unyon ng mga empleyado ng DepEd Central Office sa PAGC noon pang Hulyo 11. Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa kanya ang pagbubulsa sa P15-16 milyong "service fee" buwan-buwan mula Enero hanggang Hulyo 2002; pagpapagawa ng mga poster para sa pansariling propaganda gamit ang pondo ng DepEd; iligal na paghirang ng mga "konsultant"; iligal na pagsisante sa ilang mga upisyal ng DepEd at iligal na pagtatalaga ng isang drayber ng DepEd sa kanyang asawa.
Bago pa man ito, inihayag na ng unyon sa publiko at sa Malakanyang ang mga hinaing nito. Ngunit mahigit isang taong hindi pinansin ni Macapagal-Arroyo ang mga ito, lalupa�t maysala rin siya sa parehong mga kalabisan. Nitong buwan na lamang binigyang-atensyon ng rehimen ang kaso, matapos lumabas sa sarbey na isinagawa ng Ibon Foundation na tatalunin ni Roco si Macapagal-Arroyo sa pagkapresidente kung isasagawa ngayon ang halalan. Ginamit ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang mga kaso laban kay Roco upang pwersahin siyang magbitiw, putulin ang kanyang kontrol sa pampublikong pondo at isaisantabi siya bilang nangungunang kalaban sa pulitika sa 2004. Dahil sa mga pampulitikang maniobra ni Macapagal-Arroyo, nagsisimula na siyang mahiwalay kahit sa loob ng kanyang pangkatin. Inamin ng ilan sa kanyang mga kapartido na mapipilitan silang pumili sa pagitan nina Roco at Macapagal-Arroyo sa eleksyon sa 2004. Hindi malayong iipitin din ni Macapagal-Arroyo ang iba pang potensyal na kakumpetisyon sa loob ng kanyang partido katulad ni Sen. Loren Legarda. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|