Mula sa patnugutan
Upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang-tao, inilalathala itong paunang labas ng isyung Nobyembre-Disyembre 1999 ng Ang Bayan. Layunin ng kasalukuyang isyu na ito na ituon ang atensyon sa usapin ng mga karapatan ng bata sa konteksto ng umiiral na digmang sibil sa Pilipinas.
Sa partikular, nilalayong pasinungalingan ang mga pagpapanggap na maka-bata ng rehimeng Estrada at tuluyang ibasura ang propaganda nito na nagsasabing patakaran ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagrerekrut ng mga mandirigmang bata labag sa pandaigdigang mga pamantayan at alituntunin sa digma.
Ang hungkag na isyung ito ay pinalilitaw ni Estrada at ng mga pasistang kumander niya sa walang saysay na pagtatangkang tibagin ang patuloy na lumalawak na suporta ng mamamayang Pilipino sa armadong pakikibaka at hagisan ng putik ang papataas na prestihiyo ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa larangan ng diplomasyang internasyunal. Ito ay isang desperadong hakbang upang pagtakpan ang mga kasalanan nito sa mga bata, laluna ang pagtarget sa mga bata ng isinasagawa nitong pasistang digma sa kanayunan.
![](../../angbayan/images/991210/mader.gif)
Upang tuluyang mapasinungalingan ang bulok na propagandang ito ng gubyernong Estrada, inilalathala natin dito ang pahayag noong Agosto 30 ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido na naglilinaw sa matagal nang umiiral na patakaran ng Partido at BHB hinggil sa rekisitong minimum na edad ng nirerekrut na mga mandirigma sa BHB. Tungo rin sa layuning pagtibayin at higit na ilinaw ang patakarang ito, inilabas ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido (KTKS) noong Oktubre 15 ang memorandum hinggil sa "Minimum na Rekisitong Edad Para sa mga Mandirigma ng BHB" na inilalathala rin natin dito. Nagsisilbi rin ang mga ito bilang paalala sa lahat ng yunit ng BHB.
Dahil sa tindi ng pang-aapi sa kanila, laksa-laksang mga bata at kabataan, laluna ang mga supling ng masang anakpawis, ang buong-siglang humahanay upang mapabilang sa rebolusyonaryong kilusan. Dulot ng dinaranas nilang kaapihan, agad nilang nababatid na tanging ang mamamayan at ang rebolusyonaryong kilusan ang magtitiyak na mabibigyan ng maliwanag na kinabukasan ang mga bata. Sila at ang kanilang mga aping magulang, ang di-natutuyong balon ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|