![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang ekonomya ng Pilipinas ay patuloy na dumadausdos sa harap ng pagsidhi ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Dahil atrasado at walang mga saligang industriya ang ekonomya ng Pilipinas, ito ay palagiang nasa krisis; at madaling sumasadsad bunga ng mga kombulsyon sa pulitika. Sa loob lamang ng isang buwan, dumausdos ang halaga ng piso laban sa dolyar mula sa mahigit lamang P46 sa $1, hanggang sa mahigit P50 bawat dolyar. Kahit ang mga "manunuri" ay tumatanggi nang magbigay ng kanilang pagtaya sa aabuting pagbagsak ng piso. Sa desperasyong pigilin ang walang tigil na pagbagsak ng halaga ng piso, patuloy na itinataas ng Bangko Sentral ang mga interest rate sa pautang sa hangaring akitin ang mga ispekulador sa salapi na bumili ng piso. Dahil sa hakbanging ito, itinaas ng mga bangko nang hanggang 18 puntos sa porsyento ang interes sa kanilang mga pautang at itinulak ito hanggang 35%. Pumipinsala ito, higit sa lahat, sa mga lokal na maliit at panggitnang negosyo na nakasalalay sa mga inaangkat na hilaw na sangkap para sa produksyon. Maliit din ang tantos ng tubo ng mga negosyong ito kayat madaling tumitiklop sa mataas na interes sa pautang. Sa mga nakaraang buwan bago nitong mabilis na pagdausdos ng halaga ng piso, naitala na ang pagbagsak ng importasyon. Ang pagsasara ng Sarao Motors, Inc., isa sa pinakakilalang nag-aasembol ng mga pampasaherong dyip ay nagpapatampok sa pagsadsad ng lokal na produksyon. Bumagsak din nang 21.4% ang dayuhang pamumuhunan nitong ikalawang kwarto mula P10.7 bilyon patungong P8.44 bilyon. Inaasahang patuloy pa itong babagsak sa ikatlong kwarto lalo't binigyan ng negatibong grado ng mga dayuhang bangko at institusyong pampinansya ang ekonomya ng bansa. Ang stock market sa Pilipinas ay sinasabing isa sa limang pinakamasama sa buong mundo. Para itong may nakahahawang sakit na iniiwasan ng mga ispekulador sa stocks. Sa loob lamang ng ilang araw, bumagsak nang 87 puntos ang stock exchange mula 1,373 (Oktubre 5) hanggang 1,282 puntos (Oktubre 16). Said na said na ang pondo ng gubyerno. Nitong Setyembre pa lamang ay umabot na sa P82.983 bilyon ang depisito sa badyet ng gubyerno, mas mataas nang mahigit P35 bilyon kaysa isang-taong target na P62.5 bilyon. Tinataya ng gubyerno na aabot ito sa P110 bilyon sa buong taon, katumbas halos ng P111.7 bilyong depisito noong 1999 lalupa�t tumangging magbigay ng bagong pautang ang IMF at patuloy na hindi maabot ang mga target sa ibebentang mga korporasyong pampubliko. Ang masang anakpawis ang pangunahing binibigwasan ng pagdausdos ng krisis sa ekonomya. Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga walang hanapbuhay. Sa upisyal na estadistika ng gubyerno, umaabot na sa 11% ang tantos ng disempleyo, ang pinakamataas mula 1986. Kung tutuusin, aabot sa mahigit 56% o lagpas 28 milyon ang walang trabaho. Napakababa ng P26.50 dagdag sa minimum na sahod na inaprubahan ng gubyerno nitong Oktubre 6. Malayung- malayo ito sa ipinaglalabang P125 dagdag sa sahod ng mga manggagagawa at sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sa unang linggo ng Nobyembre, nakatakda na namang magtaas nang hanggang piso bawat litro ang mga dambuhalang kumpanya sa langis. Habang patuloy na lumalala ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema, patuloy ding dumadausdos ang ekonomya. Gayunpaman, kahit malutas ang kasalukuyang krisis sa pulitika, magpapatuloy ang krisis sa ekonomya at magbubunsod ito ng mas malalala pang pampulitikang krisis sa naghaharing sistema sa hinaharap. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|