Sa suporta ng imperyalismong US: Pinaiigting ang pananalakay ng Israel sa mamamayang Palestino
Ibayong pinasahol ng mananakop at pasistang gubyernong Israel ang pananalakay at pambobomba sa mga teritoryo ng Palestine. Ito'y matapos katigan ng imperyalismong US ang pananalakay ng Israel sa Palestine sa katwirang "ipagtanggol ang sarili" laban sa mga "teroristang grupo". Isinasangkalan ng Israel ang mga suicide bombing at iba pang atake ng mga radikal na pwersang Palestino sa mga Israeli upang maglunsad ng walang patumanggang pambobomba, pamamaril at pamamaslang. Nitong Disyembre lamang, 60 na Palestino ang napatay sa walang habas na pananalakay ng mga tropa ng Israel. Marami dito ay mga bata.
Nabalewala at naglaho ang halos lahat ng mga kasunduan sa pagitan ng Palestinian Liberation Organization at Israel na nagtatangkang resolbahin ang matagal nang mahigpit at madugong kontradiksyon sa pagitan ng mamamayang Palestino at estado ng Israel. Binawi na ng gubyernong Israel ang dating pagkilala nito sa Palestinian Authority at sa presidente nitong si Yasser Arafat. Sa sulsol ng US at mga imperyalistang bansa sa Europa, pinepresyur ng Israel si Arafat na supilin ang sarili niyang mamamayan. Pagtatangka itong pahinain ang pagkakaisa ng mga Palestino at paglaban-labanin ang iba't iba nilang paksyon.
Bago ito, tinutulan ng mamamayang Palestino ang tangkang gawing lehitimo ang okupasyon ng Israel sa Palestine sa pamamagitan ng huwad na kasunduang pangkapayapaang inilalako ng US. Sa kasunduang ito, iuutos ng US ang pag-atras ng mga tropang Israeli sa Palestine kung iaatras ng mga Palestino ang kanilang paninindigan para sa mga estratehikong bahagi ng kanilang teritoryo (kabilang ang punong lunsod ng Jerusalem). Alinsunod sa kanilang mahabang kasaysayan ng militansya at armadong pakikibaka, lalong pinaiigting ng mamamayang Palestino ang kanilang pakikipaglaban sa marahas at barbarong okupasyon ng papet na gubyernong Israel sa kanilang mga lupain.
Muling naglunsad ng intifada, o armadong pag-aalsa, ang mamamayang Palestino laban sa okupasyon ng Israel noong Setyembre 2000 matapos bumagsak ang pinakahuling usapang pangkapayapaan na itinaguyod ng US. Mula noon, humigit-kumulang 900 Palestino at 233 Israeli na ang namatay sa digmaan. Nasa kaibuturan ng pakikibakang Palestino ang pagtatatag ng isang nagsasariling bansa. Sa ngayon, sentro ng tunggalian ang mga lugar ng Gaza Strip at West Bank, pangunahin na ang syudad ng Jerusalem, na sinakop ng Israel noon pang 1967. Ang okupasyong ito ay kinukundena ng maraming bansa at mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|