![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
"Sumusulong ang armadong rebolusyon sa mga bulubunduking lugar at maging sa kapatagan ng rehiyon." Ito ang pahayag ng Komiteng Rehiyon-Central Luzon sa ika-35 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido. Sa partikular, anito, "Nagtatamo na ng tagumpay ang Partido at hukbo sa pangingibabaw sa konserbatismong militar." Nakaagaw ang mga Pulang mandirigma ng BHB ng 38 armas sa mga taktikal na opensiba at maging sa mga depensibong labanan. Kabilang dito ang 19 na M16, limang M14, dalawang M203, isang M60 , limang de-sabog at anim na pistola. Nakakumpiska rin ang BHB ng mga kagamitang pangkomunikasyon. Di bababa sa 48 ang napatay na kaaway. Dalawampu rito ay napatay sa mga taktikal na opensiba tulad ng mga reyd, ambus at operasyong harasment at pamamarusa at 28 naman sa mga depensibong labanan. Kabilang sa mga kaswalti ng kaaway ang deputy commander ng 305th Provincial Mobile Group ng Bulacan, isang kapitan ng MICO (Military Intelligence Company) sa Dingalan, Aurora, isang station commander ng PNP sa Iba at isa pang upisyal ng PNP sa Olongapo City, parehong sa Zambales. Ang mga taktikal na opensiba at kontra-salakay na labanan ay naganap mula Pebrero 1 hanggang Nobyembre 26, 2003. Ilan dito ang reyd sa mga detatsment ng PNP sa Hagonoy, Bulacan; sa Arayat, Pampanga; sa San Jose, Tarlac; at sa Dingalan, Aurora. Tinambangan din ang kaaway sa Barangay Carag, San Marcelino, Zambales at sa Barangay Kapintalan, Carranglan sa Nueva Ecija; at ang bandidong Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) kung saan apat sa kanila ang napatay sa Barangay Malusac, Sasmuan, Pampanga. Inaresto at dinisarmahan din ang mga badigard ni Gob. Vic Magsaysay ng Zambales.
Naagaw ng BHB ang inisyatiba sa kaaway, napangibabawan ang mga disbentahe at nakapaglunsad ng ganting salakay sa mga depensibang labanan sa Angat, Bulacan; sa Botolan at sa San Marcelino (dalawang beses) sa Zambales; at sa Sasmuan, Pampanga. Anang KR-Central Luzon: "Ipinakita ng mga taktikal na opensiba, kontra-atake at suportahang ito ang mataas na diwang palaban at kahandaan sa sakripisyo ng BHB, at ang pag-unlad sa mga taktikang gerilya nito. Ipinakita rin ang bentahe ng pormasyong platun sa opensiba at depensiba." Ipinakita ng masiglang pagsulong ng armadong pakikibaka sa Central Luzon sa nakaraang isang taon na "hindi sagabal ang kawalan ng bundok at sukal sa ibang erya para makairal ang hukbo. Hindi rin sagabal ang kalapitan ng Maynila, ang sentro ng reaksyon. Tulad ng isda sa tubig, ang masa ang malawak na dagat na nilalanguyan ng BHB." Sa rebolusyonaryong kilusang masa, matagumpay na naisulong ang mga pakikibakang agraryo sa Bulacan, Aurora, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac. Puspusan ang pagsisikap ng rehiyon sa pagtatayo ng mga ganap na samahang masa at mga komiteng pang-organisa mula sa dati'y kalakhang mga grupong pang-organisa. Desidido itong pangibabawan ang hibo ng konserbatismo sa gawaing masa tulad ng mabagal na pag-oorganisa at madalang at puta-putaking mga pakikibakang antipyudal. Sa pagbubuo ng Partido, patuloy na inilulunsad sa rehiyon ang batayan at intermedyang kurso ng Partido. Nakapagtapos na ng Intermedyang Kurso ng Partido (IKP) ang malaking mayorya ng mga pwersang pultaym sa kanayunan at lunsod. Noong 2003, may 130 pwersa ang nakapagtapos ng pag-aaral sa Aurora, Nueva Ecija, Tarlac at Bulacan at sa kalunsuran ng rehiyon. Nasa antas na ng lokal na sangay ng Partido ang pag-aaral ng IKP. Iniulat din ng rehiyon na ang "pag-aaral sa Ang Bayan ay nakasanayan na ng mga kasapi ng Partido, Pulang mandirigma at mga kasapi ng mga organisasyong masa. Nalulugod ang mga kasama at masa sa mas madalas at regular na paglalabas ng AB at inaabangan nila ang paglabas nito." Aabot sa 7,000 ang kopya ng bawat isyu ng AB na inililimbag at ipinamamahagi. Samantala, 13,000 kopya kada isyu ng Himagsik, pahayagang masa ng rehiyon ang inililimbag. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|