Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga kaso ng pandaraya at pandarahas sa eleksyon

 Read this article in English

Sa kabila ng walang awat at walang pakundangang paninira, pandarahas at pandaraya laban sa mga progresibong partido, malayong nanguna pa rin sa eleksyon para sa party-list ang Bayan Muna na nakakuha ng tatlong pwesto sa kongreso. Nakapanalo rin ang Anakpawis ng dalawang pwesto at ang Gabriela Women�s Party, ng isa. Gayunman, nahadlangan ang pagpapanalo ng iba pang progresibong partido sa harap ng masugid at garapalang pagkilos ng militar, pulis at iba't ibang mga panatikong grupong anti-komunista laban sa mga ito.

Kaalinsabay nito, walang tigil pa rin si National Security Adviser Norberto Gonzales sa pagsisikap na hindi makaupo sa kongreso ang mga nanalong progresibong partido. Bago pa ang eleksyon, pinangunahan ni Gonzales ang sistematikong kampanya ng paninira at harasment laban sa anim na progresibong partido. Matapos mabigo, ang proklamasyon ng mga progresibong partido naman ang tinangka niyang hadlangan sa pamamagitan ng pagtutulak ng diskwalipikasyon ng mga ito.

Upang pagtakpan ang mga ulat ng malawakang dayaan at terorismo sa nakaraang eleksyon, pinagbintangan din nina Gonzales na "prente ng komunista" ang Patriots, isang organisasyong kinabibilangan sa kalakhan ng mga taong simbahan na nagtataguyod ng malinis at kapani-paniwalang eleksyon. Pilit na idinadawit ni Gonzales ang Patriots sa umano'y mga pakanang destabilisasyon laban sa rehimeng Arroyo na tinaguriang "Oplan Aklas Bayan" at nitong huli, ang "Oplan Evergreen."

Gayunpaman, hindi napigil ng malisyosong kampanyang pinangungunahan ni Gonzales ang pag-upo ng mga progresibong partido. Naiproklama na ang BM, Anakpawis at Gabriela. Iginigiit ngayon ng mga progresibong partido ang pagtanggal sa pwesto kina Gonzales, mga upisyal at tauhan ng militar at pulisya na direktang nanghimasok sa nagdaang eleksyon.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga insidente ng pandaraya at karahasan laban sa mga indibidwal at grupong progresibo:

Sa Southern Mindanao, iniulat ng Anakpawis ang malawakang pandaraya sa malalayong barangay ng Compostela Valley, Davao Oriental at Davao del Sur. Sa Compostela Valley, anito, may 40,000 tagasuporta ang Anakpawis pero 9,000 lamang sa kanila ang nakaboto.

Sa Maguindanao, inireklamo ng Suara Bangsamoro ang mga kaso ng "dagdag-bawas." Halimbawa, sa bayan ng Datu Montawal, may 2,449 boto ang Suara Bangsamoro ngunit 606 na boto na lamang ang lumabas sa certificate of canvass. Sa Sultan sa Barongis, walang nakuha ni isang boto ang Suara Bangsamoro nang pangasiwaan ng militar ang pagbibilang ng mga boto. Sa bayan ng Ampatuan, hindi tinanggap ng board of canvassers ang mga boto ng naturang partido dahil sa matinding presyur mula sa militar. Samantala, inireklamo ng kanilang mga poll watcher sa Sulu ang pagbabawal ng Philippine Marines sa mga board of inspectors na basahin at bilangin ang mga boto para sa Suara Bangsamoro.

May mga pagkakataon na ang pagbibilang ng mga boto ay ginawa sa loob ng mga kampo ng militar sa Mindanao, bagamat labag ito sa batas. Sa Camp Sionco (himpilan ng 16th IB) ginawa ang provincial canvassing para sa Maguindanao at sa Camp Salipada Pendatun naman idinaos ang pagbibilang para sa mga bayan ng Parang at Matanog sa parehong prubinsya.

Gayunpaman, hindi napigil ng malisyosong kampanyang pinangungunahan ni Gonzales ang pag-upo ng mga progresibong partido. Naiproklama na ang BM, Anakpawis at Gabriela.

Sa Iloilo, hinarang sa mga tsekpoynt ng 47th IB ang mga tagasuporta ng Bayan Muna na papunta sa mga presinto. Iniulat din na nangakong magbigay ang mga upisyal ng militar ng pabuyang P10,000 sa bawat barangay captain na makakukumbinsi sa mga botanteng huwag bumoto sa Bayan Muna, Anakpawis at iba pang progresibong partido.

Naglipana naman sa mga komunidad ng Moro sa Maharlika Village, Taguig, Rizal at sa mga presinto sa Taguig National High School ang mga elemento ng Philippine Army, Air Force, Navy at Philippine National Police na nagmula pa sa Jolo, Basilan at Zamboanga. Sa mga komunidad ng Moro sa Quiapo, Maynila, labas-masok din ang mga elemento ng Philippine Marines at pulis sa mga polling precinct. Nagtala ng datos ang mga elemento ng Marines habang binusisi naman ng mga pulis ang mga tally sheet.

Noong bisperas ng eleksyon, pinasok ng pitong armadong lalaking pinaghihinalaang militar ang upisina ng Bayan Muna sa Angeles City. Kinaladkad, sinipa at binantaang tumigil na sa kanyang gawain si Divine Zamboanga, ang nag-iisang kasapi ng Bayan Muna na nadatnan nila sa upisina. Nilimas ng mga armado ang mga papeles, kompyuter at iba pang gamit sa upisina.

Sa isla ng Mindoro, tinadtad ng mga tsekpoynt ang mga daan papunta at mula sa mga pinagsususpetsahan nilang base ng Bayan Muna, Anakpawis at iba pang progresibong partido. Sinita, hiningan ng mga sedula at pinabalik ang mga galing doon para bumoto sana sa mga presinto. Sa mga komunidad ng mga Mangyan, tulad ng mga bayan ng Paluan, Abra de Ilog, Sta. Cruz, Mamburao at Baco, tahasang nangampanya ang militar laban sa mga progresibong partido at para sa mga reaksyunaryo at maka-militar na kandidato. Sa Mindoro Oriental, tahasan nilang ikinampanya ang makamilitar at pasistang si Bert Marasigan para sa pagkagubernador.

Pinangasiwaan din nila ang tinatawag na "pala-pala" kung saan tinipon nila ang mga Mangyan sa ilang lugar para "turuang" magsulat ng pangalan ng mga ibobotong indibidwal na kandidato at grupong party list. Ang itinuro nilang isulat ay ang pangalan lamang ng mga makamilitar at kakutsaba nilang kandidato at sa party-list naman ang pasistang grupong ANAD.

Sa Isabela, pinawalambisa na ng COMELEC nitong Hunyo 7 ang utos ng ilang komisyuner nito noong Mayo 22 na isuspendi ang proklamasyon ni Grace Padaca dahil sa gawa-gawang kaso na isinampa laban sa kanya ng pinakamahigpit niyang karibal na si Faustino Dy Jr. Ginagawa ng pamilyang Dy ang lahat ng paraan�garapalang pandarahas, pandaraya at iba pang maruruming taktika para sagkaan ang pagkaproklama kay Padaca. Walang kabata-batayang pinaratangan ni Dy si Padaca na nakipagkutsaba sa BHB upang mandahas at mandaya para manalo. Malakas at laganap ang pagtuligsa ng mga lider-relihiyoso, masmidya at iba't ibang sektor ng mamamayan sa paninira ni Dy laban kay Padaca at sa BHB.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Krisis sa pulitika, matabang lupa para sa rebolusyon

Mga kaso ng pandaraya at pandarahas sa eleksyon
NDF, nagbabalang aatras sa usapang pangkapayapaan
Ibayong pagtindi ng krisis pangkabuhayan
Panandaliang ilusyon ng pag-unlad
Malawakang paghihikahos: Ilang tampok na datos
Sumisirit ang presyo ng langis
Ang matinding kaapihan ng kababaihang magbubukid
Sa ibayong dagat:
Upisyal na patakaran ng US ang paggamit ng tortyur

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.