Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!

 Read this article in English

Idinaos noong Hulyo 1998 sa isang sonang gerilya sa Hilagang Luzon ang kumperensya ng rehiyong Ilokos at Kordilyera.

Layunin ng kumperensya ang pagsusulong ng pangkalahatang konsolidasyon ng Partido, ang paglulubos ng kilusang pagwawasto at pagharap sa mga suliraning kritikal para sa tuluy-tuloy na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Pinagtibay ang mga paglalagom ng Ilokos at Kordilyera. Sinuri ang obhetibong kalagayan ng dalawang rehiyon. Niresolba ang usapin hinggil sa katangian at kaayusan ng CPDF. Pinalalim ang rebolusyonaryong linya hinggil sa mga katutubong magbubukid. Hinarap ang pangangailangan sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Naghalal ng bagong pamunuan at binuo ang tatlong taong programa ng pagkilos ng pinagsanib na rehiyon.

Ang sumusunod ay halaw sa mga dokumentong "Tatlong Taong Suma sa Gawain sa Pulitika" at "Programa ng Pagkilos ng Organisasyon ng Partido sa Rehiyong Ilokos-Kordilyera" para sa taong 1999-2001 na binuo at pinagtibay ng kumperensya.

Sa nakalipas na apat na taon, nagtamo ang rehiyong Ilokos-Kordilyera ng maliliit pa ngunit mahahalagang tagumpay sa mga gawain sa partido at pulitika kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Naabot na ng Partido at rebolusyonaryong kilusang masa sa rehiyon ang isang antas ng konsolidasyon at rebolusyonaryong kasiglahan. Tinukoy ang mga panimulang bwelo sa pagpapaunlad ng iba't ibang rebolusyonaryong gawain.

Sinagip ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang rehiyon mula sa tuluyang pagkawasak. Pinangibabawan ang malalaking pagkakamali at paglihis sa Marxista-Leninista-Maoistang linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at sa rebolusyong Pilipino.

Gayunpaman, nasalubong ng rehiyon ang malalaki at marami-rami pang suliranin at sagka sa sustenido at lahatang-panig na pagsulong. Kailangang lutasin at pangibabawan ang mga ito. Kailangan ding tukuyin ang direksyon sa pagpapalaki, pagpapalakas at ibayong pagpapahusay ng latag ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa buong rehiyon.

Palakasin ang Partido

Umiiral ang mga salik upang lalong mapayabong ang mga panimulang tagumpay ng nakaraang ilang taon. Kailangang lubusin ang kilusang pagwawasto sa rehiyon upang lahatang-panig na mapalakas ang Partido.

Sa pag-unawa ng sariling mga kamalian, lalong napahigpit ng mga kadre at kasapi ng Partido sa rehiyon ang pagyakap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ipinananawagan ng kumperensya na higit pang itaas ang antas ng teoretikal na kaalaman, laluna ng mga kasapi sa batayang antas. Ang pagsasakatuparan sa tatlong antas na pag-aaral ng Partido ay pag-aarmas upang mabisang maisulong ang mga rebolusyonaryong gawain.

Iwinaksi ng mga kasama ang mga oportunistang linyang sumalanta sa rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Sa larangan ng teorya at praktika, kinakailangang tuluytuloy na bunutin ang mga ugat ng nakaraang malalalang disoryentasyon. Dapat labanan kahit ang maliliit na usbong ng militarismo at insureksyunismo. Dapat ding ganap na puksain ang iba't ibang tipo ng repormismo, indigenismo at lokalismo.

Natatanging tagumpay ng rehiyon ang pagtatanggol sa Partido laban sa panghahati at paksyunalismo. Gayunpaman, hindi pa ganap na napapangibabawan ang malalaking pinsalang dulot ng mga disoryentasyon. Kinakailangang mabilis na paramihin ang mga kasapi ng Partido na magsasabalikat sa papalaking mga tungkulin. Ang pagbubuo ng panrehiyong organo ng Partido sa Ilokos-Kordilyera ay hakbang tungo sa tuluy-tuloy na pagpapalakas.

Pukawin ang mamamayan

Sumisigla ang anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang kilusang masa na nagpapanday sa rebolusyonaryong lakas ng mamamayan sa rehiyon. Upang lalo itong maisulong, kailangang buong higpit at mapanlikhang isanib ang pambansa-demokratikong linya sa partikularidad ng Ilokos at Kordilyera.

Sa Kordilyera, kailangang bigyangdiin ang usapin ng pambansang pang-aapi at pangangamkam ng estado sa lupang ninuno (ancestral land) ng mga mamamayang minorya. Ang rebolusyonaryong gawain sa hanay nila ay dapat ituon sa kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at para sa demokrasya.

Kailangang lutasin ang mga teoretikal at praktikal na suliranin kaugnay ng paglalapat at pagtataguyod ng partikular na programang agraryo sa hanay ng mga katutubong magsasaka. Ito'y upang mapatalas ang pagunawa sa pag-iral ng mga tradisyunal na moda ng produksyon sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Dapat organisahin ang mga mamamayang minorya sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa at sa Cordillera People's Democratic Front ayon sa kanilang katangian at kalagayan.

Sa Ilokos, kailangang ilantad at labanan ang mga kongkretong sabwatan at operasyon ng mga panginoong maylupa at warlord. Sila ang naghahari sa reaksyunaryong pulitika at may kontrol sa pangagrikulturang produksyon at kalakalan. Sila rin ang utak ng mga sindikatong sangkot sa ismagling, iligal na sugal, pagtutulak ng droga at prostitusyon.

Dapat isulong ang mga pakikibakang antipyudal at kamtin ang iba pang kahilingan ng batayang masa sa Ilokos.

Patatagin ang BHB

Ang Bagong Hukbong Bayan sa Ilokos at Kordilyera ang pangunahing napinsala at humina dulot ng mga pagkakamali at disoryentasyon sa nakaraan. Iwinaksi na ang mga kamalian at nasa landas na ito ng pagpapalakas. Subalit kahit maliit pa ang Hukbo, matatag na pinangingibabawan ng mga mandirigma ang lahat ng malalaking hadlang.

Sumisigla ang gawaing masa sa kanayunan. Panawagan ng Partido na ipatupad at mapanlikhang ilapat ang minimum na programa ng rebolusyong agraryo upang lubos na paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang magbubukid.

Kinakailangan ding pagtibayin ang kapasyahan ng mamamayang lumahok sa armadong pakikibaka at pataasin ang kakayahang pangmilitar ng BHB para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Bibigyan ng masusing atensyon ng lahat ng yunit ng BHB at organo ng Partido ang kampanya para sa maramihang pagrerekluta ng mga Pulang mandirigma. Binubuo ang isang estratehikong programa para lutasin ang mga suliranin sa pagpapasampa. Samantala, nagsasagawa na rin ng mga taktikal na hakbang upang palawakin ang hanay ng BHB.

Palakasin ang kilusang masa

Nitong nakaraang taon (1997-98), bahagyang naparami sa mga sonang gerilya ang bilang ng organisadong masa at kanilang mga rebolus-yonaryong organisasyon. Kailangang konsolidahin, pursigidong palakasin at palakihin ang kasalukuyang mga larangang gerilya at sikaping madagdagan pa ang mga ito.

Mapagpasyang pangi-ngibabawan ang mga problemang sumasagka sa pagpapasigla ng militanteng kilusang masa sa kanayunan ng Kordilyera at Ilokos. Lilikhain ang paborableng kundisyon para sa konsolidasyon at pagpapalawak ng mga sona at baseng gerilya at ang pagpapalaki at pagpapalakas ng hukbong bayan.

Dapat paunlarin ang mga rebolusyonaryong pwersa at ibwelo ang rebolusyonaryong gawain at pakikibaka sa mga sentrong bayan. Magbibigay ito ng suportang pampulitika at pang-organisasyon sa mga sonang gerilya. Bibigyang-atensyon sa mga sentrong bayan ang pagpapalakas at pagsusulong ng kilusang magsasaka at kilusan ng mga mangingisda, kaalinsabay ng pagoorganisa sa mga panggitnang uri.

Sustenidong palalakasin ang kilusang masa sa lunsod. Nasa gulugod nito ang mga manggagawa, malamanggagawa, kabataan-estudyante at guro. Kailangang ikawing ang pakikibaka ng mga nabanggit na sektor sa iba pa, tulad ng kababaihan, masang pambansang minorya, iba't ibang grupo ng mababang petiburgesya at mga panggitnang pwersa. Mula sa kasalukuyang saklaw nito, dapat palawakin ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa rehiyon.

ANG SITWASYON SA REHIYON at sa buong bansa ay napakapaborable para sa ibayong pagsulong ng rebolusyon. Upang masamantala ito, sisikapin ng rebolusyonaryong kilusan sa Ilokos-Kordilyera na pangibabawan ang mga sagka at kamtin ang lahatang-panig na pagsulong. Sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tiyak na mabilis na susulong ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!
Cordillera People's Democratic Front:
Natatanging Prente ng Mamamayang Kordilyera

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas

Krisis sa Kanayunan
'Padrino' ng reporma sa lupa?
Samar:
Nagwawasto at sumusulong

Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon

Bagong Trotskyistang Pangkat
Pangkating Magdangal-Bill-Olive:
Bagong Grupong Bandido at Rebisyunista

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.