Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga aral sa kampanyang militar ng BHB sa Panay

 Read this article in English

Ang suporta ng masa ang susi sa matagumpay na pagsalakay ng BHB sa munisipyo at istasyon ng pulisya sa Tubungan, Iloilo noong Hunyo 15. Ayon kay Julian Paisano, tagapagsalita ng Coronacion "Waling-Waling" Chiva Command ng BHB-Panay, ang malawak na masa ng magsasaka at iba pang sektor ang nag-aruga sa mga Pulang mandirigma sa buong proseso ng paghahanda ng taktikal na opensiba at, sa mismong oras ng operasyon, nagkubli sa umaabanteng hukbo habang papalapit na ito sa target. Ginawa nilang bingi't bulag ang kaaway kaya naging matagumpay ang reyd.

Presisyon, organisasyon at disiplina. Marami ang namangha sa presisyon, organisasyon at disiplina ng BHB sa pagdisarma ng mga pulis, sa pagtiyak na walang sibilyang madadamay at sa maayos na pag-atras ng mga pwersa nito. Sa loob ng 35 minuto, mabilis na tinapos ang mismong opensiba at organisadong nakaatras ang mga Pulang mandirigma dala ang mga nakumpiskang armas, mga bala at iba pang kagamitang militar. Ilang oras pa ang lumipas bago nakakilos ang reimporsment ng kaaway dahil sa laking takot ng mga ito na matambangan ng mga yunit ng BHB.

Bandang ala-una ng hapon nang pasukin ng BHB ang munisipyo. Agad na ipinakat ang blocking forces sa tatlong ruta papasok at palabas ng poblasyon. Inakala ng mga pulis, mga empleyado ng munisipyo at mga nagseseminar na CVO na mga tropa ng Philippine Army ang dumating.

Walang kamalay-malay ang mga pulis na abala sa panonood sa telebisyon ng mainit na pagbibilang ng mga boto para sa presidente at bise-presidente at sa bantang destabilisasyon. Nagulat na lamang sila nang dumating ang mga Pulang mandirigma at disarmahan sila ng mga ito. Sabay na nakontrol ng iskwad Abe ang staff house (na nagsisilbi ring guard house na kinaroroonan din ng mga armas at base radio) at ng iskwad Kaloy naman ang bahaging harapan, at ang una't ikalawang palapag ng munisipyo. Pinadapa ang mga nabihag na pulis at ang mga empleyado. Kasabay nito, inasolt at kapagdaka'y nakontrol ng iskwad Baking ang istasyon ng pulisya.

Operasyong walang putok ang orihinal na plano ng BHB. Ngunit nang magkulong sa kanyang upisina ang hepe ng pulis at magpaputok ng kanyang M16, napilitan na ring gumanti ng putok ang BHB. Habang nagpapalitan ng mga putok, hinikayat ng BHB at pati ng mga tauhan niyang pulis na sumuko na lamang ang hepe at hindi naman siya sasaktan. Tumagal nang kalahating oras ang putukan. Sa bandang huli, nakaakyat sa ikalawang palapag ang hepe at ginawa niyang pananggalan ang mga sibilyan. Sa gayong kalagayan, nagpasya ang kumand na umatras na lamang para walang madamay na sibilyan. Binigyan ng medik ng BHB ng paunang lunas ang isang empleyadong nasugatan dulot ng nabasag na salamin. Sa kabuuan, isang oras ang itinagal ng taktikal na opensiba�mula sa lunsaran hanggang sa pag-asolt, pagdisarma sa kaaway at pag-atras ng buong pwersa.

Regulasyon ng BHB. Mahusay na naipakita ng mga Pulang mandirigma sa mga nabihag na pulis at sa mga empleyado ng munisipyo ang mataas na antas ng disiplina at mahigpit na pagtalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan at mga pandaigdigang kumbensyon at protokol sa Geneva kaugnay ng pagrespeto sa mga karapatang-tao at sa maayos na pagtrato sa mga hors de combat. Habang iginagapos ang mga dinisarmahang pulis, sinabihan silang mga armas lamang nila ang kailangan sa kanila.

Nagpamudmod rin ang mga Pulang mandirigma ng ilang kopya ng Ang Bayan at mga polyeto ng Napoleon Tumagtang Command (kumand ng nakasasaklaw na larangang gerilya) sa mga pulis at empleyado, kasabay ng pagpapaliwanag tungkol sa isinusulong na rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan. Nagtirik sila ng dalawang bandila ng Partido Komunista ng Pilipinas sa harapan ng munisipyo ng Tubungan bago sila umatras. Kinunan ng mga litrato at bidyo at inirekord sa tape ang buong proseso ng pag-asolt hanggang pag-atras ng mga pwersa.

Bago ito, nireyd ng BHB ang E.C. de Luna Construction sa Barangay Partition, Guimbal, Iloilo. Sinalakay ng isang pinaliit na platun ng BHB ang compound ng kumpanya bandang 10:00 ng gabi ng eleksyon. Pinarusahan ang kumpanya sa di pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis. Kinumpiskahan din ng dalawang baril ang mga gwardya.

Naaning kagamitang militar. Nakasamsam ang BHB ng 18 armas sa dalawang buwang kampanyang militar sa naturang larangang gerilya. Mula sa Tubungan ang 15 sa mga ito: walong M16, isang M14, tatlong pistolang 9 mm, isang pistolang Super .38, isang pistolized shotgun at isang de-12 pugakhang (katutubong desabog). Nakumpiska rin ang sarisaring magasin at bala, tatlong rifle grenade, isang base radio, dalawang VHF handset at iba pang gamit militar. Nasamsam naman sa De Luna Construction ang isang shotgun at isang .38 rebolber.

Ilang aral. Bukod sa epektibong paggamit ng superyor na pwersa at elemento ng sorpresa, mahalagang bahagi ng paghahanda para sa reyd sa Tubungan ang maraming pagsasanay na pinagdaanan ng mga mandirigma at upisyal na lumahok dito. Dumaan sila sa Batayang Kursong Pulitiko-Militar (BKPM) at intelligence and operations study conference para sa mga kadre at upisyal militar. Bago ilunsad ang kampanyang militar, nag-ensayo sila sa pagbabasa ng mapa, naglunsad ng mga dry run at nanood ng mga bidyo tungkol sa mga taktika at teknika sa mga reyd. Nagsilbing dry run para sa mga Pulang mandirigma ang reyd sa E.C. de Luna Construction para sa mas malaki at matagumpay na pagsalakay ng Tubungan Police Station.

Masusi ring pinag-aralan ng mga Pulang mandirigma ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) laluna sa usapin ng wastong pagtrato sa mga sibilyan at napasukong kaaway.

Bago at matapos ang reyd sa Tubungan, naglunsad ang BHB ng mga kampanyang pampulitika at pangkultura upang itaas ang moral at diwang mapanlaban ng BHB at masa sa lugar.

Mahusay ding nasamantala ng BHB ang maigting na bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryong pulitiko at mga katoto nila sa militar at pulisya. Abalang-abala ang mga upisyal at yunit ng AFP at PNP sa pagpapagamit sa kani-kanilang mga pinapaborang pulitiko, pagpapakana laban sa mga karibal na kandidato at pagmamatyag sa pinangangambahang destabilisasyon sa mga syudad at kabisera.

Higit sa lahat, susi sa pagtagumpay ng nakaraang kampanyang militar ang malakas at malawak na suporta ng masa sa rebolusyonaryong armadong pagkikibaka. Walang sawa ang pagtangkilik at pagtitiyak ng masang magsasaka at iba pang mamamayan sa seguridad habang tipon ang malaking pwersa ng BHB sa mahaba-habang panahon ng pagsasanay at pag-aaral mula Abril hanggang sa aktwal na paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hulyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Hungkag at mapanlinlang ang 10-puntong programa ng rehimeng Arroyo

Ikatlong round ng usapang pangkapayapaan, nakakadismaya-JMS
Adyenda ng US ang planong pag-amyenda sa konstitusyon
Mga aral sa kampanyang militar ng BHB sa Panay
Sumusulong ang rebolusyong agraryo sa Central Luzon
Ka Argie: Mandirigmang medik, dentista at siruhano
Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo
Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo:
Pondo ng pasista

Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo:
Mga palabas ni Arroyo

Sa Ibayong Dagat:
Papet na gubyerno, itinayo ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.