![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Isa sa pinakatampok na kasinungalingang labis na ikinagagalit ng mamamayan laluna sa mga bansang nakaladkad sa gera ay ang mga palsong ebidensyang ipinanakot ni Bush tungkol umano sa paggawa ng Iraq ng mga armas nukleyar. Sa kanyang State of the Union Address noong Enero, idineklara ni Bush na napatunayan nila ang pagbili ng Iraq mula pa noong 2001 ng malaking kantidad ng uranium mula sa Niger, isang bansa sa kanlurang Africa. Ang uranium, pangunahing sangkap sa paggawa ng armas nukleyar ay ginagamit umano ng Iraq sa paggawa ng mga armas nukleyar laban sa US. Inilakip din ito ni Blair sa dossier na ihinanda ng kanyang gubyerno upang maghasik ng takot sa publiko at mabigyan sila ng pahintulot na kaagad na salakayin ang Iraq. Subalit ayon sa CIA, maagang bahagi pa lamang ng 2002 ay napatunayan na nilang hindi ito totoo. Kagyat itong ipinaabot ng CIA kay Vice Pres. Cheney at sa mga kinauukulang ahensya at departamento ng gubyernong US. Hindi lamang ito binalewala, ginamit pa nina Cheney ang palsong impormasyon sa talumpati ni Bush at ginawang sangkalan para igiit ang paggera sa Iraq. Noon pa mang Setyembre 2002, naglabas na ang US Defense Intelligence Agency (DIA) ng lihim na pagtatasa na nagsasaad na "walang masasaligang impormasyon kung gumagawa at nag-iimbak nga ng mga kemikal na sandata" ang Iraq. Itinago ng White House ang impormasyong ito at inutusang manahimik ang mga gumawa ng pagtatasa. Sa kabila nito, tahasang sinabi ni Bush at Rumsfeld sa kongreso ng US na may lihim na imbak si Saddam Hussein ng malalaking kantidad ng mga armas kemikal, kabilang ang VX, sarin, cyclosarin at mustard gas. Sa huling mga araw bago ang pag-atake ng US sa Iraq, lubhang naging desperado na ang rehimeng Bush na makapagpalitaw kahit paano ng ebidensya ng pagkakaroon ng Iraq ng WMD. Kaya't isang lihim na yunit kumando sa ilalim ng Delta Force ng US Army Special Operations Forces ang ipinadala ng Pentagon sa Iraq para galugarin ito at maghanap ng WMD. Ang yunit, na tinatawag na Task Force 20, ay pinapunta sa Iraq bago pa man pumutok ang gera. Ginalugad nila ang malaking bahagi ng Iraq, subalit wala silang natagpuan. Ayon sa kanilang ulat, sa dinami-dami ng kanilang napuntahang mga bodega, nakumpiskang armas at nadukot na mga siyentistang Iraqi na sangkot umano sa paggawa ng WMD, wala silang nakitang patunay na may lihim na biological, kemikal o nukleyar na sandata ang rehimen ni Saddam Hussein. Inilihim din ng rehimeng Bush at Pentagon ang ulat ng Task Force 20 ngunit sa kalauna'y naisiwalat din ito sa publiko. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|